2 Samuel 16

Si David at si Ziba

1Kalalampas pa lang nang kaunti ni David sa ibabaw ng bundok nang salubungin siya ni Ziba na katiwala ni Mefiboset. May dalawa itong asno na may kargang dalawandaang tinapay, isang daang kumpol ng pasas, isang daang piraso ng hinog na prutas, at alak na nakalagay sa balat na sisidlan.[#16:1 : Marahil igos o ibang prutas.]

2Tinanong ni Haring David si Ziba, “Bakit nagdala ka ng mga iyan?”

Sumagot si Ziba, “Ang mga asno po ay para sa sambahayan ninyo, mahal na hari. Ang mga tinapay at prutas ay para sa inyo at sa mga kasama ninyo, at ang alak naman ay para sa mga kasama ninyong napagod sa paglalakbay sa ilang.”

3Nagtanong si Haring David, “Nasaan na si Mefiboset, ang apo ng amo mong si Saul?”

Sumagot si Ziba, “Nagpaiwan po siya sa Jerusalem, dahil iniisip niyang gagawin siyang hari ngayon ng mga Israelita sa kaharian ng lolo niyang si Saul.”

4Sinabi ni David, “Kung ganoon, ibinibigay ko na sa iyo ngayon ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset.”

Sinabi ni Ziba, “Mahal na Hari, handa po akong sumunod sa inyo. Malugod sana kayo sa akin.”

Sinumpa ni Shimei si David

5Nang papalapit na si Haring David sa Bahurim, may taong lumabas sa bayang iyon at isinumpa si David. Ang taong ito ay si Shimei na anak ni Gera at kamag-anak ni Saul.

6Binato niya si Haring David at ang mga opisyal ng hari kahit na napapaligiran si Haring David ng mga tauhan at mga personal niyang tagapagbantay.

7Ito ang sinabi niya kay David: “Huwag kang papasok sa bayan namin, mamamatay-tao at masamang tao ka!

8Ginagantihan ka ng Panginoon sa pagpatay mo kay Saul at sa sambahayan niya. Kinuha mo ang kanyang trono, ngunit ngayon, ibinigay ito ng Panginoon sa anak mong si Absalom. Bumagsak ka dahil mamamatay-tao ka!”

9Sinabi ni Abisai na anak ni Zeruias sa hari, “Mahal na Hari, bakit nʼyo po pinapabayaang sumpain kayo ng taong iyan na tulad lang ng patay na aso? Payagan nʼyo po akong pugutan siya ng ulo.”

10Pero sinabi ng hari, “Kayong mga anak ni Zeruias, wala kayong pakialam dito! Kung inutusan siya ng Panginoon na sumpain ako, sino ako para pigilan siya?”

11Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat ng opisyal niya, “Kung ang anak ko nga ay binabalak akong patayin, paano pa kaya itong kamag-anak ni Saul? Inutusan siya ng Panginoon kaya hayaan nʼyo na lang siya.[#16:11 : Sa Hebreo, Benjaminita.]

12Baka makita ng Panginoon ang paghihirap ko, at gantihan niya ng kabutihan ang kasamaang nararanasan ko ngayon.”

13Kaya nagpatuloy sa paglakad sina David at ang mga tauhan niya. Sinusundan din sila ni Shimei, pero sa gilid ng burol lang siya dumadaan. Habang naglalakad siya, isinusumpa niya si David at hinahagisan ng bato at lupa.

14Napagod si Haring David at ang mga tauhan niya kaya nagpahinga sila pagdating nila sa Ilog Jordan.[#16:14 : Wala ito sa Hebreo, pero makikita sa tekstong Griego.]

Nakipagkita si Husai kay Absalom

15Samantala, dumating sa Jerusalem sina Absalom, Ahitofel at ang iba pang mga Israelita.

16Dumating din doon si Husai na Araceo, na kaibigan ni David. Pumunta siya kay Absalom at sinabi, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”

17Tinanong ni Absalom si Husai, “Nasaan na ang katapatan mo sa kaibigan mo? Bakit hindi ka sumáma sa kanya?”

18Sumagot si Husai, “Hindi ako sumama sa kanya, dahil kung sino ang pinili ng Panginoon at ng buong Israel na maging hari, sa kanya ako maglilingkod.

19Bukod pa riyan, sino pa ba ang pagsisilbihan ko, kundi kayong anak ni David. Naglingkod ako noon sa ama ninyo, ngayon, kayo naman ang paglilingkuran ko.”

Ang Payo ni Ahitofel kay Absalom

20Sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ngayon, ano ang maipapayo mong gawin natin?”

21Sumagot si Ahitofel, “Sipingan nʼyo ang mga asawang alipin ng inyong ama na kanyang iniwan para asikasuhin ang palasyo. At malalaman ng buong Israel na ginalit nʼyo nang labis ang inyong ama at lalakas pa lalo ang suporta ng mga tauhan nʼyo sa inyo.”

22Kaya nagpatayo sila ng tolda sa bubungan ng palasyo para kay Absalom, at nakikita ng buong Israel na pumapasok siya roon para sumiping sa mga asawa ng kanyang ama.

23Nang mga panahong iyon, sinusunod ni Absalom ang mga payo ni Ahitofel, gaya ng ginawa ni David. Dahil ipinapalagay nilang galing sa Diyos ang bawat payong ibinibigay ni Ahitofel.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00