2 Mga Hari 3

Naglaban ang Israel at ang Moab

1Naging hari ng Israel si Joram na anak ni Ahab noong ikalabingwalong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Joram, at naghari siya sa loob ng labindalawang taon.

2Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon , ngunit hindi katulad ng kanyang ama at ina. Ipinagiba niya ang alaalang bato ng diyos-diyosang si Baal na ipinatayo ng kanyang ama.

3Subalit ginawa rin niya ang mga kasalanang ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at ito ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.

4Si Haring Mesa ng Moab ay nagmamay-ari ng napakaraming tupa. Taon-taon siyang nagbibigay sa hari ng Israel ng isang daang libong batang tupa at balahibo ng isandaang libong lalaking tupa bilang tributo.

5Ngunit pagkamatay ni Ahab, nagrebelde siya sa hari ng Israel.

6Kaya noong panahong iyon, tinipon ni Joram ang buong Israel at umalis sila sa Samaria upang lusubin ang Moab.

7Nagpadala siya ng ganitong mensahe kay Haring Jehoshafat ng Juda: “Nagrebelde sa akin ang hari ng Moab. Sasáma ka ba sa akin para makipaglaban sa kanila?”

Sumagot si Jehoshafat, “Oo, sasáma ako saʼyo. Handa akong sumáma sa iyo pati na ang aking mga sundalo. Maging ang mga kabayo ko ay handa kong ipagamit saʼyo.

8“Saan tayo dadaan kung lulusob tayo?” Tanong pa niya.

Sumagot si Joram, “Sa ilang ng Edom.”

9Kaya lumakad ang hari ng Israel, kasama ang hari ng Juda at ang hari ng Edom. Pagkatapos ng pitong araw nilang paglalakad sa mahabang ruta, naubusan ng tubig ang mga sundalo at ang mga hayop nila.

10Sinabi ng hari ng Israel, “Ano ang gagawin natin? Ipinatawag ba tayong tatlo ng Panginoon para ipasakamay lang sa Moab?”

11Kaya nagtanong si Jehoshafat, “Wala bang propeta ng Panginoon dito para makapagtanong tayo sa Panginoon sa pamamagitan niya?”

Sumagot ang isang opisyal ng hari ng Israel, “Si Eliseo na anak ni Shafat ay nandito. Dati siyang lingkod ni Elias.”

12Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay sumasakanya.” Kaya pumunta kay Eliseo ang hari ng Israel, si Jehoshafat, at ang hari ng Edom.

13Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Bakit kayo lumalapit sa akin? Pumunta kayo sa mga propeta ng inyong ama at ina!”

Sinabi ng hari ng Israel, “Hindi! Sapagkat ang Panginoon ang nagdala sa aming tatlo rito para ipasakamay kami sa hari ng Moab!”

14Sinabi ni Eliseo, “Nagsasabi ako ng katotohanan sa presensya ng buhay at Panginoon ng mga Hukbo, na aking pinaglilingkuran, na hindi kita papansinin kung hindi lang dahil sa paggalang ko kay Haring Jehoshafat ng Juda.

15Ngayon, dalhan nʼyo ako ng taong marunong tumugtog ng alpa.”

Habang pinapatugtog ang alpa, napuspos ng kapangyarihan ng Panginoon si Eliseo,

16at sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Panginoon : ‘Magkakaroon ng maraming balon ng tubig sa lambak na ito.’

17Sapagkat ito ang sinabi ng Panginoon : ‘Kahit na walang ulan o hangin, mapupuno pa rin ng tubig ang lambak na ito, at makakainom kayo at ang inyong mga baka at ang iba pa ninyong mga hayop.’

18Madali lang ang bagay na ito para sa Panginoon . Ibibigay din niya ang Moab sa inyong mga kamay.

19Lulupigin ninyo ang bawat napapaderang lungsod at mga pangunahing bayan nila. Puputulin ninyo ang magaganda nilang puno, tatakpan ang kanilang mga bukal at sisirain ang sagana nilang bukirin sa pamamagitan ng mga bato.”

20Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, umagos ang tubig mula sa Edom at napuno ng tubig ang lupa.

21Pagkatapos, nabalitaan ng lahat ng Moabita na lulusubin sila ng mga hari. Kaya tinipon nila ang lahat ng kalalakihan, bata man o matanda, na may kakayahan sa pakikipaglaban at ipinapuwesto sila sa hangganan ng Moab.

22Nang maagang bumangon ang mga Moabita, nakita nilang kasimpula ng dugo ang tubig nang masikatan ito ng araw.

23Sinabi nila, “Dugo ʼyan! Siguradong naglaban-laban ang tatlong hari at nagpatayan. Kaya samsamin natin ang mga ari-arian nila!”

24Ngunit sa pagdating ng mga Moabita sa kampo ng Israel ay lumabas ang mga Israelita at sinalakay sila hanggang sa silaʼy magsitakas. Sinalakay nila ang lupain ng mga Moabita at tinalo nila ito.

25Winasak nila ang mga bayan, hinagisan ng mga bato ang bawat magagandang bukirin hanggang sa itoʼy matabunan. Pinagtatakpan nila ang mga bukal at pinagpuputol ang magagandang puno. Ang Kir-hareset na lang ang natirang lungsod na may pader, ngunit pinalibutan din ito ng mga lalaking may dalang tirador at nilusob.

26Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila sa labanan, dinala niya ang 700 tao na may mga espada para hawiin ang mga sundalo ng hari ng Edom at makatakas, pero nabigo sila.

27Kaya kinuha niya ang panganay niyang anak na papalit sana sa kanya bilang hari, at inialay niya ito sa may pader bilang handog na sinusunog. Dahil sa sobrang galit laban sa Israel, pinabayaan na lang nila ang hari ng Moab at umuwi sila sa lupain nila.[#3:27 : Hindi malaman sa Hebreo kung saan galing ang galit nito.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.