The chat will start when you send the first message.
1Si Amazias ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang siya ay naging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampuʼt siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem.
2Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon , ngunit hindi lubos ang kanyang pagsunod.
3Nang matatag na ang paghahari ni Amazias, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari.
4Ngunit hindi niya ipinapatay ang kanilang mga anak, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon , “Hindi dapat mamatay ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Mamamatay lamang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”
5Tinipon ni Amazias ang kanyang mga sundalo na mula sa Juda at Benjamin. Binukod-bukod niya sila ayon sa kanilang pamilya at nilagyan ng mga kumander na mamamahala ng tig-isandaan at tig-isang libong sundalo. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang mga sundalo na nasa dalawampung taóng gulang pataas, at ang bilang ay tatlondaang libo. Silaʼy mahuhusay sa sibat at pananggalang.
6Kumuha rin siya ng isandaang sundalo mula sa Israel. Nagbayad siya ng 3,500 kilong pilak bilang upa sa mga sundalo.
7Ngunit may isang lingkod ng Diyos na pumunta kay Amazias at nagsabi, “Mahal na Hari, huwag po kayong kumuha ng mga sundalong mula sa Israel, dahil ang bayang iyon ay hindi pinapatnubayan ng Panginoon . Ang mga mamamayan ng Efraim ay hindi na tinutulungan ng Panginoon .
8Kung pasasamahin nʼyo po sila sa labanan, matatalo kayo kahit makipaglaban pa kayo nang mabuti. Ang Diyos lang ang may kapangyarihang makapagpapanalo o makapagpapatalo sa inyo.”
9Sinabi ni Amazias sa lingkod ng Diyos, “Ngunit paano ang ibinayad kong 3,500 kilong pilak sa mga sundalong Israelita?”
Sumagot ang lingkod ng Diyos, “Higit pa po diyan ang ibibigay ng Panginoon sa inyo.”
10Kaya pinauwi ni Amazias ang mga sundalo na taga-Efraim. Umuwi sila na galit na galit sa Juda.
11Buong tapang na lumusob si Amazias at pinangunahan niya ang kanyang mga sundalo sa pagpunta sa Lambak ng Asin, kung saan nakapatay sila ng sampung libong Edomita.[#25:11 : Sa Hebreo, angkan ni Seir. Ganito rin sa talata 14|2CH 25:14.]
12Nakadakip pa sila ng sampung libong sundalo, at dinala nila ito sa isang bangin at doon inihulog, kaya nagkabali-bali ang buto ng mga ito.
13Samantala, ang mga sundalong pinauwi ni Amazias at hindi pinasama sa labanan ay lumusob sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon. Nakapatay sila ng tatlong libong tao, at maraming ari-arian ang kanilang sinamsam.
14Pagbalik ni Amazias mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang kanilang mga diyos-diyosan. Ginawa niya itong sariling diyos, sinamba, at pinag-alayan ng mga handog.
15Kaya labis ang galit ng Panginoon kay Amazias. Nagpadala siya ng propeta kay Amazias para sabihin, “Bakit dumudulog ka sa mga diyos-diyosan na hindi nakapagligtas ng kanilang mga mamamayan sa iyong mga kamay?”
16Habang nagsasalita ang propeta, sumagot ang hari, “Bakit mo ako pinapayuhan? Ginawa ba kitang tagapayo? Tumahimik ka, dahil kung hindi, ipapapatay kita!”
Kaya tumahimik ang propeta pagkatapos niyang sabihin, “Tiyak na lilipulin ka ng Diyos dahil sinamba mo ang mga diyos-diyosan at hindi ka nakinig sa akin.”
17Matapos makipag-usap ni Haring Amazias sa kanyang mga tagapayo, nagpadala siya ng mensahe sa hari ng Israel na si Jehoas na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoas na maglaban sila.
18Ngunit sinagot siya ni Haring Jehoas sa pamamagitan ng kuwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Ngunit may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik.
19Sinasabi mo sa sarili mo na natalo mo ang Edom, at ipinagyayabang mo ito. Magdiwang ka pero manatili ka na lang sa iyong bahay. Bakit mo pipiliin ang gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”
20Ngunit hindi nakinig si Amazias, dahil kumikilos ang Diyos upang wasakin siya ni Jehoas dahil sa kanyang pagsamba sa mga diyos ng Edom.
21Kaya nilusob siya ni Haring Jehoas at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet-semes na sakop ng Juda.
22Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay.
23Nadakip ni Haring Jehoas si Haring Amazias doon sa Bet-semes, at dinala niya ito sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoas ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga animnaraang talampakan ang haba.
24Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa Templo ng Diyos na iniingatan noon ni Obed-edom. Kinuha rin niya ang mga kayamanan sa palasyo. Dinala niya ito at ang mga bihag pagbalik sa Samaria.
25Nabuhay pa si Haring Amazias ng Juda nang labinlimang taon matapos mamatay si Haring Jehoas ng Israel.
26Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazias, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan nga mga hari ng Juda at Israel.
27Matapos tumalikod ni Amazias sa Panginoon , may mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin siya. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Laquis pero nagpadala sila ng tao upang sundan siya roon at patayin.
28Isinakay sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.[#25:28 : Sa ibang mga tekstong Hebreo, Lungsod ng Juda.]