1Nagpagawa rin si Solomon ng tansong altar na tatlumpung talampakan ang haba, tatlumpung talampakan ang lapad at labinlimang talampakan ang taas.
2Nagpagawa rin siya ng malaking sisidlan na parang kawa na yari sa tanso, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay labinlimang talampakan, at ang sukat sa paligid ay apatnapuʼt limang talampakan.
3Napapalibutan ito ng dalawang hanay ng mga palamuting hugis toro sa ilalim ng bibig nito, sampung toro sa bawat labingwalong pulgada. Ang mga palamuti ay kasama na nang gawin ito.
4Nakapatong ang sisidlan sa likod ng labindalawang tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo ay sa gawing silangan.
5Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada, at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasang nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng 17,500 galong tubig.[#4:5 O 66,000 litro.]
6Nagpagawa rin siya ng sampung palanggana para paghugasan ng mga kagamitan sa mga handog na sinusunog, lima dito ay inilagay sa gawing timog at ang lima ay sa gawing hilaga. Ngunit ang malaking sisidlang tinatawag na Dagat ay ginagamit ng mga pari na panghugas.
7Nagpagawa rin siya ng sampung lalagyan ng ilaw na ginto ayon sa plano, at ipinalagay sa Templo, lima sa gawing hilaga at lima sa gawing timog.
8Nagpagawa siya ng sampung mesa at ipinalagay sa Templo, lima sa gawing timog at lima sa gawing hilaga. Nagpagawa rin siya ng isang daang gintong mangkok na ginagamit sa pangwisik.
9Nagpagawa rin siya ng bakuran ng mga pari at maluwang na bakuran sa labas. Pinagawan niya ng mga pintuan ang mga daanan papasok sa bakuran ng Templo at pinabalutan niya ng tanso.
10Inilagay niya ang malaking sisidlan sa gawing timog-silangan ng Templo.
11Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala, at mga mangkok na ginagamit na pangwisik.
Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos. Ito ang kanyang mga ginawa:
12ang dalawang haligi;
ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;
ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;
13ang apatnaraang palamuting korteng pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);
14ang mga kariton at mga planggana;
15ang malaking sisidlan na tinatawag na Dagat at ang labindalawang toro sa ilalim nito;
16ang mga palayok, mga pala, malalaking tinidor para sa karne, at ang iba pang kagamitan.
Ang lahat ng ito na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa Templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakinang na tanso.
17Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa Kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda.
18Napakaraming tanso ang ginamit ni Solomon kaya hindi na kayang alamin ang eksaktong timbang nito.
19Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa Templo ng Diyos:
ang gintong altar,
ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos,
20ang mga patungan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilawan nito na sinisindihan sa harapan ng Pinakabanal na Lugar ayon sa tuntunin tungkol dito,
21ang palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga pang-ipit, na puro ginto lahat;
22ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga sisidlan ng insenso na puro ginto rin lahat;
ang mga pintuan ng Templo at ang mga pintuan papasok sa Pinakabanal na Lugar, na nababalutan ng ginto.