The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos, sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita upang ipagtanggol ang iyong sarili.”
Kaya sumenyas si Pablo na magsasalita na siya. Sinabi niya,
2“Haring Agripa, mapalad po ako dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong tumayo sa inyong harapan upang maipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng akusasyon ng mga Hudyo laban sa akin.
3Lalo naʼt alam na alam ninyo ang lahat ng kaugalian at mga pinagtatalunan ng mga Hudyo. Kaya hinihiling ko na kung maaari ay pakinggan nʼyo ang sasabihin ko.
4“Alam ng mga Hudyo kung paano ako namuhay mula sa aking pagkabata, sa aking sariling bayan at sa Jerusalem.
5Matagal na nila akong kilala, at kung gugustuhin nilaʼy sila mismo ang makapagpapatunay na namuhay ako ayon sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo.
6At ngayon, nililitis ako sa korteng ito dahil umaasa akong tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako sa aming mga ninuno.
7Ito ang pangakong inaasam na matupad ng aming labindalawang lahi. Kaya masigasig kaming naglilingkod sa Diyos araw at gabi. At dahil rin sa pag-asang ito, Haring Agripa, akoʼy pinaparatangan ng mga Hudyong ito.
8Bakit hindi makapaniwala ang mga naririto na binubuhay muli ng Diyos ang mga patay?
9“Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin ang taong si Hesus na taga-Nazaret.
10Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming nananampalataya sa Diyos ang ipinabilanggo ko. At noong hinatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako.
11Maraming beses na inikot ko ang mga sinagoga para hanapin sila, parusahan, at piliting lapastanganin si Hesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.
12“Iyan ang dahilan kung bakit ako pumunta sa Damasco taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga namamahalang pari.
13Tanghaling-tapat po noon, Haring Agripa, at habang naglalakbay ay nakakita ako ng liwanag mula sa langit na nakakasilaw pa kaysa sa araw. Nagningning ang liwanag sa palibot namin ng mga kasama ko.
14Natumba kaming lahat, at may narinig akong tinig na nagsalita sa akin sa wikang Arameo: ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig? Sinasaktan mo lang ang iyong sarili gaya ng bakang sumisipa sa matulis na kahoy.’
15“Nagtanong ako, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ”
“Sumagot ang Panginoon, ‘Ako si Hesus na inuusig mo.
16Bumangon ka at tumayo. Nagpakita ako sa iyo dahil pinili kita na maging lingkod ko. Ipahayag mo sa iba ang tungkol sa pagpapakita ko sa iyo ngayon, at tungkol sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo.
17Ililigtas kita sa mga kapwa mo Hudyo at sa mga Hentil. Isusugo kita sa kanila
18para imulat mo ang kanilang mga mata at mula sa kadiliman ay dadalhin mo sila sa liwanag, at ililigtas mo sila sa kapangyarihan ni Satanas patungo sa Diyos, nang sa gayoʼy mapatawad ang kanilang mga kasalanan, at mapabilang sila sa mga taong hinirang ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa akin.’
19“Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit.
20Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damasco at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga Hentil. Ipinangaral ko na dapat pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan at lumapit sa Diyos, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi.
21Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Hudyo roon sa Templo at tinangkang patayin.
22Ngunit tinulungan ako ng Diyos hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:
23na ang Mesias ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan para magbigay ng liwanag sa mga Hudyo at sa mga Hentil.”
24Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festo, “Pablo, nababaliw ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!”
25Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festo, hindi po ako baliw. Totoo ang mga sinasabi ko.
26Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Natitiyak kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil hindi ito nangyari nang palihim.
27Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.”
28Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Akala mo baʼy mahihikayat mo akong maging Kristiyano sa loob lamang ng maikling panahon?”
29Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Diyos, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging katulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”
30Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon.
31Nang makalabas na sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.”
32Sinabi ni Agripa kay Festo, “Kung hindi sana siya umapela na ilalapit niya ang kanyang kaso sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.”