ISAIAS 16

1Nagpadala sila ng mga kordero

sa pinuno ng lupain,

mula sa Sela, sa daan ng ilang,

hanggang sa bundok ng anak na babae ng Zion.

2Sapagkat gaya ng kalat na pugad,

ng mga nagsisigalang ibon,

gayon ang mga anak na babae ng Moab

sa mga tawiran ng Arnon.

3“Magpayo ka,

magbigay ka ng katarungan,

gawin mo ang iyong lilim na gaya ng gabi

sa gitna ng katanghaliang-tapat;

ikubli mo ang mga itinapon,

huwag mong ipagkanulo ang takas.

4Patirahin mong kasama mo ang itinapon mula sa Moab,

maging kanlungan ka niya

mula sa mangwawasak.

Kapag wala nang mang-aapi,

at huminto na ang pagkawasak,

at ang yumayapak sa ilalim ng paa ay wala na sa lupain,

5kung magkagayo'y matatatag ang trono sa tapat na pag-ibig,

at uupo roon sa katapatan,

sa tabernakulo ni David

ang isa na humahatol at humahanap ng katarungan,

at mabilis na nagsasagawa ng katuwiran.”

6Aming nabalitaan ang pagyayabang ng Moab,

na siya'y totoong mapagmataas;

ang kanyang kahambugan, at ang kanyang kapalaluan, at ang kanyang poot—

ang kanyang paghahambog ay huwad.

7Kaya't hayaang tumangis ang Moab,

bawat isa'y tumangis para sa Moab.

Manangis kayong lubha

dahil sa mga tinapay na pasas ng Kir-hareseth.

8Sapagkat ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina,

at ang ubasan ng Sibma;

sinira ng mga panginoon ng mga bansa ang mga piling pananim niyon;

na nakarating hanggang sa Jazer,

at sa ilang ay lumaboy;

ang kanyang mga sanga ay kumalat,

at nagsitawid sa dagat.

9Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer

dahil sa puno ng ubas ng Sibma;

didiligin kita ng aking mga luha,

O Hesbon at Eleale;

sapagkat ang sigawan sa iyong bunga

at sa iyong pag-aani ay nahinto.

10At ang kasayahan at kagalakan ay inalis

mula sa mabungang lupain,

at sa mga ubasan ay hindi inawit ang mga awitin,

walang ginawang mga pagsigaw,

walang manyayapak na gumagawa ng alak sa pisaan;

aking pinatigil ang awitan sa pag-aani.

11Kaya't ang aking kaluluwa ay tumataghoy na parang alpa para sa Moab,

at ang aking puso para sa Kir-heres.

12At kapag ang Moab ay humarap, kapag siya'y pagod na sa mataas na dako, kapag siya'y pumaroon sa kanyang santuwaryo upang manalangin, ay hindi siya mananaig.

13Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Moab noong nakaraan.

14Ngunit ngayo'y nagsalita ang Panginoon , na nagsasabi, “Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab, sampu ng lahat niyang karamihan; at ang mga nalabi ay magiging kakaunti at mahihina.”

©Philippine Bible Society, 2001
Published by: Philippine Bible Society