2 Mga Hari 1

Si Elias at si Haring Ahazias

1Nang mamatay si Ahab, nagrebelde ang Moab sa Israel.

2Si Ahazias naman ay nahulog mula sa bintanang may rehas sa itaas na kuwarto niya sa Samaria, at lubha siyang napinsala. Kaya nagsugo siya ng mga mensahero, sinabi niya, “Pumunta kayo kay Baal-zebub, ang diyos ng Ekron, at alamin ninyo kung gagaling pa ako sa aking kalagayan.”

3Samantala, sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga mensahero ng hari ng Samaria at tanungin mo sila: ‘Bakit kayo pupunta kay Baal-zebub na diyos ng Ekron para isangguni kung gagaling pa ang hari? Wala na bang Diyos sa Israel?’

4Kaya ngayon, ito ang sinasabi ng Panginoon , ‘Hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ” Pagkatapos, umalis na si Elias.

5Nang bumalik na ang mga mensahero sa hari, tinanong niya sila, “Bakit kayo bumalik?”

6Sumagot sila, “Sinalubong po kami ng isang tao at sinabi niya, ‘Bumalik kayo sa hari at sabihin ninyo ang sinabi ng Panginoon : Wala na bang Diyos sa Israel kaya nagpadala ka ng mga taong sasangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron para tanungin kung ikaw ay gagaling? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa higaan mo. Tiyak na mamamatay ka!’ ”

7Tinanong sila ng hari, “Ano ang itsura ng taong sumalubong at nagsabi nito sa inyo?”

8Sumagot sila, “Nakasuot po siya ng damit na yari sa balahibo ng hayop at nakasinturon ng yari sa balat.”

Sinabi ng hari, “Si Elias iyon na taga-Tisbe.”

9Pagkatapos, pinapunta ng hari ang isang opisyal, kasama ang limampung tauhan nito kay Elias. Umakyat ang opisyal sa ibabaw ng burol kung saan nakaupo si Elias, at sinabi niya, “Lingkod ng Diyos, sinabi ng hari na pumunta ka sa kanya.”[#1:9 : O kapitan. Ganito rin sa talata 10, 11, 13|2KI 1:10,11,13.]

10Sumagot si Elias sa opisyal, “Kung lingkod nga ako ng Diyos, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang limampung tauhan mo!” Dumating nga ang apoy at nasunog ang opisyal at ang limampung tauhan niya.

11Muling nagsugo ang hari ng isang opisyal kasama ang limampung tauhan. Sinabi ng opisyal kay Elias, “Lingkod ng Diyos, nais po ng hari na pumunta agad kayo sa kanya.”

12Sumagot si Elias, “Kung lingkod nga ako ng Diyos, umulan sana ng apoy mula sa langit at sunugin ka pati ang limampung tauhan mo!” Dumating nga ang apoy ng Diyos mula sa langit at nasunog ang opisyal at ang limampung tauhan niya.

13Nagsugo ang hari ng ikatlong opisyal kasama ang limampung tauhan niya. Pagdating ng opisyal kay Elias, lumuhod siya at nagmakaawa, “Lingkod ng Diyos, mahabag po kayo sa akin at sa mga tauhan ko. Mga lingkod nʼyo po kami. Huwag nʼyo po sanang ipahintulot na mamatay kami.

14Nalaman ko pong sinunog ninyo ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal at ang mga tauhan nila. Pero ngayon, mahabag po kayo sa amin.”

15Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Sumama ka sa kanya, huwag kang matakot.” Kaya sumáma si Elias sa opisyal papunta sa hari.

16Pagdating ni Elias sa hari, sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon : Wala bang Diyos sa Israel na mapagtatanungan mo kaya nagsugo ka ng mga mensahero para sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron? Dahil sa ginawa mo, hindi ka na makakabangon sa iyong higaan. Tiyak na mamamatay ka!”

17Namatay nga ang hari ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

Dahil walang anak na lalaki si Ahazias, si Joram na kapatid niya ang pumalit sa kanya bilang hari. Naghari si Joram noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoram na anak ni Haring Jehoshafat ng Juda.

18Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Ahazias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.