2 Samuel 23

Ang Mga Huling Pangungusap ni David

1Ito ang mga huling habilin ni David:

“Ang mga magagandang kasabihan ni David na anak ni Jesse,

mga kasabihan ng taong itinaas ng Kataas-taasan,

ang taong hinirang nga Diyos ni Jacob,

ang bayani ng mga awitin ng Israel:

2“Nagsalita ang Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ko;

ang mga mensahe niyaʼy nasa aking mga labi.

3Sinabi sa akin ng Diyos ng Israel,

na Batong kanlungan ng Israel,

‘Ang namumuno nang matuwid

at may takot sa Diyos,

4ay tulad ng liwanag ng araw na sumisikat sa umaga na walang maitim na ulap,

na nagpapakinang sa mga damo pagkatapos ng ulan!’

5Ganyan ang pamilya ko sa paningin ng Diyos,

at gumawa siya ng kasunduang walang hanggan sa akin.

Maayos at detalyado ang kasunduang ito at hindi na mapapalitan.

Kaya nakatitiyak ako na palagi akong ililigtas ng Diyos

at ibibigay niya sa akin ang lahat ng aking mga ninanais.

6Ngunit ang masasamang taoʼy itatapon gaya ng matitinik na halaman,

na hindi puwedeng kunin sa pamamagitan lang ng kamay.

7Sinumang hahawak sa matitinik na halaman

ay kailangan pang gumamit ng kagamitang gawa sa bakal o kahoy,

at susunugin ang mga ito sa lugar na kinaroroonan ng mga ito.”

Ang Matatapang na Tauhan ni David

(1~Cro. 11:10‑41)

8Ito ang mga matatapang na tauhan ni David:

Si Joseb-basebet na taga-Takemon ang nangunguna sa Tatlo. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng walong daang tao sa pamamagitan ng sibat niya.

9Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai na angkan ni Ahoa, na isa sa Tatlo. Isa siya sa mga kasama ni David na humamon sa mga Filisteong nagtipon sa Pas Damim sa pakikipaglaban. Tumakas ang mga Israelita,[#23:9 : Sa Hebreo, doon. Tingnan sa 1 Cro. 11:13.]

10ngunit nagpaiwan siya at pinagpapatay niya ang mga Filisteo hanggang sa mapagod na ang kamay niya at manigas sa pagkahawak sa espada. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon. Bumalik kay Eleazar ang mga tumakas na Israelita para kunin ang mga armas ng mga namatay.

11Ang sumunod ay si Shama na anak ni Agee na taga-Harar. Isang araw, nagtipon ang mga Filisteo sa Lehi, at sinalakay nila ang mga Israelita sa taniman ng mga gisantes. Tumakas ang mga Israelita,

12pero nagpaiwan si Shama sa gitna ng taniman para protektahan ito, at pinatay niya ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon.

13Noong panahon na ng tag-ani, pumunta kay David ang tatlo sa tatlumpung pinuno ng kanyang mga mandirigma doon sa kuweba ng Adulam. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim

14at naagaw nila ang Bethlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan,

15nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha ng tubig na maiinom para sa akin mula sa balon malapit sa pintuang-bayan ng Bethlehem.”

16Kaya palihim na pumasok ang tatlong magigiting na kawal sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang-bayan ng Bethlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Ngunit hindi ito ininom ni David, sa halip ay ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon .

17Sinabi niya, “Panginoon , hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.

Iyon ang ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.

18Si Abisai na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruias ang pinuno ng Tatlo. Nakapatay siya ng tatlong daang Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong magigiting na kawal.[#23:18 : Ito ang nasa karamihang manuskritong Hebreo. Sa ibang manuskrito at sa ibang naunang salin gaya ng Syriac, tatlumpu.]

19At dahil sa siya ay mas tinitingala pa sa Tatlo, naging pinuno nila siya ngunit hindi siya kabilang sa kanila.

20May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaias. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoiada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito.

21Bukod dito, pinatay niya ang isang napakalaking Ehipsiyo na may armas na sibat, habang isang pamalo lang ang armas niya. Inagaw niya ang sibat sa Ehipsiyo at ito rin ang ipinampatay niya rito.

22Ito ang mga ginawa ni Benaias na anak ni Jehoiada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao,

23ngunit hindi siya kabilang sa kanila. At dahil mas tinitingala siya kaysa sa kanyang tatlumpung kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagabantay.

si Asahel na kapatid ni Joab;

si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem;

25sina Shama at Elika na taga-Harod;

26si Helez na taga-Palti;

27si Abiezer na taga-Anatot;

28si Zalmon na taga-Ahoa;

29si Heleb na anak ni Baana na taga-Netofa;[#23:29 : O Heled.]

30si Benaias na taga-Piraton;

31si Abi-albon na taga-Arba;

32si Eliaba na taga-Saalbon;

si Jonatan

33na anak ni Shama na taga-Harar;

34si Elifelet na anak ni Ahasbai na taga-Maaca;

35si Hezro na taga-Carmel;

36si Igal na anak ni Natan na taga-Zoba;

37si Zelec na Amonita;

38sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir;

39at si Urias na Heteo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.