1 Mga Taga-Corinto 2

1Mga kapatid, nang pumunta ako diyan para ipahayag ang lihim na plano ng Diyos, hindi ako gumamit ng malalalim na pananalita o karunungan.

2Sapagkat ipinasya ko na wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Hesu-Kristo lamang at ang kanyang pagkapako sa krus.

3Pumunta ako diyan na may kahinaan, at nanginginig pa sa takot.

4At nang mangaral ako sa inyo, hindi ako gumamit ng matatamis na pananalita batay sa karunungan ng tao para kumbinsihin kayo. Sa halip, pinatunayan ng Espiritu ang aking pangangaral sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,

5nang sa ganooʼy hindi nakasalalay sa karunungan ng tao ang inyong pananampalataya kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

Ipinahayag ng Espiritu ang Karunungan ng Diyos

6Kung sabagay, nagtuturo rin kami ng malalalim na karunungan sa mga matatag na sa pananampalataya, ngunit ang karunungang itoʼy hindi mula sa karunungan ng mundong ito, o sa mga namumuno sa mundong ito na nakatakda nang maglaho.

7Sa halip, ang karunungang sinasabi ko ay ang hiwaga ng Diyos na kanyang inilihim noon. Itoʼy itinalaga niya para sa ating kaluwalhatian bago pa man niya likhain ang mundo.

8Ang karunungang ito ay hindi naunawaan ng mga namumuno sa mundong ito. Sapagkat kung naunawaan nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon.

9Ganito nga ang sinasabi sa Kasulatan:

“Wala pang mga matang nakakita,

wala ring mga taingang nakarinig,

at wala pang taong nakaisip

sa mga bagay na inihanda ng Diyos

para sa mga nagmamahal sa kanya.”

10Ngunit ang mga bagay na itoʼy ipinahayag na sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu.

Sapagkat ang lahat ng bagay ay sinisiyasat ng Espiritu, maging ang mga malalalim na kaisipan ng Diyos.

11Hindi baʼt walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu? Ganoon din naman, walang nakakaalam sa iniisip ng Diyos maliban sa kanyang Espiritu.

12At ang Espiritu na ito ng Diyos ang tinanggap nating mga mananampalataya, hindi ang espiritu ng mundong ito, upang maunawaan natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Diyos.

13Kaya nga ipinangangaral namin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga salitang mula sa Banal na Espiritu at hindi mula sa karunungan ng tao. Ipinangangaral namin ang espirituwal na mga bagay sa mga taong pinananahanan ng Espiritu.

14Ngunit ang taong hindi pinananahanan ng Espiritu ng Diyos ay hindi tumatanggap ng mga aral mula sa Espiritu dahil kamangmangan ito sa kanya. At hindi niya ito nauunawaan, dahil ang mga bagay na itoʼy maiintindihan lamang sa tulong ng Espiritu.

15Samantala, ang taong pinananahanan ng Espiritu ay nagsusuri sa lahat ng ito, ngunit siya mismo ay hindi masusuri ng ibang tao.

16Ayon nga sa sinasabi ng Kasulatan:

“Sino ba ang nakakaalam sa isip ng Panginoon?

Sino ba ang makakapagpayo sa kanya?”

Ngunit tayo, taglay natin ang isip ni Kristo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.