1-2-3Noong si Belshazar ang hari ng Babilonia, naghanda siya ng malaking piging para sa kanyang isang libong marangal na mga bisita. Habang nag-iinuman sila, ipinakuha ni Belshazar ang mga tasang ginto at pilak na kinuha ng ama niyang si Nebucadnezar sa templo ng Diyos sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang gamitin nila ng kanyang mga marangal na mga bisita, ng kanyang mga asawa, at ng iba pa niyang mga asawang alipin. Nang madala na sa kanya ang mga tasa, ginamit nila ito para inuman.
4At habang silaʼy nag-iinuman, pinuri nila ang kanilang mga diyos na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5Walang anu-anoʼy may nakitang kamay ang hari na sumusulat sa dingding ng palasyo malapit sa ilawan.
6Dahil dito, nanginig at namutla ang hari sa tindi ng takot.
7Kaya sumigaw siya na ipatawag ang marurunong sa Babilonia: ang mga salamangkero, mga astrologo, at mga manghuhula.[#5:7 : Sa literal, mga Caldeo.]
Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makabasa ng nakasulat na iyan at makapagpaliwanag ng kahulugan ay bibihisan ko ng maharlikang damit at pasusuotan ko ng gintong kuwintas. At siyaʼy magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
8Lumapit ang mga marurunong upang basahin ang nakasulat sa dingding. Ngunit hindi nila kayang basahin o ipaliwanag sa hari ang kahulugan nito.
9Kaya lalong natakot at namutla si Haring Belshazar. Litong-lito naman ang isip ng kanyang mararangal na mga panauhin.
10Nang marinig ng reyna ang kanilang pagkakagulo, lumapit siya sa kanila at sinabi, “Mabuhay ang Mahal na Hari! Huwag kang matakot o mag-alala,[#5:10 : O reyna na ina ng hari.]
11dahil sa iyong kaharian ay may isang taong kinasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Haring Nebucadnezar, ang taong ito ay nagpamalas ng kanyang karunungan tulad sa karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ng iyong ama na pinuno ng mga salamangkero, engkantador, manghuhula, at mga astrologo.
12Siya ay si Daniel na pinangalanan ng hari na Beltesazar. May pambihira siyang kakayahan at karunungan. Marunong siyang magbigay-kahulugan sa mga panaginip, magpaliwanag ng mga bugtong, at lumutas ng mahihirap na mga problema. Kaya ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa dingding.”
13Kaya ipinatawag si Daniel. At nang siyaʼy dumating, sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw pala si Daniel na isa sa mga bihag na Hudyo na dinala rito ng aking ama mula sa Juda.
14Nabalitaan kong ang espiritu ng mga diyos ay nasa iyo at mayroon kang pambihirang kakayahan at karunungan.
15Ipinatawag ko na ang marurunong, pati na ang mga engkantador, upang ipabasa at ipaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa dingding, pero hindi nila ito nagawa.
16Nabalitaan kong marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga pangyayari at kaya mo ring lutasin ang mabibigat na mga problema. Kung mababasa mo at maipapaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyan, pabibihisan kita ng maharlikang damit at pasusuotan ng gintong kuwintas. At gagawin kitang pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
17Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng regalo; ibigay nʼyo na lamang sa iba. Ngunit babasahin ko pa rin para sa inyo ang nakasulat sa pader at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito.
18“Mahal na Hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay ginawang hari ng Kataas-taasang Diyos. Naging makapangyarihan siya at pinarangalan.
19Dahil sa kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa kanya, ang mga tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika ay natakot sa kanya. Nagagawa niyang patayin ang sinumang gusto niyang patayin. At nagagawa rin niyang huwag patayin ang gusto niyang huwag patayin. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas, at ibinababa niya sa tungkulin ang gusto niyang ibaba.
20Ngunit siya ay naging mayabang at nagmataas, kaya pinaalis siya sa kanyang tungkulin bilang hari,
21at itinaboy mula sa mga tao. Naging isip-hayop siya. Tumira siya kasama ng mga asnong-gubat at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan. Ganoon ang kanyang kalagayan hanggang kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.
22“At ikaw, Haring Belshazar na anak niya, kahit na alam mo ang lahat ng ito, hindi ka pa rin nagpakumbaba,
23sa halip itinuring mong mas mataas ka kaysa sa Panginoon. Ipinakuha mo ang mga tasang mula sa templo ng Diyos at ginamit ninyong inuman ng iyong marangal na mga bisita, mga asawa, at iba pang mga asawang alipin. Maliban diyan, sumamba ka pa sa mga diyos-diyosang gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato. Itoʼy mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakaunawa. Ngunit hindi mo man lang pinuri ang Diyos na siyang may hawak ng iyong buhay at nakakaalam ng iyong landas na dadaanan.
24Kaya ipinadala niya ang kamay na iyon upang isulat ang mga katagang ito.
25“Ito ang mga katagang nakasulat sa dingding:
26“Ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay:
“Mene , bilang na ng Diyos ang natitirang araw ng paghahari mo at wawakasan na niya ito.
27“Tekel , tinimbang ka at nalamang ikaw ay nagkulang.[#5:27 Tekel : Ibig sabihin, tinimbang o shekel.]
28“Parsin , hinati ang iyong kaharian at ibibigay sa Media at Persia.”[#5:28 : Sa wikang Arameo, Peres, na isahang anyo ng Parsin.]
29Pagkatapos magsalita ni Daniel, iniutos ni Haring Belshazar na bihisan si Daniel ng maharlikang damit at suotan ng gintong kuwintas. At ipinahayag ng hari na siya ay magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Babilonia.
30Nang gabi ring iyon, pinatay si Belshazar na hari ng mga taga-Babilonia.
31At si Dario na taga-Media ang pumalit sa kanya, na nooʼy animnapuʼt dalawang taóng gulang na.