1Minamahal kong Teofilo:
Sa aking unang aklat, isinulat ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Hesus mula nang magsimula siya sa kanyang gawain
2hanggang sa araw na dinala siya sa langit. Subalit bago siya bumalik sa langit, nag-iwan siya ng mga utos sa kanyang mga piniling apostol, sa pangunguna ng Banal na Espiritu.
3Matapos siyang maghirap at mamatay, nagpakita siya sa kanila nang maraming beses sa loob ng apatnapung araw upang patunayan na muli siyang nabuhay. At nagsalita siya tungkol sa kaharian ng Diyos.
4Minsan, habang kumakain sila, sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin ninyo ang ipinangako ng Ama. Sinabi ko na ito sa inyo noon.
5Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit ilang araw lamang mula ngayon ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”
6Minsan habang nagtitipon sila, tinanong nila si Hesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na itatatag ninyong muli ang kaharian ng Israel?”
7Sumagot si Hesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya ayon sa kanyang awtoridad.
8Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu ay tatanggap kayo ng kapangyarihan; at kayoʼy magiging saksi ko na magpapahayag ng mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kasuluksulukang bahagi ng daigdig.”
9Pagkasabi niya nito, dinala siya paitaas. At habang nakatingin sila sa kanya, tinakpan siya ng ulap at agad na nawala sa kanilang paningin.
10Habang nakatitig sila sa langit, may dalawang lalaking nakaputi na biglang tumayo sa tabi nila
11at nagsabi, “Kayong mga taga-Galilea, bakit nakatayo pa kayo rito at nakatingala sa langit? Si Hesus na nakita ninyong dinala paitaas ay babalik dito sa mundo. At kung paano siya dinala sa langit ay ganoon din siya babalik.”
12Pagkatapos noon, bumalik ang mga apostol sa lungsod ng Jerusalem galing sa Bundok ng mga Olibo na may isang kilometro ang layo sa lungsod.
13Pagdating nila sa Jerusalem, dumiretso sila sa kuwarto sa itaas ng bahay na tinutuluyan nila. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, Simon na makabayan, at si Judas na anak ni Santiago.[#1:13 : Si Simon ay naging kabilang sa grupo ng mga Hudyong lumalaban sa mga taga-Roma.]
14Palagi silang nagtitipon para manalangin, kasama ang ilang mga babae, pati si Maria na ina ni Hesus, at ang mga lalaking kapatid ni Hesus.
15Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita:
16“Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Hesus. Ipinahayag ito ng Banal na Espiritu noong unang panahon sa pamamagitan ni David.
17Datiʼy kabilang siya sa amin, at nakibahagi siya sa aming gawain.”
18(Ngunit bumili si Judas ng lupa mula sa perang ibinayad sa kanya sa pagtatraydor kay Hesus. Doon ay nahulog siyang patiwarik, pumutok ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka.
19Nalaman ito ng lahat ng tao sa Jerusalem, kaya tinawag nila ang lugar na iyon na Akeldama, na ang ibig sabihin ay “Bukid ng Dugo”.)
20Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa Aklat ng mga Salmo:
‘Pabayaan na lang ang kanyang tirahan,
at dapat walang tumira doon.’
At nasusulat din,
‘Ibibigay na lang sa iba ang kanyang tungkulin.’
21Kaya nararapat na pumili ng isa sa mga nakasama namin sa buong panahong nabubuhay ang Panginoong Hesus sa piling namin,
22simula noong nagbabautismo si Juan hanggang sa panahong dinala si Hesus sa langit. Ang sinumang pipiliin ay magiging saksi kasama namin sa muling pagkabuhay ni Hesus.”
23Kaya dalawang lalaki ang kanilang pinagpilian: si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas (na tinatawag ding Justo).
24At bago sila pumili, nanalangin sila, “Panginoon, ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam nʼyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin nʼyo
25na maging apostol bilang kapalit ni Judas. Sapagkat tinalikuran ni Judas ang kanyang gawain bilang isang apostol, at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.”
26Pagkatapos nilang manalangin, nagpalabunutan sila. Si Matias ang nabunot nila kaya siya ang idinagdag sa labing-isang apostol.