1Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelio. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano.
2Siya at ang kanyang buong pamilya ay sumasamba at may takot sa Diyos. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Hudyo, at palagi siyang nananalangin sa Diyos.
3Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Nakita niya ang isang anghel ng Diyos na pumasok at tinawag siya, “Cornelio!”
4Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ʼyon, Panginoon?”
Sumagot ang anghel, “Ang iyong mga panalangin at tulong sa mga mahihirap ay tinanggap ng Diyos bilang handog.
5Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa lungsod ng Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro.
6Doon siya nakatira kay Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop. Nasa tabi ng dagat ang bahay niya.”
7Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelio ang dalawa niyang utusan at isang katiwalang sundalo na sumasamba at may takot sa Diyos.
8Isinalaysay ni Cornelio sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.
9Kinabukasan, nang malapit na sila sa Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay para manalangin. Tanghaling-tapat noon
10at gutom na siya, kaya gusto na niyang kumain. Ngunit habang inihahanda ang pagkain, nakakita siya ng pangitain mula sa Diyos.
11Nakita niyang bumukas ang langit at may ibinababa sa lupa na tila isang malaking kumot at nakatali ang apat na sulok nito.
12At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop, may lumalakad, may gumagapang sa lupa, at may lumilipad.
13Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.”
14Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil ni minsaʼy hindi ako kumain ng marumi o ipinagbabawal na pagkain.”
15Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Diyos.”
16Tatlong beses naulit ang pangitain, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon papunta sa langit.
17Habang naguguluhan pa si Pedro at pinag-iisipan kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelio. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa tarangkahan,
18tumawag sila at nagtanong kung doon nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro.
19Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo.
20Tumayo ka at bumabâ. Huwag kang mag-alinlangang sumáma sa kanila, dahil ako ang nagsugo sa kanila.”
21Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?”
22Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelio. Matuwid siyang tao at may takot sa Diyos. Iginagalang siya ng lahat ng Hudyo. Sinabihan siya ng isang banal na anghel na anyayahan ka sa kanyang bahay upang marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.”
23Kaya pinatuloy sila ni Pedro upang doon magpalipas ng gabi.
Kinabukasan, sumáma si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa.
24Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelio, kasama ang kanyang mga kamag-anak at kaibigang tinipon niya.
25Pagdating ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa para sambahin siya.
26Ngunit pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.”
27At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon.
28Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Hudyo ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga Hentil. Ngunit ipinaliwanag sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di-malinis ang sinuman.
29Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumáma. Kaya ngayon nais kong malaman kung bakit nʼyo ako ipinatawag.”
30Sumagot si Cornelio, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang lalaking may damit na nakakasilaw.
31Sinabi niya sa akin, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap.
32Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Nasa tabi ng dagat ang bahay niya.’
33Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Diyos upang pakinggan ang ipinasasabi sa inyo ng Panginoon.”
34Kaya nagsalita si Pedro, “Napatunayan ko ngayon na walang pinapaboran ang Diyos.
35Tinatanggap niya ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng tama kahit ano pang bansa niya.
36Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Diyos sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Hesu-Kristo, na siyang Panginoon ng lahat.
37Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa pagpapabautismo.
38Ipinagkaloob ng Diyos kay Hesus na taga-Nazaret ang Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Diyos, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo.”
39“Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Hudyo. Pinatay siya ng mga Hudyo sa pamamagitan ng pagpako sa krus.
40Ngunit muli siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at ipinakita sa amin na siyaʼy buháy.
41Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Diyos na maging saksi upang ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay.
42Inatasan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Diyos na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay.
43Si Hesu-Kristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”
44Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig.
45Ang mga mananampalatayang Hudyo na sumáma kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Diyos ang Banal na Espiritu sa mga Hentil.
46Sapagkat narinig nilang nagsasalita sila sa ibaʼt ibang wikang hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Diyos.
Kaya sinabi ni Pedro,
47“Wala nang makakahadlang sa kanila upang bautismuhan sila sa tubig sapagkat tulad natin, natanggap na nila ang Banal na Espiritu.”
48At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Hesu-Kristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili pa roon ng ilang araw.