The chat will start when you send the first message.
1Noong panahon ng paghahari ni David, nagkaroon ng taggutom sa loob ng tatlong taon. Kaya nanalangin si David sa Panginoon . Sinabi ng Panginoon , “Dumating ang taggutom dahil pinatay ni Saul at ng pamilya niya ang mga Gibeonita.”
2Ang mga Gibeonita ay hindi nagmula sa lahi ng mga Israelita. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo. Nangako ang mga Israelita na hindi nila papatayin ang mga ito ngunit tinangka silang lipulin ni Saul dahil sa matinding pagmamalasakit niya sa Israel at Juda.
Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita,
3at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo? Paano ko mababayaran ang kasalanang ginawa ni Saul sa inyo, upang pagpalain ninyo ang mamamayan ng Panginoon ?”
4Sumagot ang mga Gibeonita, “Hindi po mababayaran ng pilak o ginto ang galit namin kay Saul at sa pamilya niya. At ayaw din naming pumatay ng sinumang Israelita bilang paghihiganti maliban na lang kung ipahintulot nʼyo ito.”
Nagtanong si David, “Kung ganoon, ano ang gusto nʼyong gawin ko para sa inyo?”
5Sumagot sila, “Tinangka po kaming patayin ni Saul para walang matira sa amin sa Israel.
6Kaya ibigay nʼyo sa amin ang pitong lalaki mula sa angkan niya, para patayin namin sila at pabayaan ang kanilang bangkay sa lugar na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon doon sa Gibea, ang bayan ni Saul na haring pinili ng Panginoon .”
Sinabi ng hari, “Sige, ibibigay ko sila sa inyo.”
7Ngunit hindi ibinigay ni David sa kanila si Mefiboset na anak ni Jonatan at apo ni Saul, dahil sa sumpaan nila ni Jonatan sa presensya ng Panginoon .
8Ang ibinigay ni David ay ang dalawang anak ni Saul na sina Armoni at Mefiboset. Ang ina nila ay si Rizpa na anak ni Aya. Ibinigay din ni David ang limang anak na lalaki ni Merab. Anak ni Saul si Merab at asawa ni Adriel na anak ni Barzilai na taga-Mehola.
9Ibinigay sila ni David sa mga Gibeonita, at pinagpapatay silang pito roon sa burol na malapit sa lugar kung saan sumasamba sa Panginoon . At pinabayaan lang nila roon ang mga bangkay. Nangyari ito noong nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada.
10Si Rizpa na anak ni Aya ay kumuha ng sako at inilatag ito sa isang malaking bato para gawin niyang higaan. Binantayan niya ang mga bangkay upang hindi kainin ng mga ibon kapag araw at para hindi kainin ng mababangis na hayop kapag gabi. Nanatili siya roon simula nang mag-umpisa ang anihan hanggang sa magtag-ulan.
11Nang malaman ni David ang ginawa ni Rizpa na asawa ni Saul,
12nagpunta siya sa mga naninirahan sa Jabes-gilead at hiningi ang mga buto ni Saul at ng anak nitong si Jonatan. (Nang mapatay sina Saul at Jonatan sa pakikipaglaban nila sa mga Filisteo sa Gilboa, ibinitin ng mga Filisteo ang mga bangkay nila sa plasa ng Bet-sean, at lihim na kinuha ng mga taga-Jabes-gilead ang mga bangkay nila.)
13Dinala ni David ang mga buto nina Saul at Jonatan, pati na rin ang mga buto ng pitong pinagpapatay ng mga Gibeonita.
14Ipinalibing niya ito sa mga tauhan niya sa pinaglibingan ng ama ni Saul na si Kish, sa bayan ng Zela sa Benjamin. Natupad ang lahat ng iniutos ni David. Pagkatapos nito, sinagot ng Panginoon ang mga panalangin nila na huminto ang taggutom sa kanilang bansa.
15Dumating ang panahon na muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita. At nang nakikipaglaban na si David at ang mga tauhan niya, napagod siya.
16Si Ishbi-benob na Filisteo na mula sa angkan ng mga Rafa, ay nagtangkang patayin si David. Tanso ang dulo ng sibat niya na tumitimbang ng mga apat na kilo, at may nakasukbit pa siyang bagong espada.[#21:16 : O Rafamita. Maaaring matatangkad na tao na naninirahan sa Canaan bago dumating ang mga Israelita. Tingnan ang Deu. 2:10‑11.]
17Ngunit dumating si Abisai na anak ni Zeruias para iligtas si David, at pinatay niya ang Filisteo. Pagkatapos nito, sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, “Hindi na po kami papayag na muli kayong sumáma sa amin sa labanan. Tulad kayo ng ilaw sa Israel at ayaw naming mawala kayo.”
18Di nagtagal, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gob. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husa si Saf, na isa sa mga angkan ng Rafa.
19At sa isa pa nilang labanan sa Gob, pinatay ni Elhanan na anak ni Jaare Origem, na taga-Bethlehem, si Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Goliat ay mabigat at makapal.[#21:19 : Sa literal, katulad ng tungkod na panghabi.]
20Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Nagmula rin siya angkan ng mga Rafa.
21Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea.
22Ang apat na Filisteong ito ay mula sa angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.