The chat will start when you send the first message.
1Nang panahong iyon, nagkasakit ang anak na lalaki ni Jeroboam na si Abias.
2Kaya sinabi ni Jeroboam sa asawa niya, “Pumunta ka sa Silo, magbalat-kayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa kita. Naroon si Ahias, ang propeta na nagsabi sa akin na magiging hari ako ng Israel.
3Pumunta ka sa kanya at magdala ng mga regalo na sampung tinapay, mga pagkain, at isang bangang pulot dahil sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”
4At iyon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam. Pumunta siya sa bahay ni Ahias sa Silo.
Matanda na si Ahias at hindi na makakita.
5Ngunit sinabi ng Panginoon kay Ahias, “Papunta rito ang asawa ni Jeroboam na nagbalat-kayo para hindi makilala. Magtatanong siya sa iyo tungkol sa anak niyang may sakit, at sagutin mo siya ng sasabihin ko sa iyo.”
6Nang marinig ni Ahias na papasok siya sa pintuan, sinabi ni Ahias, “Halika, pumasok ka. Alam kong asawa ka ni Jeroboam. Bakit ka nagbabalat-kayo? May masamang balita ako sa iyo.
7Umuwi ka at sabihin mo kay Jeroboam na ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel: ‘Ikaw ang pinili ko sa lahat ng tao para gawing pinuno ng mga mamamayan kong Israelita.
8Kinuha ko ang kaharian sa pamilya ni David at ibinigay sa iyo. Pero hindi ka katulad ni David na lingkod ko. Tinupad niya ang mga utos ko, sumunod siya sa akin nang buong puso, at ang matuwid lamang sa aking paningin ang ginawa niya.
9Mas masama ang ginawa mo kaysa sa ginawa ng mga pinunong nauna sa iyo. Itinakwil mo ako at ipinagpalit sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga diyos-diyosang gawa sa metal.
10“ ‘Dahil dito, padadalhan ko ng kapahamakan ang sambahayan mo. Papatayin ko ang lahat ng lalaki, alipin man o hindi. Wala akong ititira sa sambahayan mo tulad ng dumi na sinunog hanggang sa tuluyan itong mawala.[#14:10 : O dumi ng hayop.]
11Ang mga miyembro ng sambahayan mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.’ Ako, ang Panginoon , ang nagsabi nito.”
12Sinabi pa ni Ahias, “Umuwi ka na. Pagdating mo sa inyong lungsod, mamamatay ang iyong anak.
13Ipagluluksa siya ng buong Israel at ililibing. Siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang maililibing nang maayos, dahil siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang kinalugdan ng Panginoon , ang Diyos ng Israel.
14“At sa panahong ito, maglalagay ang Panginoon ng hari sa Israel na siyang uubos sa sambahayan ni Jeroboam.
15Parurusahan ng Panginoon ang Israel hanggang sa manginig ito tulad ng talahib na iwinawasiwas ng agos ng tubig. Aalisin niya sila sa magandang lupaing ito, na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno, at ikakalat niya sila sa gawing silangan ng Ilog Eufrates dahil ginalit nila Panginoon nang gumawa sila ng mga posteng imahen ng diyosang si Ashera.
16Pababayaan niya sila dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.”
17Pagkatapos, umuwi ang asawa ni Jeroboam sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng bahay nila, namatay agad ang kanyang anak.
18Ipinagluksa ng buong Israel ang kanyang anak at inilibing nila ito, ayon nga sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Propeta Ahias.
19Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam, pati na ang kanyang pakikipaglaban ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
20Naghari si Jeroboam sa Israel sa loob ng dalawampuʼt dalawang taon. Nang mamatay siya, ang anak niyang si Nadab ang pumalit sa kanya bilang hari.
21Si Rehoboam na anak ni Solomon ang hari sa Juda. Apatnapuʼt isang taóng gulang siya nang maging hari. Naghari siya sa loob ng labimpitong taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, upang doon siya pararangalan. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na Amonita.
22Gumawa ng kasamaan ang mga mamamayan ng Juda sa paningin ng Panginoon , at mas matindi pa ang galit ng Panginoon sa kanila kaysa sa kanilang mga ninuno, dahil mas matindi ang mga kasalanan nila.
23Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar at mga alaalang bato. At nagpatayo sila ng mga imahen ng diyosang si Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat malalagong punongkahoy.
24Bukod pa rito, may mga lalaki at babaeng bayaran sa lugar na pinagsasambahan nila. Ginawa ang mga mamamayan ng Juda ng lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
25Nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, nilusob ni Haring Shishak ng Ehipto ang Jerusalem.
26Kinuha niya ang mga kayamanan sa Templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati na rin ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon.
27Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardiya na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.
28At tuwing pumupunta ang hari sa Templo ng Panginoon , sumasama sa kanya ang mga tagapagbantay na dala ang mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibinabalik din nila ito sa silid kung saan itinatago ang mga ito.
29Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari sa Juda.
30Palaging naglalaban sila Rehoboam at Jeroboam.
31Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. (Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na Amonita.) At ang anak niyang si Abiyam ang pumalit sa kanya bilang hari.[#14:31 : Tinatawag din siyang Abias.]