The chat will start when you send the first message.
1Lumipas ang panahon at namatay si Samuel. Nagtipon ang buong Israel at ipinagluksa ang pagkamatay niya. Inilibing siya sa kanyang tirahan sa Rama.
Pagkatapos nito, lumipat si David sa disyerto ng Paran.
2Doon sa Paran, may isang tao na napakayaman at may lupain sa Carmel. Mayroon siyang isang libong kambing at tatlong libong tupa na kanyang pinapagupitan sa Carmel.[#25:2 : Sa ibang manuskrito, Maon.]
3Ang pangalan ng taong ito ay Nabal at mula siya sa angkan ni Caleb. Ang asawa naman niya ay si Abigail. Matalino at maganda si Abigail ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
4Habang nasa ilang si David, nabalitaan niya na pinapagupitan na ni Nabal ang kanyang mga tupa.
5Kaya nagsugo si David ng sampung kalalakihan sa Carmel at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo doon kay Nabal sa Carmel at batiin ninyo siya sa aking pangalan.
6Sabihin nʼyo, ‘Biyayaan ka nawa ng mahabang buhay. Nawaʼy maging masagana ang buo mong sambahayan at ang lahat ng pag-aari mo.
7“ ‘Nabalitaan kong nagpapagupit ka ng iyong mga tupa. Noong nakasama namin ang mga pastol mo sa Carmel, hindi namin sila sinaktan at walang anumang nawala sa kanila.
8Tanungin mo sila at sasabihin nila ang totoo. Ngayon, nakikiusap ako na pakitaan mo ng kabutihan ang mga tauhan ko, dahil pista ngayon. Ituring mo akong anak at ang mga alipin ko bilang iyong alipin; magbahagi ka sana sa amin ng anumang gusto mong ibigay.’ ”
9Pagdating ng mga tauhan ni David kay Nabal, ipinaabot nila ang mensahe ni David, at naghintay.
10Sinabi ni Nabal sa mga tauhan ni David, “Sino ba ang David na ito na anak ni Jesse? Sa panahon ngayon, maraming alipin ang tumatakas sa kanilang mga amo.
11Bakit ko naman ibibigay sa iyo ang tinapay, tubig at karneng para sa mga manggugupit ng mga tupa ko, gayong hindi ko nga alam kung saang lupalop kayo nanggaling?”
12Bumalik ang mga tauhan ni David at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Nabal.
13Nang marinig niya ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ninyo ang inyong mga espada!” Kaya isinukbit ng mga tauhan niya ang kanilang mga espada, at ganoon din ang ginawa ni David. Mga 400 tao ang sumáma kay David at 200 ang naiwan para bantayan ang mga kagamitan.
14Isa sa mga alipin ni Nabal ang nagsabi kay Abigail na kanyang asawa, “Nagsugo si David ng mga mensahero dito galing sa disyerto upang kumustahin ang amo naming si Nabal, pero ininsulto pa niya sila.
15Mabuti ang mga taong iyon sa amin, hindi nila kami ginawan ng anumang masama. Sa buong panahon na naroon kami sa parang malapit sa kanila, walang anumang nawala sa amin.
16Binantayan nila kami araw at gabi habang nagbabantay kami ng mga tupa.
17Pag-isipan mong mabuti ang nararapat mong gawin dahil mapapahamak ang asawa mo at ang kanyang buong sambahayan. Napakasama niyang tao kaya walang nangangahas na makipag-usap sa kanya.”
18Walang sinayang na oras si Abigail. Nagpakuha siya ng dalawandaang piraso ng tinapay, dalawang sisidlang-balat na puno ng alak, limang kinatay na tupa, isang sako ng binusang trigo, isandaang dakot ng pasas, at dalawandaang dakot ng igos. Pagkatapos, ipinakarga niya ito sa mga asno,
19at sinabi sa kanyang mga utusan, “Mauna na kayo, susunod na lang ako.” Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa asawa niyang si Nabal.
20Habang nakasakay si Abigail sa kanyang asno at paliko na sa gilid ng bundok, nakita niyang parating naman si David at ang mga tauhan nito.
21Samantala, sinasabi ni David, “Walang saysay ang pagbabantay natin sa mga ari-arian ni Nabal sa disyerto para walang mawala sa mga ito. Masama pa ang iginanti niya sa mga kabutihang ginawa natin.
22Parusahan sana ako ng Diyos nang napakatindi kapag may itinira pa akong buháy na lalaki sa sambahayan niya pagdating ng umaga.”
23Nang makita ni Abigail si David, dali-dali siyang bumaba sa kanyang asno at lumuhod sa harapan ni David.
24Sinabi niya, “Pakiusap po, pakinggan nʼyo ako. Inaako ko na po ang pagkakamali ng aking asawa.
25Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon ang walang kuwentang si Nabal. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal.
26“Ngayon po, niloob ng Panginoon na hindi matuloy ang pagdanak ng dugo at paghihiganti ninyo upang hindi madungisan ang inyong mga kamay. Sa kapangyarihan ng buháy na Panginoon at ng buhay nʼyo, nawaʼy matulad kay Nabal ang kahihinatnan ng inyong mga kaaway at ng lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo.
27Kaya, kung maaari, tanggapin ninyo ang mga regalong ito na dinala ko para sa inyo at sa inyong mga tauhan.
28“Patawarin nʼyo po sana ako kung mayroon man akong mga pagkukulang. Nakakatiyak ako na gagawin kayong hari ng Panginoon at magpapatuloy ang paghahari ninyo sa lahat ng inyong salinlahi, dahil nakikipaglaban kayo para sa kanya. Wala sanang makakapanaig na kasamaan sa inyo habang kayoʼy nabubuhay.
29Kahit may humahabol sa inyo para patayin kayo, iingatan kayo ng Panginoon na inyong Diyos. Ililigtas kayo ng kanyang mga kamay tulad ng pag-iingat ng isang tao sa isang mamahaling bagay. Ngunit ang inyong mga kaaway ay ihahagis na parang batong ibinala sa tirador.
30Kapag natupad na ang lahat ng kabutihang ipinangako sa inyo ng Panginoon at maging pinuno na kayo ng Israel,
31hindi kayo uusigin ng inyong konsensiya dahil hindi kayo naghiganti at pumatay nang walang sapat na dahilan. At kapag pinagtagumpay na kayo ng Panginoon , nakikiusap ako na huwag nʼyo po akong kalimutan na inyong lingkod.”
32Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin ang Panginoon , ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa inyo sa araw na ito para makipagkita sa akin.
33Salamat sa Diyos sa mabuti mong pagpapasya. Dahil dito, iniwas mo ako sa paghihiganti at pagpatay.
34Kung hindi ka nagmadaling makipagkita sa akin, wala sanang matitirang buháy na lalaki sa sambahayan ni Nabal bukas ng umaga. Isinumpa ko iyan sa buháy na Panginoon , ang Diyos ng Israel, na siyang pumigil sa akin sa paggawa sa iyo ng masama.”
35Tinanggap ni David ang mga regalo ni Abigail at sinabi, “Umuwi kang mapayapa at huwag ka nang mag-alala. Gagawin ko ang mga sinabi mo.”
36Umuwi si Abigail at nadatnan niya si Nabal na nagdiriwang tulad ng hari. Sobrang saya ni Nabal at lasing na lasing, kaya hindi na niya sinabi rito hanggang umaga ang pakikipagkita niya kay David.
37Kinaumagahan, nang wala na ang pagkalasing nito, sinabi sa kanya ni Abigail ang nangyari. Inatake siya sa puso at hindi na nakagalaw.
38Pagkaraan ng sampung araw, pinalala ng Panginoon ang kalagayan niya at siyaʼy namatay.
39Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon ! Siya ang gumanti kay Nabal dahil sa pang-iinsulto niya sa akin. Hindi na niya hinayaang ako pa ang gumawa noon. Pinarusahan niya si Nabal sa masama niyang ginawa sa akin.”
Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si David kay Abigail na hinihiling niya na maging asawa niya ito.
40Pagdating ng mga mensahero sa Carmel, sinabi nila kay Abigail, “Pinapunta kami ni David sa iyo upang sunduin ka at gawing asawa niya.”
41Lumuhod si Abigail at sinabi, “Pumapayag ako. Handa akong paglingkuran siya pati na ang kanyang mga alipin.”[#25:41 : Sa literal, at sa paghuhugas ng mga paa ng kanyang mga alipin.]
42Dali-daling sumakay si Abigail sa asno at sumáma sa mga mensahero ni David. Isinama niya ang lima niyang aliping babae, at naging asawa siya ni David.
43Pinakasalan din ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at dalawa silang naging asawa ni David.
44Ang unang asawa ni David na si Mical ay ibinigay ni Saul kay Palti na anak ni Lais na taga-Galim.