The chat will start when you send the first message.
1Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul? Itinakwil ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayon, punuin mo ng langis ang iyong sisidlan na sungay, at pumunta ka kay Jesse sa Bethlehem. Pinili ko ang isa sa mga anak niya na maging bagong hari.”
2Ngunit sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta roon? Kapag nalaman ito ni Saul, tiyak na ipapapatay niya ako.”
Sinabi ng Panginoon , “Magdala ka ng isang dumalagang baka sa Bethlehem, at sabihin mo sa mga tao na pumunta ka roon para maghandog sa Panginoon .
3Imbitahin mo si Jesse na sumáma sa paghahandog at sasabihin ko saʼyo kung ano ang gagawin mo. Ituturo ko kung sino sa mga anak niya ang pinili kong maging hari. At papahiran mo ng langis ang kanyang ulo.”
4Sinunod ni Samuel ang iniutos ng Panginoon . Pagdating niya sa Bethlehem, sinalubong siya ng mga tagapamahala ng bayan na nanginginig sa takot. Nagtanong sila, “Kapayapaan po ba ang pakay ninyo sa pagpunta rito?”
5Sumagot si Samuel, “Oo, nandito ako para maghandog sa Panginoon . Maglinis kayo ng sarili ninyo at sumáma kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, ginawa ni Samuel ang seremonya para linisin si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan din sila sa paghahandog.
6Pagdating nila, nakita ni Samuel si Eliab at naisip niya, “Siguradong siya na ang pinili ng Panginoon na maging hari.”
7Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang tangkad o ang kakisigan niya dahil hindi siya ang pinili ko. Hindi ako tumitingin na gaya ng pagtingin ng tao. Ang taoʼy tumitingin sa panlabas na kaanyuan, ngunit ang tinitingnan koʼy ang puso.”
8Tinawag ni Jesse si Abinadab at pinapunta kay Samuel. Ngunit sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ng Panginoon .”
9Pagkatapos, pinapunta ni Jesse si Shama kay Samuel, pero sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ng Panginoon .”
10Pito na sa mga anak ni Jesse ang pinapunta niya kay Samuel, pero ganito ang sinabi ni Samuel sa kanya: “Wala ni isa man sa kanila ang pinili ng Panginoon .”
11Tinanong ni Samuel si Jesse, “Sila na bang lahat ang anak mo?”
Sumagot si Jesse, “May isa pa, ang bunso, pero nagpapastol siya ng mga tupa.”
Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi tayo magpapatuloy sa ating gagawin hanggaʼt hindi siya dumarating.”
12Kaya ipinatawag ni Jesse si David at pinapunta sa kanila. Magandang lalaki siya, mamula-mula ang mukha at maganda ang mga mata.
Pagkatapos, sinabi ng Panginoon , “Pahiran mo siya ng langis dahil siya ang pinili ko.”
13Kaya kinuha ni Samuel ang langis at pinahiran niya sa ulo si David sa harap ng kanyang mga kapatid. Simula sa araw na iyon, napuspos siya ng Espiritu ng Panginoon . At umuwi naman si Samuel sa Rama.
14Umalis kay Saul ang Espiritu ng Panginoon , at pinahirapan siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon .
15Sinabi ng mga utusan ni Saul sa kanya, “Malinaw po na pinahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng Diyos.
16Kaya kung papayag po kayo, hahanap kami ng marunong tumugtog ng alpa. At tuwing pahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng Diyos, tutugtugan po niya kayo ng alpa at bubuti na ang pakiramdam ninyo.”
17Sinabi ni Saul sa kanyang mga utusan, “Sige, humanap kayo ng taong marunong tumugtog ng alpa at dalhin nʼyo siya sa akin.”
18Sumagot ang isa sa kanyang mga utusan, “Nakita ko po na ang isa sa mga anak ni Jesse na taga-Bethlehem ay magaling tumugtog ng alpa. Bukod pa roon, matapang po siya at mahusay makipaglaban, magandang lalaki, mahusay magsalita at sumasakanya ang Panginoon .”
19Nagsugo si Saul ng mga mensahero kay Jesse para papuntahin sa kanya ang anak ni Jesse na si David na pastol ng mga tupa.
20Kaya pinapunta ni Jesse si David kay Saul na may dalang mga regalo: isang asno na may kargang tinapay, isang balat na sisidlan na puno ng alak at isang batang kambing.
21Naglingkod si David kay Saul at nagustuhan siya ni Saul, kaya ginawa niyang tagapagdala ng armas si David.
22Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si Saul kay Jesse na nagsasabi, “Hayaan mong manatili rito si David para maglingkod sa akin dahil nalulugod ako sa kanya.”
23Sa tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu na ipinapadala ng Diyos, tinutugtog ni David ang kanyang alpa. Pagkatapos, umaalis kay Saul ang masamang espiritu at bumubuti ang kanyang pakiramdam.