1 Samuel 3

Ang Pagtawag ng Diyos kay Samuel

1Noong mga panahong naglilingkod si Samuel sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli, madalang nang makipag-usap ang Panginoon , at kakaunti na rin ang mga pangitain.

2Isang gabi, natutulog si Eli sa kanyang kuwarto. Hindi na siya gaanong nakakakita.

3Si Samuel naman ay doon natutulog sa bahay ng Panginoon kung saan naroon ang Kahon ng Diyos. At habang nakasindi pa ang ilawan ng Diyos,[#3:3 : Ito ay isa pang tawag sa Kahon ng Kasunduan.]

4tinawag ng Panginoon si Samuel.

Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?”

5Tumakbo siya kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?”

Sumagot si Eli, “Hindi kita tinawag. Bumalik ka na at matulog ulit.” Kaya bumalik siya at muling natulog.

6Muli siyang tinawag ng Panginoon , “Samuel!” Bumangon si Samuel, pumunta kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?”

Sumagot si Eli, “Anak, hindi kita tinawag, bumalik ka na at matulog ulit.”

7Hindi pa nakikilala noon ni Samuel ang Panginoon dahil hindi pa nakikipag-usap ang Panginoon sa kanya.

8Tinawag ng Panginoon si Samuel sa ikatlong pagkakataon. Bumangon siya at pumunta kay Eli, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?”

At nooʼy naunawaan na ni Eli ang Panginoon ang tumatawag sa batang si Samuel,

9kaya sinabi niya kay Samuel, “Bumalik ka na ulit at matulog, kung tatawagin ka ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Panginoon . Nakikinig ang inyong lingkod.’ ” Kaya bumalik si Samuel sa higaan at muling natulog.

10Lumapit kay Samuel ang Panginoon at gaya ng dati, tinawag niya ito, “Samuel! Samuel!”

Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, Panginoon , sapagkat nakikinig ang lingkod ninyo.”

11Sinabi ng Panginoon , “Tandaan mo ito, hindi magtatagal at may gagawin ako sa bayan ng Israel. Paghaharian ng matinding takot ang lahat ng makakarinig nito.

12Pagdating ng takdang panahon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli.

13Sinabi ko sa kanya na habang panahon kong parurusahan ang kanyang sambahayan dahil pinabayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak; hindi man lang niya sila dinisiplina.

14Kaya isinumpa kong kailanmaʼy hindi mapapatawad ang kasalanan ng pamilya ni Eli kahit mag-alay pa sila ng anumang handog.”

15Natulog si Samuel hanggang umaga, at binuksan niya ang pintuan ng bahay ng Panginoon . Natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain.

16Ngunit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.”

Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?”

17Nagtanong si Eli, “Ano ba ang sinabi ng Panginoon sa iyo? Huwag kang maglilihim sa akin. Parusahan ka nawa ng Diyos nang matindi kung hindi mo sasabihin sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.”

18Ipinagtapat nga ni Samuel ang lahat sa kanya, at wala siyang itinago. Sinabi ni Eli, “Siya ang Panginoon . Gagawin niya kung ano sa tingin niya ang mabuti.”

19Patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon si Samuel habang siyaʼy lumalaki. Niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng sinabi ni Samuel.

20Kaya kinilala ng buong Israel, mula Dan hanggang Beer-seba, na si Samuel ay tunay ngang propeta ng Panginoon .

21Patuloy na nagpapakita ang Panginoon kay Samuel doon sa Silo, at doon ay ipinakikilala ng Panginoon ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.