Mga Gawa 12

Ang Himalang Pagkatakas ni Pedro sa Bilangguan

1Nang panahong iyon, sinimulang dakpin ni Haring Herodes ang ilang miyembro ng iglesya para usigin sila.[#12:1 : Itoʼy si Herodes Agripa I. Siyaʼy apo ni Herodes na makikita sa Mat. 2:1; 14:1.]

2Ipinapatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng espada.

3Nang makita niyang natuwa ang mga Hudyo, ipinahuli niya rin si Pedro. Nangyari ito sa panahon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.

4Ipinabilanggo niya si Pedro at pinabantayan sa apat na grupo ng mga sundalo na may tig-apat na tauhan. Ayon sa plano ni Herodes, ang paglilitis kay Pedro ay gagawin niya sa harap ng taong-bayan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel.

5Kaya nanatili si Pedro sa bilangguan ngunit ang iglesya namaʼy nananalangin sa Diyos ng taimtim para sa kanya.

6Noong gabi bago siya iharap ni Herodes sa mga tao upang litisin, natutulog si Pedro na nakagapos ng kadena sa magkabilang braso, isa para sa bawat sundalong nasa kanan at kaliwa niya. Mayroon pang mga guwardiyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan.

7Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay.

8Sinabi ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong sandalyas.” At ganoon nga ang ginawa ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, “Magbalabal ka at sumunod sa akin.”

9At sumunod nga siya sa anghel palabas ng bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya.

10Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardiya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas kaya lumabas sila. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel.

11Saka lang napagtanto ni Pedro na hindi pala siya nananaginip. Sinabi niya, “Totoo pala talagang ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Hudyo na mangyayari sa akin.”

12Nang maunawaan niya ang nangyari, pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon para manalangin.

13Kumatok si Pedro sa pinto ng bakuran, at lumapit ang utusang si Roda para alamin kung sino ang kumakatok.

14Nang makilala niya ang boses ni Pedro, sobra siyang natuwa at tumakbo papasok na hindi binubuksan ang pinto. Sinabi niya, “Nasa pinto si Pedro!”

15Sinabi nila kay Roda, “Nasisiraan ka na yata ng bait!” Ngunit ipinagpilitan niyang si Pedro nga ang nasa labas. Kaya sinabi nila, “Baka anghel iyon ni Pedro.”

16Samantala, patuloy pa rin sa pagkatok si Pedro kaya binuksan nila ang pinto. Nang makita nilang siya nga iyon, hindi sila makapaniwala.

17Sinenyasan sila ni Pedro na tumahimik, at ikinuwento niya sa kanila kung paano siya pinalabas ng Panginoon sa bilangguan. Ibinilin niya sa kanila na ipaalam ito kay Santiago at sa iba pang mga kapatiran. Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.

18Kinaumagahan, nagkakagulo ang mga guwardiya dahil wala na si Pedro at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya.

19Nag-utos si Herodes na hanapin siya, ngunit hindi nila siya natagpuan. Kaya pinaimbestigahan niya ang mga guwardiya at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea. Pumunta siya sa Cesarea at nanatili doon.

Ang Pagkamatay ni Herodes

20Galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya nagkaisa ang mga tao na makipag-ayos sa hari dahil sa bayan nito nanggagaling ang kanilang pagkain. Bago sila pumunta sa kanya, kinaibigan muna nila si Blasto para tulungan sila, dahil katiwala siya ng hari.

21Nang dumating ang takdang araw, si Herodes, suot ang kanyang maharlikang damit, ay umupo sa kanyang trono at nagbigay ng talumpati sa mga tao.

22Sumigaw ang mga tao, “Isang diyos ang nagsasalita at hindi tao!”

23Nang oras ding iyon, pinarusahan siya ng anghel ng Panginoon, dahil hindi niya ibinigay sa Diyos ang papuri. Inuod siya at namatay.

24Kaya patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at lalo pang dumami ang mga mananampalataya.

Isinugo sina Bernabe at Saulo

25Samantala, bumalik sina Bernabe at Saulo sa Antioquia mula sa Jerusalem matapos nilang maihatid ang tulong sa mga kapatid. Isinama rin nila si Juan Marcos.[#12:25 : Ito ang nasa ibang tekstong Griyego. Sa iba pang mga kopya, sa Jerusalem. Sa iba pang mga kopya, galing sa Jerusalem.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.