The chat will start when you send the first message.
1Nakarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag nang ikatlong araw. Sinalakay na noon ng mga Amalekita ang Negeb at Ziklag. Nilusob nila ang Ziklag at sinunog ito.
2Binihag nila ang mga babae at ang lahat ng tao doon, bata man o matanda. Walang pinatay kahit isa ngunit dinala nila ang mga ito sa kanilang pag-alis.
3Nang makarating si David at ang mga tauhan niya sa Ziklag, nakita nila na nasunog na ang kanilang lugar at ang kanilang mga asawaʼt anak ay binihag.
4Dahil dito, napaiyak nang husto si David at ang mga tauhan niya hanggang wala na silang lakas para umiyak.
5Kasama sa mga bihag ang dalawang asawa ni David na si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na biyuda ni Nabal.
6Labis na nag-alala si David dahil masama ang loob ng kanyang mga tauhan sa pagkabihag ng mga asawaʼt anak nila, at balak nila siyang batuhin. Nagtiwala siya sa Panginoon na kanyang Diyos at nakahanap siya ng lakas.
7Kaya sinabi ni David sa paring si Abiatar, na anak ni Ahimelec, “Dalhin mo sa akin ang efod.” Dinala nga ito ni Abiatar sa kanya.
8Nagtanong si David sa Panginoon , “Hahabulin ko po ba ang mga sumalakay sa amin? Matatalo ko po ba sila?”
Sumagot ang Panginoon , “Oo, habulin mo sila. Siguradong matatalo mo sila at maililigtas mo ang mga bihag.”
9Kaya lumakad si David kasama ang 600 niyang tauhan at nakarating sila sa lambak ng Besor. Nagpaiwan doon
10ang 200 niyang tauhan dahil pagod na pagod na sila para tumawid pa sa lambak ng Besor. Ngunit nagpatuloy si David sa paghabol kasama ang 400 niyang tauhan.
11Nakita ang ilang tauhan ni David ng isang Ehipsiyo sa bukid. Dinala nila ito kay David, at binigyan nila ng tubig at tinapay.
12Binigyan din nila ang Ehipsiyo ng kapirasong tuyong igos at dalawang tumpok ng pasas, dahil tatlong araw na siyang hindi kumakain ni umiinom. Pagkatapos niyang kumain, nanumbalik ang kanyang lakas.
13Tinanong siya ni David, “Sino ang amo mo? Taga-saan ka?”
Sumagot siya, “Isa po akong Ehipsiyo, at alipin ng isang Amalekita. Iniwan ako ng amo ko, tatlong araw na po ang nakakaraan dahil nagkasakit ako.
14Bigla po naming sinalakay ang mga Kereteo sa Negeb, sa lupain ng Juda at ganoon din ang katimugang bahagi ng Negeb na tinitirhan ng mga angkan ni Caleb. Sinunog din po namin ang Ziklag.”
15Nagtanong si David sa kanya, “Masasamahan mo ba kami sa mga taong bumihag sa pamilya namin?”
Sumagot siya, “Opo. Kung maipapangako nʼyo sa pangalan ng Diyos na hindi nʼyo ako papatayin o ibabalik sa aking amo, sasamahan ko po kayo sa kanila.”
16Kaya sinamahan ng Ehipsiyo sina David sa mga Amalekita. Doon, nadatnan nila ang mga Amalekitang nakakalat na kumakain, umiinom at nagkakasayahan, dahil marami silang nasamsam sa lupain ng mga Filisteo at Juda.
17Sinalakay sila ni David at ng mga tauhan niya, mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinagabihan ng sumunod na araw. Walang ibang nakatakas sa mga Amalekita, maliban sa 400 kabataang lalaki na sumakay sa kamelyo nila at tumakas.
18Nabawi ni David ang lahat ng kinuha sa kanila ng mga Amalekita pati ang dalawa niyang asawa.
19Walang nawala, bata man o matanda, lalaki man o babae, o ano man sa mga nakuha ng mga Amalekita. Nabawing lahat ni David ang mga ito.
20Pagkatapos, nakuha rin niya ang lahat ng tupa at baka, at pinauna ng mga tauhan niya ang mga hayop na ito sa harapan ng iba pang mga hayop habang sinasabi, “Ito ang mga samsam para kay David.”
21Nang makarating na sina David sa lambak ng Besor, sinalubong sila ng dalawandaan niyang tauhan na hindi nakasama dahil sa sobrang pagod. Lumapit sina David sa kanila at binati niya ang mga ito.
22Ngunit, may masasama at walang silbing mga tauhan si David na nagsabi, “Hindi sila dapat bigyan ng bahagi ng mga nasamsam natin sa mga Amalekita dahil hindi naman sila sumáma sa atin. Kunin na lang nila ang mga asawaʼt anak nila at umalis na sila.”
23Sumagot si David, “Mga kapatid, hindi tama ʼyan. Huwag ninyong ipagdamot ang ibinigay ng Panginoon sa atin. Iningatan niya tayo at tinulungang magtagumpay sa ating mga kaaway.
24Sino sa tingin ninyo ang makikinig sa inyo? Dapat bigyan ang lahat. Pareho lang ang bahagi ng mga nagpaiwan para magbantay sa kagamitan at ng mga sumáma sa labanan.”
25Ang tuntuning ito ay ginawa ni David para sundin ng mga Israelita, at ipinapatupad pa rin ito hanggang ngayon.
26Nang dumating sila sa Ziklag, pinadalhan ni David ng ilang bahagi ng mga nasamsam nila ang mga kaibigan niyang tagapamahala ng Juda, kasama ang mensaheng, “Ito ang regalo ko sa inyo galing sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ng Panginoon .”
27Ipinadala ang mga ito sa mga sumusunod na bayan: Betel, Ramot-negeb, Jatir,
28Aroer, Sifmot, Estemoa,
29Racal, sa mga bayan ng mga Jerameelita at mga Cineo,
30sa Horma, Bor-ashan, Atac,
31Hebron at iba pang mga lupain na kanilang napuntahan.