The chat will start when you send the first message.
1Si Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlumpuʼt isang taon. Ang kanyang ina ay si Jedida, na taga-Bozkat, na anak ni Adaya.
2Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At lubos siyang sumunod sa mga utos ng Diyos.
3Noong ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias, pinapunta niya sa Templo ng Panginoon ang kanyang kalihim na si Safan, na anak ni Azalias at apo ni Mesulam at sinabi,
4“Pumunta ka sa punong pari na si Hilkias at ipaipon mo sa kanya ang perang dinala ng mga tao sa Templo ng Panginoon , na kinolekta ng mga paring nagbabantay sa pintuan ng Templo.
5Sabihin mo na ibigay niya ito sa mga taong pinagkakatiwalaang mamahala sa pagpapaayos ng Templo, para ibayad sa mga manggagawa sa Templo ng Panginoon ;
6ang mga karpintero at mga mason. Ang ibang pera ay ibibili nila ng mga kahoy at mga hinating bato na kailangan sa pagpapaayos ng Templo.
7Hindi na sila kailangan pang hanapan ng listahan kung paano ginastos ang pera dahil mapagkakatiwalaan sila.”
8Sinabi ni Hilkias na punong pari kay Safan na kalihim, “Nakita ko ang Aklat ng Kautusan sa Templo ng Panginoon .” Ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan at binasa niya ito.
9Pagkatapos, pumunta si Safan sa hari at sinabi, “Kinuha na po ng mga opisyal ninyo ang pera sa Templo ng Panginoon at ibinigay sa mga katiwala na itinalaga sa pagpapaayos ng Templo.”
10Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay na aklat sa akin ang paring si Hilkias.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.
11Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Aklat ng Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit.
12Inutusan niya ang paring si Hilkias, si Ahikam na anak ni Safan, si Acbor na anak ni Micaias, ang kalihim na si Safan at si Asaias na personal niyang lingkod.
13Sinabi niya, “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga mamamayan ng Juda tungkol sa nakasulat sa aklat na ito. Galit na galit ang Panginoon sa atin dahil hindi sumunod ang mga ninuno natin sa nakasulat dito. Hindi natin ginagawa ang mga ipinatutupad ng aklat na ito.”
14Kaya pumunta ang paring si Hilkias, Ahikam, Acbor, Safan at Asaias sa babaeng propeta na si Hulda para makipag-usap. Nakatira si Hulda sa ikalawang distrito ng Jerusalem. Asawa siya ni Salum na anak ni Tikva at apo ni Harhas. Si Salum ang namamahala ng mga damit sa Templo.
15-16Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin ninyo sa taong nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito, ayon sa nasusulat sa aklat na binasa mo.
17Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinakwil ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila sa ibang mga diyos. Ginalit nila ako sa mga ginawa nila.’[#22:17 : Sa Hebreo, nagsunog sila ng insenso , na isang paraan ng pagsamba.; #22:17 : O sa mga diyos-diyosang ginawa nila.]
18“Sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon , na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon , ang Diyos ng Israel:
19‘Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko na susumpain at lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko. Kaya ako, ang Panginoon , ay nagsasabi na
20habang buháy ka pa, hindi darating ang kapahamakan na ipapadala ko sa lugar na ito. Mamamatay ka nang may kapayapaan.’ ”
At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.