1 Mga Taga-Corinto 3

Ang Iglesya at mga Lingkod Nito

1Mga kapatid, hindi ko kayo makausap noon bilang mga taong ginagabayan ng Espiritu, kundi bilang mga taong makamundo at sanggol pa sa pananampalataya kay Kristo.

2Ang mga ipinangaral ko sa inyoʼy simple lamang dahil hindi pa ninyo kayang unawain ang malalalim na aral. At hanggang ngayoʼy hindi pa rin ninyo kayang unawain,[#3:2 Sa literal, Pinainom ko kayo ng gatas, hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa kayo handa.]

3dahil makamundo pa rin kayo. Nag-iinggitan at nag-aaway-away kayo. Hindi baʼt patunay ito na makamundo pa rin kayo at namumuhay ayon sa laman?

4Kapag sinasabi ng isa, “Kay Pablo ako,” at ang sinasabi naman ng isa, “Kay Apolos ako,” hindi baʼt para kayong mga taong makamundo?

5Bakit, sino nga ba si Apolos? At sino ba naman si Pablo? Kami ay mga lingkod lamang ng Diyos na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa lamang ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon.

6Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Diyos ang siyang nagpalago.

7Hindi ang nagtanim at ang nagdilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na siyang nagpapalago nito.

8Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay kapwa mga lingkod lamang. Ang bawat isa sa kanilaʼy tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa.

9Sapagkat kamiʼy nagtutulungang mga kamanggagawa sa paglilingkod sa Diyos. Kayoʼy bukirin ng Diyos at kayo rin ay gusali niya.

10At ako naman, bilang mahusay na tagapagtayo ng gusali, ang siyang naglagay ng pundasyon ayon sa kakayahang ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Pagkatapos, iba namang manggagawa ang nagpapatuloy sa pagtatayo nito. Ngunit kailangang maging maingat ang bawat nagtatayo

11dahil wala nang pundasyong maaari pang ilagay maliban sa nailagay na, at itoʼy walang iba kundi si Hesu-Kristo.

12Kung may magtatayo sa pundasyong ito na gamit ang ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, tuyong damo o dayami,

13makikita kung anong klase ng trabaho ang ginawa niya sa pamamagitan ng apoy sa Araw ng Paghuhukom. Ang apoy ang magpapakita kung ano ang kalidad ng gawa ng bawat isa.

14Kung ang itinayo ay hindi masusunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo.

15Ngunit kung ito namaʼy masusunog, wala siyang tatanggaping gantimpala. Ganoon pa man, maliligtas siya, ngunit katulad lamang ng isang taong nakaligtas sa apoy.

16Hindi ba ninyo alam na kayoʼy templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo?

17Ang sinumang wawasak sa Templo ng Diyos ay parurusahan niya, dahil banal ang Templo ng Diyos. At ang templong iyon ay walang iba kundi kayo.

18Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung mayroon man sa inyong nag-aakala na siyaʼy marunong ayon sa karunungan ng mundong ito, kinakailangang tigilan na niya ang ganyang pag-iisip upang maging marunong siya.

19Sapagkat ang karunungan ng mundo ay kamangmangan lamang sa paningin ng Diyos. Ayon nga sa Kasulatan, “Hinuhuli ng Diyos ang marurunong sa kanilang katusuhan,”[#3:19 Job 5:13.]

20at “Alam ng Panginoon na ang mga pangangatwiran ng marurunong ay walang kabuluhan.”[#3:20 Salmo 94:11.]

21Kaya huwag na ninyong ipagmalaki kung sino man ang sinusundan ninyo, sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo.

22Maging si Pablo, si Apolos, at si Pedro at pati na rin ang mundo, ang buhay at kamatayan, ang kasalukuyan at hinaharap, ang lahat ng itoʼy sa inyo.

23At kayo naman ay kay Kristo, at si Kristo naman ay sa Diyos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.