The chat will start when you send the first message.
1Samantala, bumalik sina David sa Ziklag pagkatapos ng matagumpay nilang pakikipaglaban sa mga Amalekita at nanatili muna sila nang dalawang araw doon. Patay na noon si Saul.
2Nang ikatlong araw, may dumating na tao sa Ziklag mula sa kampo ni Saul; punit ang damit niya at may alikabok ang ulo. Lumapit siya kay David at yumukod bilang paggalang.
3Tinanong siya ni David, “Saan ka nanggaling?”
Sumagot siya, “Tumakas po ako mula sa kampo ng mga Israelita.”
4Nagtanong si David, “Bakit, anoʼng nangyari? Sabihin mo sa akin.”
“Tumakas po ang mga sundalo ng Israel sa labanan. Maraming napatay sa kanila pati na po si Saul at ang anak niyang si Jonatan,” sagot niya.
5Tinanong siyang muli ni David, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?”
6“Nagkataon pong nandoon ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo.
7“Nang lumingon siyaʼy nakita niya ako at tinawag. Kaya sinabi ko, ‘Ano po ang maipaglilingkod ko?’
8“Tinanong niya kung sino ako at sinabi ko na isa akong Amalekita.
9“Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’
10“Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo.”
11Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit.
12Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon , ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan.
13Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?”
Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.”
14Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon ?”
15Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, “Patayin mo ang taong ito!” Pinatay nga ng tauhan niya ang tao.
16Sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon .”
17Gumawa si David ng isang awit para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan,
18at iniutos niyang ituro ito sa mga mamamayan ng Juda. Tinawag itong “Awit Tungkol sa Pana” at nakasulat ito sa Aklat ni Jashar. Ito ang panaghoy niya:
19“O Israel, ang mga dakilang
mandirigma moʼy namatay
sa kabundukan mismo ng Israel.
Napatay din ang mga magigiting
mong sundalo.
20Huwag itong ipaalam sa Gat,
o sa mga lansangan ng Ashkelon,
baka ikagalak ito
ng mga babaeng Filisteo
na hindi nakakakilala sa Diyos.
21O Bundok ng Gilboa,
wala sanang ulan o hamog
na dumating sa iyo.
Wala sanang tumubong pananim
sa iyong bukirin
upang ihandog sa Diyos.
Sapagkat diyan nadungisan
ng mga kaaway
ang kalasag ng magiting
na si Haring Saul.
At wala nang magpapahid dito
ng langis
upang itoʼy linisin at pakintabin.
22Sa pamamagitan ng espada ni Saul
at pana ni Jonatan,
maraming magigiting na kalaban
ang kanilang napatay.
23Minahal at kinagiliwan ng mga Israelita
sina Saul at Jonatan.
Magkasama sila
sa buhay at kamatayan.
Sa digmaan, mas mabilis pa sila sa agila
at mas malakas pa sa leon.
24Mga babae ng Israel,
magdalamhati kayo para kay Saul.
Dahil sa kanyaʼy nakapagsuot kayo
ng mga mamahaling damit
at alahas na ginto.
25Ang magigiting na sundalo ng Israel
ay napatay sa labanan.
Pinatay din si Jonatan
sa inyong kabundukan.
26Nagdadalamhati ako sa iyo,
Jonatan kapatid ko!
Mahal na mahal kita;
ang pagmamahal mo sa akin
ay higit pa sa pagmamahal
ng mga babae.
27Nangabuwal ang magigiting
na sundalo ng Israel.
Ang kanilang mga sandataʼy
nangawala.”