Daniel 7

Ang Panaginip ni Daniel tungkol sa Apat na Hayop

1Noong unang taon ng paghahari ni Belshazar sa Babilonia, nagkaroon ng mga pangitain si Daniel sa kanyang panaginip. Ito ang panaginip na kanyang isinulat.

2Sabi ng Daniel: “Isang gabi, may nakita akong pangitain ng isang malawak na dagat na hinahampas ng malakas na hangin mula sa apat na direksyon.

3Mula sa dagat ay biglang lumitaw ang apat na magkakaibang hayop.

4“Ang unang hayop ay parang leon, pero may pakpak ng agila. Kitang-kita kong pinutol ang kanyang pakpak. Pinatayo siya na parang tao at binigyan ng kaisipang tulad ng sa tao.

5“Ang pangalawang hayop ay parang oso. Nakatayo siya sa dalawang hulihang paa at may kagat siyang tatlong tadyang. May tinig na nagsabi sa kanya, ‘Sige, magpakasawa ka sa karne.’[#7:5 : O Mas mataas ang bahagi ng kanyang kalahating katawan.]

6“Ang pangatlong hayop ay parang leopardo. Mayroon itong apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Binigyan siya ng kapangyarihan upang mamahala.

7“Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay.

8“Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlo sa mga naunang sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan.

9“Pagkatapos ay nakita ko,

may mga tronong inilagay,

at umupo sa kanyang trono

ang Diyos na Buháy Magpakailanman.

Nakakasilaw ang kanyang damit

at buhok dahil sa kaputian.

Nagliliyab ang kanyang tronong

may mga gulong.

10At mula sa kanya ay umaagos ang apoy.

Libo-libo ang mga naglilingkod sa kanya;

mas marami pa sa sampung libo

ang nakatayo sa kanyang harapan.

Handa na siyang humatol,

kaya binuksan ang mga aklat.

11“Patuloy kong tinitingnan ang sungay dahil sa naririnig kong pagyayabang nito, hanggang sa nakita kong pinatay ang ikaapat na hayop. Inihagis siya sa apoy at nasunog ang kanyang katawan.

12(At ang natitirang tatlong hayop ay inalisan ng kapangyarihan, pero hinayaang mabuhay nang maiksing panahon.)

13“Pagkatapos, nakita ko ang parang anak ng tao na pinaliligiran ng ulap. Lumapit siya sa Diyos na Buháy Magpakailanman.

14Pinarangalan siya at binigyan ng kapangyarihang maghari, at naglingkod sa kanya ang lahat ng tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika. Ang paghahari niya ay walang hanggan. At walang makakapagpabagsak ng kaharian niya.

Ang Kahulugan ng Panaginip

15“Akong si Daniel ay nabagabag sa aking nakita.

16Kaya lumapit ako sa isang nakatayo roon at nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng nakita kong iyon.

“Kaya sinabi niya sa akin at ibinigay niya ang kahulugan ng mga bagay na ito:

17‘Ang apat na hayop ay tumutukoy sa apat na haring maghahari sa mundo.

18Ngunit ang mga banal ng Kataas-taasang Diyos ang siyang bibigyan ng kapangyarihang maghari magpakailanman.’[#7:18 : Maaaring ang ibig sabihin ay mga anghel o/at mga mamamayan ng Diyos.]

19“Tinanong ko pa siya kung ano ang ibig sabihin ng ikaapat na hayop na ibang-iba sa tatlo. Nakakatakot itong tingnan; ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso. Sinasakmal niya at niluluray ang kanyang mga biktima, at kung may matitira ay kanyang tinatapak-tapakan.

20Tinanong ko rin siya kung ano ang kahulugan ng sampung sungay ng ikaapat na hayop at ng isa pang sungay na tumubo at nagtanggal ng tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mga mata at may bibig na nagyayabang, at kung titingnan ay mas makapangyarihan siya kaysa sa ibang sungay.

21Nakita kong ang sungay na ito ay nakikipaglaban sa mga banal ng Diyos, at nananalo siya.

22Pagkatapos, dumating ang Diyos na Buháy Magpakailanman, ang Kataas-taasang Diyos, at humatol panig sa kanyang mga banal. At dumating ang panahon ng paghahari ng mga banal.

23“Narito ang kanyang paliwanag sa akin: Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kaharian dito sa mundo na kakaiba kaysa sa ibang kaharian. Lulusubin nito at wawasakin ang buong mundo.

24Ang sampung sungay ay ang sampung hari na maghahari sa kahariang iyon. Papalit sa kanila ang isang hari na iba kaysa sa kanila at ibabagsak niya ang tatlong hari.

25Magsasalita siya laban sa Kataas-taasang Diyos, at uusigin niya ang mga banal ng Diyos. Sisikapin niyang baguhin ang mga pista at Kautusan. Ipapasakop sa kanya ang mga banal ng Diyos sa loob ng tatloʼt kalahating taon.[#7:25 : Sa literal, panahon.]

26“ ‘Ngunit hahatulan siya, kukunin ang kanyang kapangyarihan, at lilipulin nang lubos.

27At pagkatapos ay ibibigay sa banal na mga mamamayan ng Kataas-taasang Diyos ang pamamahala at kapangyarihan sa mga kaharian ng buong mundo. Kaya maghahari sila magpakailanman, at ang lahat ng kaharian ay magpapasakop sa kanila.’[#7:27 : O pinuno.]

28“Iyon ang panaginip ko. Akong si Daniel, ay nabagabag at namutla sa takot. Ngunit hindi ko ito sinabi kahit kanino.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.