2 Mga Hari 14

Ang Paghahari ni Amazias sa Juda

(2~Cro. 25:1‑28)

1Noong ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas na anak ni Joahaz sa Israel, si Amazias naman na anak ni haring Joas ay naghari sa Juda.

2Siya ay dalawampuʼt limang taóng gulang nang siyaʼy maghari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawampuʼt siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem.

3Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon , ngunit hindi kapantay ng ginawa ni David na kanyang ninuno. Sa halip, sinunod niya ang halimbawa ng kanyang amang si Joas.

4Hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon.

5Nang matatag na ang paghahari ni Amazias, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari.

6Ngunit hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon , “Hindi dapat patayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lamang ang isang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”

7Si Amazias ang nakapatay ng sampung libong taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Joctel, at hanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin ang tawag dito.

8Isang araw, nagsugo si Amazias ng mga mensahero kay Haring Jehoas ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoas at sinabi, “Harapin mo ako sa labanan.”

9Ngunit sinagot siya ni Haring Jehoas sa pamamagitan ng kuwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Ngunit may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik.

10Amazias, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito ngayon. Ipagdiwang mo ang iyong pagkakapanalo, pero manatili ka na lang sa iyong bahay. Bakit mo pipiliin ang gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”

11Subalit hindi nakinig si Amazias, kaya nilusob siya ni Haring Jehoas at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet-semes na sakop ng Juda.

12Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kani-kanilang bahay.

13Nadakip ni Haring Jehoas ng Israel si Haring Amazias doon sa Bet-semes. Pagkatapos, pumunta siya sa Jerusalem at giniba ang pader ng lungsod mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga animnaraang talampakan ang haba.

14Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa Templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.

15Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoas, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

16Nang mamatay si Jehoas, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. At ang anak niyang si Jeroboam ang pumalit sa kanya bilang hari.[#14:16 : O Jeroboam II.]

17Nabuhay pa si Haring Amazias ng Juda nang labinlimang taon matapos mamatay si Haring Jehoas ng Israel.

18Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

19May mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin si Amazias. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Laquis, pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin.

20Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.

21Ipinalit ng mga taga-Juda si Azarias na anak ni Amazias bilang hari. Si Azarias ay labing-anim na taóng gulang nang maging hari.[#14:21 : O Uzia.]

22Muli niyang itinayo ang Elat at naging bahagi ulit ito ng Juda nang mamatay ang ama niyang si Amazias.

Ang Paghahari ni Jeroboam II sa Israel

23Noong ikalabinlimang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari sa buong Israel ang anak ni Jehoas na si Jeroboam. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng apatnapuʼt isang taon.

24Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon . Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.

25Nabawi niya ang mga teritoryo ng Israel sa pagitan ng Lebo-hamat hanggang sa Dagat na Patay tulad ng ipinangako ng Panginoon , ang Diyos ng Israel, sa pamamagitan ng anak ni Amitai na si Propeta Jonas na taga-Gat-hefer.[#14:25 : Sa Hebreo, Dagat ng Araba.]

26Niloob ng Panginoon na mangyari ito dahil nakita niya ang paghihirap ng mga Israelita, alipin man o hindi, at walang sinumang makakatulong sa kanila.

27Dahil sinabi ng Panginoon na hindi niya aalisin ang Israel sa mundo, kaya iniligtas niya ang mga Israelita sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas.

28Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat na sakop noon ng Juda, ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.[#14:28 : Ang ibig sabihin, ang buong bansa ng Israel noong hindi pa nahahati sa dalawang kaharian.]

29Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel, at ang anak niyang si Zacarias ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.