The chat will start when you send the first message.
2“Sasabihin ko sa iyo ngayon ang katotohanan: Tatlo pang hari ang maghahari sa Persia. Ang ikaapat na hari na susunod sa kanila ay mas mayaman pa kaysa sa mga nauna. Sa pamamagitan ng kanyang kayamanan, magiging makapangyarihan siya, at susulsulan niya ang ibang kaharian na makipaglaban sa Gresya.
3Pagkatapos, isa pang makapangyarihang hari ang darating. Maraming bansa ang kanyang sasakupin, at gagawin niya ang gusto niyang gawin.
4Kapag siyaʼy naging makapangyarihan na, mawawasak ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na bahagi ng daigdig, pero hindi ang kanyang mga angkan ang maghahari dito. Ang mga haring papalit sa kanya ay hindi makakapamahala tulad ng kanyang pamamahala. Kukunin ang kanyang kaharian at ibibigay sa iba.
5“Ang hari ng timog ay magiging makapangyarihan. Ngunit isa sa kanyang mga heneral ay magiging mas makapangyarihan kaysa sa kanya. At sa bandang huli, ang heneral na ito ay maghahari rin at magiging makapangyarihan ang kaharian niya.[#11:5 : Maaaring ang tinutukoy dito hanggang sa talata 40|DAN 11:40 ay ang hari ng Ehipto.]
6Pagkalipas ng ilang taon, magsasanib ang dalawang kahariang ito, dahil ipapaasawa ng hari ng timog ang anak niyang babae sa hari ng hilaga. Ngunit hindi magtatagal ang kapangyarihan ng babae pati ang kapangyarihan ng hari ng hilaga. Sapagkat sa panahong iyon, papatayin ang babae at ang kanyang asawaʼt anak, pati ang mga naglilingkod sa kanya.[#11:6 : Maaaring ang tinutukoy dito hanggang sa talata 40|DAN 11:40 ay ang hari ng Siria.; #11:6 : Ito ang nasa ibang lumang teksto. Sa Hebreo, ama.; #11:6 : O sumusuporta sa kanya.]
7“Sa bandang huli, maghahari sa timog ang isa sa mga kamag-anak ng babae. Siya ang papalit sa kanyang ama. Lulusubin niya ang mga sundalo ng hari ng hilaga at papasukin ang tanggulan nito, at magtatagumpay siya sa labanan.
8Dadalhin niya pauwi sa Ehipto ang mga diyos-diyosan nila at mga mamahaling ari-arian na yari sa ginto at pilak. Sa loob ng ilang taon, hindi na siya makikipagdigma sa hari ng hilaga.
9Ngunit sa bandang huli, lulusubin ng hari sa hilaga ang hari sa timog, pero matatalo ito at babalik sa kanyang bayan.
10“Magtitipon ng maraming sundalo ang mga anak ng hari ng hilaga upang maghanda sa pakikipaglaban. Ang isa sa kanila ay sasalakay na parang bahang hindi mapigilan. Sasalakay siya hanggang sa tanggulan ng hari ng timog.
11“At dahil sa galit ng hari ng timog, lalabanan niya ang hari ng hilaga at tatalunin niya ang napakaraming sundalo nito.
12Sa kanyang tagumpay, magmamataas siya at marami pa ang kanyang papatayin, pero hindi magtatagal ang kanyang tagumpay.
13Sapagkat ang hari ng hilaga ay muling magtitipon ng mas marami pang sundalo kaysa sa dati. At pagkalipas ng ilang taon, muli siyang sasalakay kasama ang napakaraming sundalo dala ang napakaraming kagamitang pandigma.
14“Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng timog. Isa na sa mga ito ang mga kababayan mong Israelita na mapupusok. Gagawin nila ito bilang katuparan ng pangitain, pero matatalo sila.
15Sasalakayin ng hari ng hilaga ang isa sa mga tanggulan ng lungsod sa timog. Kukubkubin nila ito at papasukin. Walang magagawa ang mga sundalo sa timog pati na ang kanilang pinakamagaling na mga kawal, dahil hindi nila kayang talunin ang kalaban.
16Kaya gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin at walang makapipigil sa kanya. Sasakupin niya ang magandang lupain ng Israel, at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.[#11:16 : O may kapangyarihan siya upang wasakin ito.]
17Talagang determinado ang hari ng hilaga na salakayin ang kaharian sa timog nang buong lakas ng kaharian niya. Makikipagkasundo muna siya sa hari ng timog sa pamamagitan ng pag-aalok ng kanyang anak na maging asawa ng nito, para sa pamamagitan nito ay maibagsak niya ang kaharian sa timog. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin.
18Kaya ang mga bayan na lang muna sa tabing-dagat ang kanyang lulusubin at marami ang kanyang masasakop. Ngunit patitigilin ng isang pinuno ang kanyang pagpapahiya sa iba, at siya mismo ang mapapahiya.
19Kaya uuwi siya sa mga tanggulan ng kanyang bayan. Ngunit matatalo siya, at iyon ang magiging wakas niya.
20“Ang haring papalit sa kanya ay mag-uutos sa isang opisyal na sapilitang maniningil ng buwis upang madagdagan ang kayamanan ng kaharian niya. Ngunit hindi magtatagal ay mamamatay ang haring ito, hindi dahil sa labanan o sa mayroong galit sa kanya.
21“Ang papalit sa kanya bilang hari ay taong hindi marangal at walang karapatang maging hari. Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang sasakupin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya.
22Maraming kalabang sundalo ang kanyang papatayin, pati na ang punong pari.[#11:22 : Sa literal, pinuno ng kasunduan.]
23Makikipagkasundo siya sa maraming bansa, pero dadayain niya ang mga ito sa bandang huli. Magiging makapangyarihan siya kahit maliit ang kaharian niya.
24Sa hindi inaasahan ng mga tao, bigla niyang lulusubin ang mauunlad na lugar ng isang lalawigan. Gagawin niya ang hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Hahati-hatiin niya sa mga tagasunod niya ang kanyang mga nasamsam sa labanan. Pinaplano niyang salakayin ang mga tanggulan, pero sa maikling panahon lamang.
25“Maglalakas-loob siyang salakayin ang hari ng timog na may marami at malakas ring hukbo. Ngunit matatalo ang hari ng timog dahil sa katusuhan ng kanyang mga kalaban.
26Papatayin siya ng sarili niyang mga tauhan. Kaya matatalo ang kanyang mga sundalo at marami sa kanila ang mamamatay.
27Ang dalawang haring ito ay magsasama pero pareho silang magsisinungaling at mag-iisip ng masama laban sa isaʼt isa. Pareho silang hindi magtatagumpay sa kanilang binabalak laban sa isaʼt isa. At magpapatuloy ang labanan nila dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon.
28Ang hari ng hilaga ay uuwi sa kanyang bayan dala ang maraming nasamsam na kayamanan mula sa digmaan. Ngunit bago siya umuwi, uusigin niya ang mga mamamayan ng Diyos at ang kanyang banal na kasunduan. At pagkatapos ay saka siya uuwi sa sarili niyang bayan.
29“Sa takdang panahon ay muli niyang lulusubin ang kaharian sa timog, pero ang mangyayari ay hindi na katulad ng nangyari noon.
30Sapagkat lulusubin siya ng hukbong pandagat mula sa Kitim sa kanluran. At dahil dito, uurong siya at babalik sa kanyang bayan. Ibubunton niya ang kanyang galit sa mga mamamayan ng Diyos at sa kanilang banal na kasunduan, pero magiging mabuti siya sa mga tumalikod banal na kasunduan.
31“Uutusan ng hari ng hilaga ang kanyang mga sundalo na lapastanganin ang templong kanlungan. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa Templo.
32Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga tumalikod sa banal na kasunduan upang gumawa ng hindi mabuti. Ngunit lakas-loob siyang lalabanan ng mga taong tunay na tapat sa Diyos.
33“Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan ay magtuturo sa maraming tao, pero uusigin sila sa loob ng ilang araw. Ang ilan sa kanila ay papatayin sa pamamagitan ng espada o susunugin, at ang ilan ay bibihagin o kukunin ang kanilang mga ari-arian.
34Sa panahon na inuusig sila, iilan lang ang tutulong sa kanila, pero maraming hindi tapat ang sasáma sa kanila.
35Uusigin ang ilang nakakaunawa ng katotohanan upang maging dalisay at malinis ang kanilang mga buhay hanggang sa dumating ang katapusan, na darating sa takdang panahon.
36“Gagawin ng hari ng hilaga ang anumang gusto niyang gawin. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sinumang diyos, at hahamakin niya ang Diyos na higit kaysa sa lahat ng diyos. Magtatagumpay siya hanggang sa panahon na ipakita ng Diyos ang kanyang galit, dahil kailangang mangyari ang mga bagay na itinakda ng Diyos na dapat mangyari.
37Hindi niya kikilalanin ang diyos ng kanyang mga ninuno o ang diyos na mahal ng mga babae. Ituturing niyang higit ang kanyang sarili kaysa sa mga iyon. Wala siyang pahahalagahang diyos maliban sa diyos na nananalakay ng mga tanggulan.
38Pararangalan niya ang diyos na nananalakay ng mga tanggulan na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Hahandugan niya ito ng mga ginto, pilak, mamahaling bato, at ng iba pang mamahaling mga regalo.
39Lulusubin niya ang pinakamatibay na mga tanggulan sa tulong ng diyos na iyon na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Pararangalan niya ang mga taong mabuti sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang mamahala sa maraming tao. At bibigyan niya sila ng lupain bilang gantimpala.
40“Pagdating ng wakas, makikipaglaban ang hari ng timog sa hari ng hilaga. Ngunit lulusubin siya ng hari ng hilaga na may mga karwaheng pandigma, mga nangangabayong sundalo at mga hukbong pandagat. Lulusubin niya ang maraming bansa at maninira na parang baha.
41Lulusubin niya pati ang magandang lupain ng Israel, at maraming tao ang mamamatay. Ngunit makakatakas ang Edom, ang Moab at ang mga pinuno ng Amon.
42Maraming bansa ang kanyang lulusubin, kabilang dito ang Ehipto.
43Mapapasakanya ang mga ginto, pilak, at ang lahat ng kayamanan ng Ehipto. Sasakupin din niya ang Libya at Etiopia.[#11:43 : Sa Hebreo, Cush.]
44Ngunit may mga balitang magmumula sa silangan at hilaga na babagabag sa kanya. Kaya sasalakay siya sa matinding galit, at maraming tao ang kanyang lilipulin nang lubusan.
45Magtatayo siya ng maharlikang tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok. Ngunit mamamatay siya nang wala man lang tutulong sa kanya.”