1 Samuel 13

Sinaway ni Samuel si Saul

1Si Saul ay tatlumpung taóng gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya rito sa loob ng apatnapuʼt dalawang taon.[#13:1 : Wala ito sa Hebreo ngunit makikita sa ibang mga tekstong Griyego.]

2Pumili si Saul ng 3,000 lalaki sa Israel para makipaglaban sa mga Filisteo. Ang mga hindi napili ay pinauwi niya. Isinama niya ang 2,000 sa Micmas at sa kaburulan ng Betel at ang isang libo naman ay pinasama niya sa anak niyang si Jonatan sa Gibea na sakop ng mga taga-Benjamin.

3Sinalakay ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Gibea at nabalitaan ito ng iba pang Filisteo. Kaya iniutos ni Saul na patunugin ang trumpeta sa buong Israel bilang paghahanda ng mga Hebreo sa digmaan.[#13:3 : O Israelita.]

4Nabalitaan ng mga Israelita na galit na galit ang mga Filisteo sa kanila dahil sinalakay ni Saul ang kampo nila. Kaya tinipon ang mga Israelita upang samahan si Saul sa Gilgal.

5Nagtipon ang mga Filisteo para makipagdigma sa mga Israelita. Mayroon silang 3,000 karwahe, 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat. Nagtipon sila at nagkampo sa Micmas, sa silangan ng Bet-aven.[#13:5 : Ganito sa ibang mga teksto ng Septuagint at sa Syriac. Sa Hebreo, 30,000.]

6Nang makita ng mga Israelita na nanganganib ang sitwasyon nila, nagtago sila sa mga kuweba, talahiban, mga batuhan, hukay at mga imbakan ng tubig.

7Ang iba sa kanilaʼy tumawid ng Ilog Jordan papuntang Gad at Gilead. Naiwan si Saul sa Gilgal, at nanginginig sa takot ang mga kasama niya.

8Naghintay si Saul kay Samuel sa Gilgal ng pitong araw ayon sa sinabi ni Samuel sa kanya, pero hindi dumating si Samuel. Nang makita ni Saul na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama niya,

9sinabi niya, “Dalhin ninyo sa akin ang handog na sinusunog at ang handog pangkapayapaan.” At inialay ni Saul ang mga handog na sinusunog.

10Nang patapos na siya sa kanyang paghahandog, dumating si Samuel. Sinalubong niya ito upang batiin.

11Pero nagtanong si Samuel, “Ano ang ginawa mo?”

Sumagot si Saul, “Nakita ko na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama ko, at hindi ka dumating sa oras na sinabi mo, at nagtitipon na ang mga Filisteo sa Micmas.

12Inisip ko na baka salakayin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal at alam kong hindi ko pa hinihingi ang tulong sa Panginoon . Kaya napilitan akong mag-alay ng handog na sinusunog.”

13Sinabi ni Samuel sa kanya, “Kahangalan ang ginawa mo! Hindi mo sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ng Panginoon na iyong Diyos. Kung sumunod ka lang sana, ang sambahayan mo ang maghahari sa Israel habang panahon.

14Ngunit hindi na ito mangyayari dahil nakakita na ang Panginoon ng taong susunod sa kagustuhan niya, at ginawa na siyang pinuno para sa kanyang mga mamamayan, dahil hindi ka sumunod sa utos ng Panginoon .”

15Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at pumunta sa Gibea, sa lupain ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga natira niyang tauhan; mga animnaraan silang lahat.

Walang Armas ang mga Israelita

16Nagkampo si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga natitira pa niyang tauhan sa Gibea, na sakop ng Benjamin, habang ang mga Filisteo naman ay nagkakampo sa Micmas.

17Nagtatlong grupo ang mga Filisteo sa kanilang pagsalakay. Ang isang grupoʼy pumunta sa Ofra, sa lupain ng Sual.

18Ang isang grupoʼy sa Bet-horon, at ang isaʼy pumunta sa hangganan kung saan matatanaw ang Lambak ng Zeboim na papunta sa disyerto.

19Nang mga panahong iyon, walang panday sa buong Israel. Hindi sila pinayagan ng mga Filisteo dahil sinabi nila, “Baka gumawa ng mga espada at sibat ang mga Hebreo.”

20Kaya kinakailangan pa ng mga Israelitang pumunta sa mga Filisteo kung maghahasa sila ng talim ng kanilang araro, piko, palakol at karit.

21At mahal ang singil sa kanila. Ang bayad sa pagpapahasa ng talim ng araro at piko ay dalawang pirasong pilak at sa pagpapahasa ng palakol at karit ay isang pirasong pilak.

22Kaya nang araw ng digmaan, wala ni isang sundalo sa Israel ang may espada at sibat maliban kina Saul at Jonatan.

Sinalakay ni Jonatan ang mga Filisteo

23Samantala, nagpadala ang mga Filisteo ng mga sundalo para bantayan ang daanan papuntang Micmas.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.