1Mga kapatid, hindi ko na kailangang isulat pa sa inyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na ito,
2sapagkat alam na ninyong ang pagbabalik ng araw ng Panginoon ay katulad ng isang magnanakaw na dumarating sa gabi.
3Mangyayari ito habang inaakala ng mga tao na mapayapa at ligtas ang kalagayan nila. Biglang darating ang kapahamakan sa kanila tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaeng manganganak na. At hindi sila makakaligtas.
4Ngunit hindi na kayo namumuhay sa kadiliman, mga kapatid, kayaʼt hindi kayo mabibigla sa araw ng pagbabalik ng Panginoon na darating na tulad ng magnanakaw.
5Kayong lahat ay nasa panig ng liwanag, nasa panig ng araw. Hindi kayo pag-aari ng gabi o ng kadiliman.
6Kaya nga, huwag tayong maging katulad ng iba na natutulog, kundi maging handa at mapagpigil sa sarili.
7Sapagkat ang taong namumuhay sa kadiliman ay katulad ng taong pabaya na natutulog o katulad ng lasing na walang pagpipigil sa sarili.[#5:7 Sa literal, Sapagkat ang taong natutulog ay sa gabi natutulog; at ang taong naglalasing ay sa gabi naglalasing.]
8Ngunit dahil namumuhay na tayo sa liwanag, dapat ay may pagpipigil tayo sa sarili. Gawin nating panangga sa dibdib ang pananampalataya at pag-ibig, at helmet ang pag-asa natin sa pagliligtas sa atin ng Diyos.
9Sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa kaparusahan, kundi upang magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
10Namatay siya para sa atin, upang kahit tayoʼy tulog man o gising man sa pagbalik niya ay mabuhay tayo sa piling niya.
11Kaya nga, patuloy ninyong pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa, katulad nga ng ginagawa ninyo.
12Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na pahalagahan ninyo ang mga naglilingkod sa inyo na pinili ng Panginoon upang mamuno at mangaral sa inyo.
13Ibigay nʼyo sa kanila ang lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa gawain nila. Mamuhay kayong may mabuting pakikitungo sa isaʼt isa.
14Nakikiusap kami sa inyo, mga kapatid, na pagsabihan nʼyo ang mga tamad. Palakasin ang mga mahihina sa pananampalataya nila. Maging mapagpasensya kayo sa lahat.
15Huwag na huwag ninyong gagantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, sa halip, sikapin ninyong makagawa ng mabuti sa isaʼt isa at sa lahat.
16Palagi kayong magalak,
17palaging manalangin,
18at magpasalamat kayo sa lahat ng pagkakataon, dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo na mga nakay Kristo Hesus.
19Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu,
20at huwag ninyong hamakin ang mga propesiya.
21Sa halip, suriin ninyong mabuti ang lahat upang malaman kung galing ito sa Diyos o hindi. Panghawakan ninyo ang mabuti,
22at iwasan ang lahat ng uri ng kasamaan.
23Pakabanalin nawa kayong lubos ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawaʼy panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong pagkatao; ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagbabalik ng ating Panginoong Hesu-Kristo.
24Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo, at gagawin niya itong mga sinasabi namin.
25Ipanalangin nʼyo rin kami, mga kapatid.
26Batiin ninyo ang lahat ng kapatiran ng banal na halik.
27Iniuutos ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon, na basahin ninyo ang liham na ito sa lahat ng mga kapatiran.
28Sumainyo nawa ang biyaya ng ating Panginoong Hesu-Kristo.