1 Pedro 5

Mga Bilin sa mga Pinuno ng Iglesya at sa mga Kabataan

1Sa mga pinuno ng iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring pinuno ng iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Kristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating.[#5:1 : Ang ibig sabihin, “mga mananampalataya ni Kristo.”]

2Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga pastol nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Diyos. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila.

3Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo, kundi maging halimbawa kayo sa kanila.

4At pagdating ni Kristo na siyang Pinunong Pastol, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.

5At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi ng Kasulatan:

“Kinamumuhian ng Diyos ang mga mapagmataas,

ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”

6Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo.

7Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo.

8Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyo, ang diyablo, ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa.

9Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Diyos at labanan ninyo ang diyablo. Alalahanin ninyong ang mga paghihirap na nararanasan ninyo ay nararanasan din ng mga kapatid nʼyo kay Kristo sa buong mundo.

10Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Diyos upang maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Kristo.

11Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.

Mga Pangwakas na Pagbati

12Isinulat ko sa inyo ang maikling liham na ito sa tulong ni Silvanus. Kapatid natin siya kay Kristo at talagang mapagkakatiwalaan. Napalakas sana ang inyong loob sa pamamagitan ng sulat na ito at napatunayan ang biyaya sa atin ng Diyos. Manatili kayo sa kanyang biyaya.

13Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa Babilonia. Katulad nʼyo, mga pinili rin sila ng Diyos na maging mga anak niya. Kinukumusta rin kayo ni Marcos na itinuturing kong anak.

14Magbatian kayo bilang magkakapatid na nakay Kristo.

Sa inyong lahat na nakay Kristo, sumainyo nawa ang kapayapaan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.