2 Mga Hari 12

Ang Paghahari ni Joas sa Juda

(2~Cro. 24:1‑16)

1Noong ikapitong taon ng paghahari ni Jehu, naging hari ng Juda si Joas. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Zibia na taga-Beer-seba.

2Sa buong buhay niya, matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon dahil tinuruan siya ng paring si Jehoiada.

3Ngunit hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso doon.

4Sinabi ni Joas sa mga pari, “Kolektahin ninyo ang lahat ng pera na dinala sa Templo ng Panginoon bilang handog: ang perang kinolekta sa buwis ng sensus, ang perang ibinayad para sa panata, at ang perang handog na kusang-loob na ibinigay.

5Gamitin ninyo ang lahat ng ito sa pagpapaayos ng Templo.”

6Gayunpaman, hanggang sa ikadalawampuʼt tatlong taóng paghahari ni Joas, hindi pa rin naipapaayos ng mga pari ang Templo.

7Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Jehoiada at ang iba pang mga pari at tinanong, “Bakit hindi pa ninyo naipapaayos ang Templo? Simula ngayon, huwag na ninyong gagastusin ang mga pera para sa sarili ninyong pangangailangan. Dapat gastusin ito sa pagpapaayos ng Templo.”

8Pumayag ang mga pari na hindi na sila ang mangongolekta ng pera sa mga tao at hindi na rin sila ang magpapaayos ng Templo.

9Kumuha si Jehoiada ng kahon at binutasan ang takip nito. Pagkatapos, inilagay niya ito sa tabi ng altar, sa gawing kanan papasok sa Templo ng Panginoon . Kung mayroong magbibigay ng pera sa Templo, ang mga paring nagbabantay sa pintuan ang maglalagay nito sa kahon.

10Kapag puno na ang kahon, binibilang ng kalihim ng hari at ng punong pari ang pera at inilalagay nila ito sa mga lalagyan.

11-12Pagkatapos, ibibigay nila ang pera sa mga tao na namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga nagtatrabaho sa Templo ng Panginoon – ang mga karpintero, mga mason, at iba pang mga manggagawa. Ito rin ang ginagamit nilang pambili ng kahoy at mga hinating bato para sa pagpapaayos ng Templo ng Panginoon . Binabayaran din nila ang iba pang mga gastusin sa pagpapaayos nito.

13Hindi ginamit ang perang dinala sa Templo sa paggawa ng mga pilak na planggana, mga panggupit ng mitsa ng mga ilaw, mga mangkok, mga trumpeta o kahit anong gamit na ginto o pilak para sa Templo ng Panginoon .

14Ibinayad ang pera sa mga manggagawa ng Templo at sa mga materyales.

15Hindi na sila hinihingan ng listahan kung paano ginastos ang pera, dahil tapat at mapagkakatiwalaan sila.

16Ang perang ibinigay kasama ng mga handog para sa kasalanang di-sinasadya at ng mga handog para sa kasalanan ay hindi dinadala sa Templo ng Panginoon , dahil para ito sa mga pari.[#12:16 O handog.]

17Nang panahong iyon, si Haring Hazael ng Aram ay lumusob sa Gat at nasakop ito. Pagkatapos, binalak din niyang lusubin ang Jerusalem.

18Tinipon ni Haring Joas ng Juda ang mga inihandog niya pati ang lahat ng bagay na inihandog para sa Panginoon ng mga ninuno niya na sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazias na mga naging hari ng Juda. Ipinadala ni Joas ang lahat ng ito kay Hazael pati na ang lahat ng ginto na naroon sa bodega ng Templo ng Panginoon at ang mga nasa palasyo. Kaya hindi na lumusob si Hazael sa Jerusalem.

19Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Joas at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

20Sa bandang huli, nagplano ang mga opisyal niya laban sa kanya at pinatay siya sa Bet-milo sa daang papunta sa Sila.

21Ang kanyang mga opisyal na pumatay sa kanya ay sina Jozabad na anak ni Simeat at Jehosabad na anak ni Somer. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Amazias ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.