2 Mga Hari 21

Ang Paghahari ni Manases sa Juda

(2~Cro. 33:1‑20)

1Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng limampuʼt limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba.

2Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon . Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.

3Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Nagpatayo rin siya ang mga altar para kay Baal at nagpagawa ng posteng imahen ng diyosang si Ashera, tulad ng ipinagawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba siya sa lahat ng bagay na nasa langit.

4Nagpagawa pa siya ng mga altar sa Templo ng Panginoon sa Jerusalem, ang lugar na sinabi ng Panginoon na pararangalan siya.

5Inilagay niya ang mga altar sa magkabilang panig ng bakuran ng Templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit.

6Inihandog pa niya ang sarili niyang anak sa apoy. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga mangkukulam at mga manghuhula, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng patay. Labis ang pagkakasala ni Manases na nakapagpagalit sa Panginoon .

7Ang ipinagawa niyang posteng imahen ng diyosang si Ashera ay inilagay niya sa Templo, ang lugar kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak nitong si Solomon, “Pararangalan ako habambuhay sa Templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na pinili ko sa lahat ng lahi ng Israel.

8Kung tutuparin lang ng mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng lingkod kong si Moises, hindi ko ipahihintulot na palayasin sila sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga ninuno nila.”

9Pero ayaw makinig ng mga tao. Inudyukan sila ni Manases sa paggawa ng masasama at ang ginawa nila ay mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.

10Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta:

11“Gumawa si Haring Manases ng Juda ng mga kasuklam-suklam na gawain, na mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga Amoreo na nakatira sa lupaing ito bago dumating ang mga Israelita. Inudyukan niya ang mga taga-Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan niya.

12Kaya ako, ang Panginoon na Diyos ng Israel, ay magpapadala ng kapahamakan sa Jerusalem at sa Juda, at ang bawat isa na makakarinig nito ay matatakot.

13Hahatulan ko ang Jerusalem katulad nang paghatol ko sa Samaria at sa sambahayan ni Haring Ahab. Lilinisin ko ang Jerusalem tulad ng pinggan na pinunasan at itinaob.

14Itatakwil ko kahit pa ang natira sa aking mga mamamayan at ibibigay ko sila sa mga kaaway nila bilang bihag.

15Mangyayari ito sa kanila dahil masama ang ginawa nila sa paningin ko at ginalit nila ako, mula pa nang lumabas ang mga ninuno nila sa Ehipto hanggang ngayon.”

16Maraming inosenteng tao ang pinatay ni Manases hanggang sa dumanak ang dugo sa mga daanan ng Jerusalem. Hindi pa kabilang dito ang kasalanan na ginawa niya na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda sa paningin ng Panginoon .

17Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manases, at lahat ng ginawa niya, pati ang mga kasalanan na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

18Namatay si Manases, at inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Amon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Amon sa Juda

(2~Cro. 33:21‑25)

19Si Amon ay dalawampuʼt dalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Mesulemet na taga-Jotba at anak ni Haruz.

20Masama ang ginawa ni Amon sa paningin ng Panginoon , katulad ng ginawa ni Manases na kanyang ama.

21Sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ama. Sinamba niya ang mga diyos-diyosan na sinasamba nito

22at itinakwil niya ang Panginoon , ang Diyos ng mga ninuno niya. Hindi niya sinunod ang pamamaraan ng Panginoon .

23Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Amon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya.

24Ngunit pinatay ng mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Amon. At ang anak niyang si Josias ang ipinalit nila bilang hari.

25Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amon, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

26Inilibing si Amon sa libingan niya sa hardin na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Josias ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.