1 Mga Taga-Tesalonica 1

Ang Pananampalataya ng mga taga-Tesalonica

2Palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos para sa inyong lahat at palagi namin kayong binabanggit sa aming mga panalangin.

3Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa na bunga ng pananampalataya, ang pagpapagal ninyong mula sa pag-ibig, at ang inyong pagtitiis na mula sa inyong pag-asa sa pagbabalik ng ating Panginoong Hesu-Kristo.

4Mga kapatid na minamahal ng Diyos, alam naming pinili niya kayo para sa kanya,

5dahil noong ipinahayag namin ang Magandang Balita sa inyo, ang Diyos ay nangusap sa inyo hindi lang sa pamamagitan ng aming mga salita kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, kalakip ang lubos na katiyakan na ang aming sinasabi ay totoo. Alam ninyo kung paano kami namuhay noong kasama namin kayo at lahat ng ginawa namin ay para sa kapakanan ninyo.

6Isa pang patunay na pinili niya kayo ay dahil tinanggap ninyo ang Magandang Balita sa kabila ng inyong matinding pagdurusa. Sa inyong pagtitiis nang may kagalakang mula sa Banal na Espiritu, tinularan ninyo kami at ang Panginoon.

7Dahil dito, nagsisilbi kayong halimbawa sa mga mananampalataya sa Gresya, mula Macedonia hanggang sa Acaya.

8Sapagkat mula sa inyo, lumaganap ang salita ng Panginoon hindi lamang sa Macedonia at Acaya kundi sa iba pang dako. Sa katunayan, kahit saang dako kami magpunta, ibinabalita na ng mga tao ang tungkol sa inyong pananampalataya sa Diyos kaya hindi na namin kailangan pang magsalita tungkol dito.

9Sapagkat sila mismo ang nagbabalita kung paano naging makabuluhan ang pagbisita namin sa inyo, at kung paanong tinalikuran ninyo ang inyong diyos-diyosan upang paglingkuran ang buháy at tunay na Diyos.

10At sila na rin ang nagsasabi tungkol sa paghihintay nʼyo sa pagbabalik ng Anak ng Diyos mula sa langit, na walang iba kundi si Hesus na muli niyang binuhay. Siya ang magliligtas sa atin sa darating na kaparusahan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.