The chat will start when you send the first message.
1Noong ikalabingwalong taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abias.[#15:1 O Abiyam.]
2Sa Jerusalem tumira si Abias, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca na apo ni Absalom.[#15:2 : Si Maaca ay anak ni Uriel na asawa ni Tamar. Si Tamar naman ay anak ni Absalom. Ganito rin sa talata 10|1KI 15:10.; #15:2 : Sa Hebreo, Abisalom, na siya ring si Absalom.]
3Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama. Hindi naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Diyos; hindi tulad ni David na kanyang ninuno.
4Ngunit dahil kay David, niloob ng Panginoon na kanyang Diyos, na patuloy na magmumula sa angkan niya ang maghahari sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng anak na papalit sa kanyang trono upang pangunahan at patatagin ang Jerusalem.[#15:4 niloob ng … ang maghahari : Sa literal, binigyan siya ng na kanyang Diyos ng ilaw.]
5Sapagkat matuwid sa paningin ng Panginoon ang mga ginawa ni David, at hindi siya sumuway sa utos ng Panginoon noong nabubuhay pa siya, maliban lang sa ginawa niya kay Urias na Heteo.
6Ang digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam ay nagpatuloy sa buong buhay ni Abias.[#15:6 : Sa ibang manuskrito, Rehoboam.]
7Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Abias, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Palaging may digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam.
8Namatay si Abias at inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari.
9Noong ikadalawampung taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari ng Juda si Asa.
10Sa Jerusalem tumira si Asa at naghari siya sa loob ng apatnapuʼt isang taon. Ang lola niya ay si Maaca na apo ni Absalom.
11Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon , katulad ni David na kanyang ninuno.
12Pinalayas niya sa Juda ang mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw sa mga lugar na sambahan, at ipinatanggal ang lahat ng diyos-diyosang ipinagawa ng kanyang mga ninuno.
13Pati ang lola niyang si Maaca ay inalis niya sa pagkareyna dahil nagpagawa ito ng imahen ng kasuklam-suklam na diyosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang mga imaheng ito at ipinasunog sa Lambak ng Kidron.
14Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar, nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoon sa buong buhay niya.
15Dinala niya sa Templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at ang iba pang mga bagay na inihandog niya, at ng kanyang ama sa Panginoon .
16Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasa na hari ng Israel.
17Nilusob ni Haring Baasa ng Israel ang Juda, at pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda.
18Pinagkukuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga bodega ng Templo ng Panginoon at sa kanyang palasyo. Ipinagkatiwala niya ito sa kanyang mga opisyal at inutusan niya sila na dalhin ito kay Haring Ben-hadad ng Aram doon sa Damasco kung saan ito nakatira. Si Ben-hadad ay anak ni Tabrimon at apo ni Hezion.[#15:18 : O Siria.]
19Ito ang mensahe ni Asa kay Ben-hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan tulad ng ginawa ng mga magulang natin. Tanggapin mo ang mga regalo ko sa iyo na ginto at pilak. Hinihiling ko lang na tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasa ng Israel upang tigilan na niya ako.”
20Pumayag si Ben-hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel-bet-maaca, ang buong Kineret at ang buong Neftali.
21Nang mabalitaan ito ni Baasa, pinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama, at bumalik siya sa Tirza.
22Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng taga-Juda na kunin ang mga bato at mga troso na ginamit ni Baasa sa pagpapatayo ng pader ng Rama. At ginamit naman ito ni Haring Asa sa pagpatayo ng pader ng Geba sa Benjamin at ng Mizpa.
23Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Asa, at ang kanyang mga tagumpay at ang lahat ng kanyang mga ginawa, pati na ang mga lungsod na ipinatayo niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang matanda na si Asa, nagkasakit siya sa paa.
24At nang mamatay siya, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ng kanyang ninunong si David. At ang anak niyang si Jehoshafat ang pumalit sa kanya bilang hari.
25Noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Nadab na anak ni Jeroboam. At naghari siya ng dalawang taon sa Israel.
26Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon . Sumunod siya sa pamumuhay ng kanyang ama at sa kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
27Ngayon, si Baasa na anak ni Ahias, na mula sa lahi ni Isacar ay nagbalak ng masama laban kay Nadab. Ipinapatay ni Baasa si Nadab habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton, na isang bayan ng mga Filisteo.
28Pinatay ni Baasa si Nadab noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari.
29Pagkaupo ni Baasa sa kanyang trono, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Jeroboam; hindi siya nagtira kahit isa sang-ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na taga-Silo.
30Nangyari ito dahil nagalit ang Panginoon , ang Diyos ng Israel, kay Jeroboam sa mga kasalanang ginawa niya, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
31Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Nadab, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
32Palaging naglalaban sina Asa at Baasa, sa buong panahon ng paghahari nila.
33Noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari ng Israel si Baasa na anak ni Ahias. Sa Tirza siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawampuʼt apat na taon.
34Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon . Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.