The chat will start when you send the first message.
1Yamang kayoʼy binuhay muli kasama ni Kristo, ituon ninyo ang inyong puso sa mga bagay sa langit kung saan naroroon si Kristo at nakaupo sa kanan ng Diyos.
2Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay.
3Sapagkat namatay na kayo sa dati nʼyong buhay, at ang buhay ninyo ngayon ay nakatagong kasama ni Kristo sa Diyos.
4At kung maihayag na si Kristo na siyang buhay natin, kayo rin ay mahahayag na kasama niya sa kaluwalhatian.
5Kaya puksain na ninyo ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang seksuwal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga diyos-diyosan.
6Paparusahan ng Diyos ang mga taong gumagawa ng mga bagay na iyon.
7Ganoon din ang pamumuhay ninyo noon.
8Ngunit ngayon, dapat na ninyong itakwil ang lahat ng ito: galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at malaswang pananalita.
9Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, sapagkat hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain,
10at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Diyos na lumikha nito, upang maging katulad niya tayo at upang makilala natin siya nang lubusan.
11Dahil dito, wala nang ipinagkaiba ang Hudyo sa Hentil, ang tuli sa hindi tuli, ang barbaro, ang hindi sibilisado, ang alipin, at ang malaya. Si Kristo na ang kabuuan ng lahat, at siyaʼy nasa ating lahat.
12Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Diyos, dapat kayong maging mapagmalasakit, mabuti ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis.
13Maging mapagparaya kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon.
14At higit sa lahat, pairalin ninyo ang pag-ibig na nagdudulot ng tunay na pagkakaisa.
15Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Kristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat.
16Hayaan ninyong manahan nang lubusan sa inyong mga puso ang mga aral ni Kristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Diyos. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espirituwal na may pasasalamat sa Diyos sa mga puso ninyo.
17At anuman ang inyong gawin, sa salita man o sa gawa, gawin ninyo sa pangalan ng Panginoong Hesus nang may pasasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
18Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang nararapat gawin bilang mananampalataya sa Panginoon.
19Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa at huwag ninyo silang pagmamalupitan.
20Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat kalugod-lugod ito sa Panginoon.
21Mga magulang, huwag kayong gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob ng mga anak nʼyo upang hindi sila panghinaan ng loob.[#3:21 : Sa literal, Mga ama.]
22Mga alipin, sundin ninyo sa lahat ng bagay ang inyong mga amo dito sa lupa, hindi lang dahil nakatingin sila at nais ninyong malugod sila sa inyo, kundi gawin ninyo ito nang buong puso at may takot sa Panginoon.
23Anuman ang gawin ninyo, gawin nʼyo ito nang buong katapatan na parang ang Panginoon ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao.
24Sapagkat nalalaman ninyong may tatanggapin kayong pamana bilang gantimpala mula sa Panginoon. Ang Kristong Panginoon ang inyong pinaglilingkuran.
25Ang sinumang gumagawa ng masama ay parurusahan ayon sa kasalanan niya, dahil ang Diyos ay walang pinapaboran.