2 Mga Hari 8

Bumalik ang Babae na Taga-Shunem

1Bago pa man dumating ang taggutom, sinabihan na ni Eliseo ang ina ng batang lalaki na kanyang binuhay. Sabi niya, “Umalis muna kayo ng iyong pamilya at manirahan kayo sa ibang lugar dahil nagpadala ang Panginoon ng taggutom sa Israel na tatagal ng pitong taon.”

2Kaya sinunod ng babae ang sinabi sa kanya ng lingkod ng Diyos. Umalis siya at ang pamilya niya, at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

3Pagkatapos ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at pumunta sa hari para magmakaawa na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa.

4Nakikipag-usap noon ang hari kay Gehazi na katulong ni Eliseo. Sinabi ng hari, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Eliseo.”

5Habang ikinukuwento ni Gehazi sa hari kung paano binuhay ni Eliseo ang isang batang namatay, lumapit sa hari ang ina ng bata at nagmakaawa na maibalik ang kanyang bahay at lupa.

Sinabi ni Gehazi, “Mahal na Hari, ito po ang babae at ang anak niyang binuhay ni Eliseo.”

6Tinanong ng hari ang babae kung totoo ba ang tungkol doon at sinabi ng babae na totoo iyon.

Kaya nagpatawag ang hari ng isang opisyal para tulungan ang babae. Sinabi niya sa opisyal, “Tulungan mo siyang maibalik ang lahat ng nawala sa kanya, kasama ang lahat ng perang dapat kinita niya na galing sa bukid niya mula nang siyaʼy umalis hanggang ngayon.”

Pinatay ni Hazael si Ben-hadad

7Pumunta si Eliseo sa Damasco, kung saan naroon ang maysakit na si Ben-hadad, ang hari ng Aram. Nang mabalitaan ng hari na dumating ang lingkod ng Diyos,[#8:7 : O Siria.]

8sinabi niya kay Hazael, “Magdala ka ng regalo at salubungin mo ang lingkod ng Diyos. Sabihin mo sa kanya na tanungin ang Panginoon kung gagaling pa ako sa aking sakit.”

9Kaya pumunta si Hazael kay Eliseo na may dalang apatnapung kamelyo na kinargahan ng mga pinakamagandang produkto ng Damasco bilang regalo. Pagdating niya kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Haring Ben-hadad ng Aram, para tanungin kayo kung gagaling pa siya sa sakit niya.”[#8:9 : Sa Hebreo, anak.]

10Sumagot si Eliseo, “Sabihin mo sa kanya na siguradong gagaling siya, pero sinabi sa akin ng Panginoon na tiyak na mamamatay siya.”

11Tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa nahiya ito. Pagkatapos, umiyak si Eliseo.

12Tinanong siya ni Hazael, “Ginoo, bakit po kayo umiiyak?”

Sumagot siya, “Dahil nalalaman ko ang masamang gagawin mo sa mga Israelita. Susunugin mo ang matatatag na lungsod, papatayin mo ang mga binata nila sa pamamagitan ng espada, ihahampas mo ang maliliit nilang anak at hahatiin mo ang tiyan ng mga buntis.”

13Sumagot si Hazael, “Paano magagawa ng isang aliping katulad ko ang mga bagay na yan? Akoʼy isang hamak na tagasunod lang!”[#8:13 : Sa literal, Para lang akong aso.]

Sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na magiging hari ka ng Aram.”

14Umalis si Hazael at bumalik sa kanyang among hari. Tinanong siya ni Ben-hadad, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” Sumagot si Hazael, “Sinabi niya po sa akin na tiyak na gagaling kayo.”

15Ngunit nang sumunod na araw, kumuha si Hazael ng makapal na tela, isinawsaw ito sa tubig at itinakip sa mukha ng hari hanggang sa mamatay ito. Kaya si Hazael ang pumalit bilang hari ng Aram.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda

(2~Cro. 21:4‑20)

16Noong ikalimang taon ng paghahari ni Joram na anak ni Haring Ahab ng Israel, nagsimulang manungkulan bilang hari ng Juda ang anak ni Haring Jehoshafat na si Jehoram.

17Siya ay tatlumpuʼt dalawang taóng gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng walong taon.

18Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, tulad ng ginawa ng pamilya ni Ahab, dahil naging asawa niya ang anak nito. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon .

19Gayunpaman, ayaw wasakin ng Panginoon ang Juda dahil nangako siya kay David na magpapatuloy ang paghahari ng kanyang angkan, magpakailanman.[#8:19 : Sa literal, nangako ang na bibigyan niya si David at ang kanyang angkan ng ilaw, magpakailanman.]

20Sa panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda at pumili sila ng sarili nilang hari.

21Kaya pumunta si Jehoram sa Zair dala ang lahat ng kanyang karwahe. Pinalibutan siya at ang kanyang mga mangangarwahe ng mga Edomita. Ngunit kinagabihan ay sinalakay nila ang mga Edomita, nakalusot sila at nakatakas. Pagkatapos, nagsiuwi ang mga sundalo niya.

22Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda. Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna.

23Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoram, at ang lahat na ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

24Nang mamatay si Jehoram, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahazias ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahazias sa Juda

(2~Cro. 22:1‑6)

25Noong ika-labindalawang taon ng paghahari ni Joram na anak ni Ahab sa Israel, naging hari ng Juda ang anak ni Jehoram na si Ahazias.

26Si Ahazias ay dalawampuʼt dalawang taóng gulang nang siyaʼy maging hari. Sa Jerusalem siya tumira at naghari siya sa loob ng isang taon. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Haring Omri ng Israel.

27Sumunod siya sa pamumuhay ng pamilya ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ng pamilya ni Ahab dahil naging asawa niya ang isa sa kapamilya ni Ahab.

28Sumama si Ahazias sa anak ni Ahab na si Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Naglaban sila sa Ramot-gilead at nasugatan si Joram

29Kaya umuwi si Haring Joram na anak ni Ahab sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng kanyang sugat na tinamo niya sa Rama dahil sa pakikipaglaban niya kay Hazael na hari ng mga Arameo. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazias ng Juda.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.