2 Timoteo 4

1Inaatasan kita sa presensya ng Diyos at ni Kristo Hesus, na siyang hahatol sa mga buháy at mga patay, at muling babalik at maghahari:

2Maging handa ka sa pangangaral ng Salita ng Diyos sa anumang panahon. Ilantad mo ang mga maling aral; pagsabihan ang mga tao sa mga mali nilang gawain, at patatagin ang pananampalataya nila sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo.

3Sapagkat darating ang panahon na ayaw nang makinig ng mga tao sa tamang aral. Sa halip, hahanap sila ng mga gurong magtuturo lamang ng gusto nilang marinig para masunod nila ang kanilang layaw.

4Hindi na nila pakikinggan ang katotohanan at babaling sila sa mga aral na gawa-gawa lang ng tao.

5Ngunit ikaw, maging mapagpigil ka sa lahat ng oras; magtiis ka sa mga paghihirap. Gawin mo ang tungkulin mo bilang tagapangaral ng Magandang Balita, at tuparin mo ang mga tungkulin mo bilang lingkod ng Diyos.

6Ang buhay ko ay iaalay na, dahil dumating na ang panahon ng pagpanaw ko.

7Puspusan akong nakipaglaban sa paligsahan. Natapos ko ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya.

8At ngayon, may inilaan ang Diyos sa akin na korona ng katuwiran. Ibibigay ito sa akin ng makatarungang Panginoon sa araw ng paghuhukom niya. At hindi lang ako ang bibigyan, kundi maging ang lahat ng nananabik sa pagbabalik niya.[#4:8 : Ang ibig sabihin ay “may gantimpalang ibibigay sa kanya ang Diyos dahil sa matuwid niyang pamumuhay.”]

Mga Personal na Bilin

9Pagsikapan mong makadalaw rito sa akin sa lalong madaling panahon

10dahil iniwanan ako ni Demas at nagpunta siya sa Tesalonica. Iniwanan niya ako dahil mas mahal niya ang mga bagay sa mundong ito. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmatia.

11Si Lucas lang ang kasama ko. Kaya isama mo na rin si Marcos sa pagpunta mo rito dahil malaki ang maitutulong niya sa mga gawain ko.

12Si Tiquico namaʼy pinapunta ko sa Efeso.

13Pagpunta mo ritoʼy dalhin mo ang balabal ko na iniwan ko kay Carpo sa Troas. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop.

14Napakasamá ng ginawa sa akin ng panday na si Alejandro. Ang Panginoon na ang bahalang magparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa.

15Mag-ingat ka rin sa kanya dahil sinasalungat niya nang husto ang mga ipinangangaral natin.

16Walang sumáma sa akin sa unang paglilitis sa akin; iniwan ako ng lahat. Patawarin sana sila ng Diyos.

17Ngunit hindi ako pinabayaan ng Panginoon; binigyan niya ako ng lakas na maipahayag nang husto ang Magandang Balita sa mga hindi Hudyo. Iniligtas niya ako sa tiyak na kamatayan.[#4:17 : Sa literal, sa bunganga ng leon.]

18Ililigtas ako ng Panginoon sa lahat ng kasamaan, at dadalhin niya akong ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen!

Mga Pangwakas na Pagbati

19Ikumusta mo ako kina Priscila at Aquila at sa pamilya ni Onesiforo.

20Si Erasto ay nanatili sa Corinto, at si Trofimo namaʼy iniwan ko sa Mileto dahil may sakit siya.

21Sikapin mong makarating dito bago magtaglamig.

Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at ng lahat ng mga kapatid dito.

22Sumainyong lahat nawa ang Panginoon at ang biyaya niya.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.