1 Timoteo 4

1Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay may mga tatalikod sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo.

2Ang mga katuruang itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya at sinungaling. Manhid na ang kanilang konsensiya na parang pinaso ng napakainit na bagay.

3Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na nilikha ng Diyos ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakakaalam sa katotohanan.

4Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat,

5dahil nilinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin.

6Magiging mabuti kang lingkod ni Kristo Hesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at ng mabuting aral na sinusunod mo.

7Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang iyong sarili.

8Ang pagsasanay ng katawan ay may mabuting naidudulot, ngunit ang banal na pamumuhay ay higit na kapakipakinabang, sapagkat itoʼy may pangako hindi lang sa buhay na ito, kundi maging sa buhay na darating.

9Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at karapat-dapat tanggapin ng lahat.

10At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Diyos na buháy na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya.

11Iutos at ituro mo ang mga bagay na ito.

12Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga mananampalataya sa iyong pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay.

13Habang wala pa ako riyan, gamitin mo ang panahon mo sa pagbabasa ng Kasulatan sa mga tao, sa pangangaral at pagtuturo.

14Huwag mong pababayaan ang kaloob sa iyo ng Banal na Espiritu ayon sa inihayag ng mga pinuno ng iglesya nang ipatong nila ang kamay nila sa iyo.

15Gawin mo ang mga tungkuling ito at lubos mong italaga ang sarili mo sa mga ito upang makita ng lahat ang paglago mo.

16Maging maingat ka sa iyong pamumuhay at pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka at ang mga nakikinig sa iyo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.