2 Mga Taga-Corinto 1

Papuri sa Diyos na Nagpapalakas ng Loob

3Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Hesu-Kristo. Siyaʼy maawaing Ama at Diyos na laging nagpapalakas ng ating loob.

4Pinapalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, upang sa pamamagitan ng lakas ng loob na ibinigay sa atin ng Diyos ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap.

5Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Kristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob.

6Kung naghihirap man kami, itoʼy upang mapalakas ang inyong loob, at upang kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Diyos ang aming loob, itoʼy upang mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin.

7Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Diyos ang inyong loob tulad ng sa amin.

8Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa.

9Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon upang matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Diyos na siyang bumubuhay ng mga patay.

10Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito

11sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng nakararami.

Nagbago ng Plano si Pablo

12Isang bagay ang maipagmamalaki namin: Namumuhay kaming matuwid at tapat sa harap ng lahat ng tao, lalong-lalo na sa inyo. Nagawa namin ito hindi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo kundi dahil sa biyaya ng Diyos. At pinatutunayan ng aming konsensiya na talagang totoo itong aming ipinagmamalaki.

13-14Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi pa ninyo kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, at nang maipagmalaki ninyo kami sa araw ng Panginoong Hesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.

15Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin muna kayo upang makatanggap kayo ng dobleng pagpapala sa pagbisita ko.

16Binalak kong dumaan diyan kapag pupunta ako sa Macedonia, at sa pagbalik ko mula roon, muli akong dadaan sa inyo upang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea.

17Iyon sana ang balak ko ngunit nabago ito. Ang ibig bang sabihin nitoʼy pabago-bago ang isip ko? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” ngunit “Hindi” naman pala ang ibig sabihin?

18Kung paanong tapat ang Diyos, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi.

19Kami nina Silas at Timoteo ay nangaral sa inyo tungkol kay Hesu-Kristo na Anak ng Diyos. At alam ninyong si Kristoʼy tapat sa kanyang mga salita. Talagang tutuparin niya ang kanyang mga pangako.

20Sapagkat kahit gaano man karami ang pangako ng Diyos, tutuparin niyang lahat ito sa pamamagitan ni Kristo. Kaya nga masasabi natin na tapat ang Diyos, at itoʼy nakapagbibigay ng kapurihan sa kanya.

21Ang Diyos ang nagpapatibay sa atin, at sa ating pakikipag-isa kay Kristo. Pinili niya tayo,

22at tinatakan niya tayo bilang tanda na tayoʼy kanya. Inilagay niya ang kanyang Espiritu sa ating mga puso na nagsisilbing katibayan na matatanggap natin ang kanyang mga ipinangako.

23Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta diyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko.

24Ayaw naming diktahan kayo sa inyong pananampalataya dahil matatag na kayo diyan. Nais lamang naming magkatulungan tayo upang maging masaya kayo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.