Amos 8

Ang Basket ng mga Hinog na Prutas

1Ito ang ipinakita sa akin ng Makapangyarihang Panginoon : Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas.

2Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?”

Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.”

Sinabi sa akin ng Panginoon , “Dumating na ang katapusan ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan.

3“Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon , ang nagsasabi nito.”[#8:3 : O palasyo.; #8:3 : Sa literal, Tahimik.]

4Makinig kayo,

kayong mga nanggigipit

sa mga mahihirap

at nagtatangkang lipulin sila.

5Sabi ninyo, “Kailan matatapos

ang Pista ng Bagong Buwan

o ang Araw ng Pamamahinga

para makapagbenta na tayo

ng mga inaning butil?”

Inip na inip na kayong mandaya

sa pamamagitan ng pagbabawas ng timbang,

pagtataas sa presyo at maling takalan.

6Nagmamadali kayong makapagbenta

ng mga butil na hinaluan ng ipa,

upang makabili kayo ng taong dukha

na ipinagbibiling alipin

dahil hindi siya makabayad

ng kanyang utang,

kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang

ng isang pares ng sandalyas.

7Kaya sumumpa ang Panginoon , ang Diyos na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob: “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo.

8Dahil ditoʼy mayayanig ang lupa,

at ang lahat ng taoʼy magluluksa.

Ang buong lupain ay aangat katulad

ng Ilog Nilo;

magugulo ito at pagkatapos

ay muling lulubog katulad

ng ilog ng Ehipto.

9Sa araw na iyon,”

sabi ng Makapangyarihang Panginoon

“palulubugin ko ang araw

sa katanghaliang tapat,

kaya didilim ang buong lupain

kahit araw pa.

10Gagawin kong iyakan

ang kasayahan sa inyong pista,

at ang inyong pag-aawitan

ay magiging panaghoy.

Pagdadamitin ko kayo ng sako

at uutusang magpakalbo

upang ipakita

ang inyong pagdadalamhati,

katulad ng mga magulang

na umiiyak sa pagkamatay

ng kanilang kaisa-isang anak.

Ngunit magiging mas masakit pa

ang huling parusa.”

11“Darating ang araw,”

sabi ng Makapangyarihang Panginoon ,

“na padadalhan ko ng taggutom

ang inyong lupain.

Ngunit hindi ito pagkagutom sa pagkain

o pagkauhaw sa tubig,

kundi pagkagutom at pagkauhaw

sa aking mga salita.

12Pagod na pagod na kayo

at naghahanap mula sa hilaga

hanggang silangan

sa paghahanap ng mga taong

makakapagpahayag sa inyo

ng salita ng Panginoon ,

ngunit hindi ninyo matagpuan

kahit saan kayo pumunta.

13“Sa araw na iyon na

parurusahan ko kayo,

kahit ang inyong magagandang dalaga

at ang inyong malalakas na mga binata

ay mawawalan ng malay

dahil sa matinding uhaw.

14Kayong mga nanunumpa

sa ngalan ng mga diyos-diyosan

ng Samaria, Dan at Beer-seba,

lilipulin kayo

at hindi na makakabangon.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.