APOCALIPSIS 20

1At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay.[#Apoc. 9:1.]

2At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diablo at Satanas, at ginapos na isang libong taon,[#Apoc. 12:3.; #2 Ped. 2:4; Jud. 6; Apoc. 12:9.]

3At siya'y ibinulid sa kalaliman at sinarhan, at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang huwag ng magdaya sa mga bansa, hanggang sa maganap ang isang libong taon: pagkatapos nito ay kailangang siya'y pawalang kaunting panahon.[#Dan. 6:17.]

4At nakakita ako ng mga luklukan, at may mga nagsisiluklok sa mga ito, sila'y pinagkalooban ng paghatol: at nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo ni Jesus, at dahil sa salita ng Dios, at ang mga hindi sumamba sa hayop, o sa kaniyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay; at sila'y nangabuhay, at nagsipagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.[#Dan. 7:9, 22, 27; Mat. 19:28; Apoc. 2:26.; #1 Cor. 6:2.; #Apoc. 6:9.; #Apoc. 13:12.; #Apoc. 13:15, 16.; #Dan. 7:18; 2 Tim. 2:12.]

5Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli.[#1 Tes. 4:16.]

6Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.[#Apoc. 2:11; 21:8.; #Apoc. 1:6.]

7At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan,[#tal. 2.]

8At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.[#Ezek. 38:2.; #Apoc. 16:14.]

9At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok.[#Is. 8:8; Ezek. 38:9, 16.; #Awit 132:13.; #Apoc. 13:13.]

10At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.[#tal. 14, 15; Apoc. 19:20.]

11At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila.[#Apoc. 21:1.; #Dan. 2:35.]

12At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.[#Dan. 7:10.; #Dan. 12:1; Apoc. 3:5.; #Apoc. 2:23.]

13At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila'y hinatulan bawa't tao ayon sa kanikaniyang mga gawa.[#Apoc. 6:8.]

14At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.[#1 Cor. 15:23, 54; Apoc. 21:4.; #tal. 6.]

15At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy.

Ang Biblia © Philippine Bible Society, 1982
Published by: Philippine Bible Society