Daniel 8

Ang Pangitain ni Daniel Tungkol sa Tupa at Kambing

1Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belshazar, akong si Daniel ay muling nagkaroon ng pangitain.

2Sa pangitain ko, nakita kong nakatayo ako sa pampang ng Ilog ng Ulai, sa tanggulan ng Susa sa lalawigan ng Elam.

3May nakita akong barakong tupa na nakatayo sa tabi ng ilog. Mayroon itong dalawang mahahabang sungay, pero mas mahaba ang isang sungay nito kaysa sa isa kahit na huli itong tumubo.

4Nakita kong nanunuwag ang barakong tupa papunta sa kanluran at sa hilaga at sa timog. Walang ibang hayop na makapigil sa kanya at wala ring makatakas sa kanya. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging makapangyarihan siya.

5Habang itoʼy tinitingnan ko, biglang dumating ang isang kambing mula sa kanluran. Umikot ito sa buong mundo na hindi sumasayad ang paa sa lupa sa sobrang bilis. Mayroon siyang kakaibang sungay sa gitna ng kanyang mga mata.

6Sinugod niya nang buong lakas ang tupang may dalawang sungay na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog.

7Sa matinding galit, hindi niya tinigilan ng pagsuwag ang tupa hanggang sa naputol ang dalawang sungay nito. Hindi na makalaban ang tupa, kaya nabuwal ito at tinapak-tapakan ng kambing. Walang sumaklolo sa kanya.

8Naging makapangyarihan pa ang kambing. Ngunit nang nasa sukdulan na ang kapangyarihan niya, nabali ang kanyang sungay. Kapalit nito ay may tumubong apat na pambihirang sungay na nakatutok sa apat na direksyon ng mundo.

9Ang isa sa kanila ay tinubuan ng isang maliit na sungay. Naging makapangyarihan itong sungay sa timog at sa silangan hanggang sa magandang lupain ng Israel.

10Lalo pa itong naging makapangyarihan hanggang sa naabot nito ang langit, at pinabagsak nito sa lupa ang ilang mga bituin at saka tinapak-tapakan.

11Itinuring niya ang kanyang sarili na higit na makapangyarihan kaysa sa Pinuno ng mga nilalang sa langit. Pinatigil niya ang araw-araw na paghahandog sa templo ng Diyos, at nilapastangan niya ang templo.

12Dahil sa pagsuway ng mga mamamayan ng Panginoon , ipinasakop sila sa kanya pati ang mga nilalang sa langit at ang araw-araw na paghahandog. Binalewala niya ang katotohanan, at nagtagumpay siya sa kanyang mga ginawa.

13Narinig kong nag-uusap ang dalawang anghel. Ang isang anghel ay nagtatanong sa isa, “Hanggang kailan kaya tatagal ang mga pangyayaring ito na nasa pangitain? Ang pagpapatigil sa araw-araw na paghahandog, ang paglapastangan sa templo na magiging dahilan upang pabayaan ito, at ang pagyurak sa mga nilalang sa langit?”

14Sumagot ang isa, “Itoʼy mangyayari sa loob ng 2,300 umaga at hapon, at pagkatapos ay lilinisin ang Templo.”[#8:14 : Ang 2,300 ay maaaring ang lahat ng handog na pang-umaga at panghapon sa loob ng 1,150 araw. (Tingnan din ang Ezra 3:3 tungkol sa handog na ito.) Ang handog na panghapon ay inihahandog sa paglubog ng araw.]

Ipinaliwanag ang Kahulugan ng Pangitain

15Habang akong si Daniel ay nakatingin sa pangitaing iyon at sinusubukang maintindihan kung ano ang kahulugan noon, biglang tumayo sa harap ko ang isang parang tao.

16Pagkatapos, may narinig akong tinig ng tao mula sa Ilog ng Ulai na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa kanya ang kahulugan ng pangitain.”

17Nang lumapit si Gabriel sa akin, nagpatirapa ako sa takot. Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, dapat mong maunawaan na ang iyong pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.”

18Habang nakikipag-usap siya sa akin, akoʼy nakatulog nang mahimbing na nakadapa sa lupa. Ngunit ginising niya ako at ibinangon.

19Sinabi niya, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa hinaharap kapag ibinuhos na ng Diyos ang kanyang galit, dahil naitakda na ang katapusan ng panahon.

20Ang tupang may dalawang sungay ay ang kaharian ng Media at Persia.

21Ang kambing naman ay ang kaharian ng Gresya, at ang malaking sungay sa gitna ng kanyang mga mata ay ang unang hari.

22Ang apat na sungay na tumubo pagkatapos maputol ang unang sungay ay ang apat na kaharian ng Gresya nang magkahati-hati ito. Ngunit ang kanilang mga hari ay hindi magiging makapangyarihan na tulad noong una.

23“Sa mga huling araw ng kanilang paghahari, sa panahong sukdulan na ang kanilang pagiging suwail, maghahari ang isang malupit at tusong hari.

24Siyaʼy magiging makapangyarihan, pero hindi tulad ng haring nauna sa kanya. Magtataka ang mga tao sa gagawin niyang panlilipol, at magtatagumpay siya sa anumang gagawin niya. Lilipulin niya ang mga makapangyarihang tao at ang mga hinirang na mga mamamayan ng Diyos.[#8:24 : O pero hindi sa pamamagitan ng sarili niyang kapangyarihan.]

25Dahil sa kanyang kakayahan, magtatagumpay siya sa kanyang pandaraya. Ipagmamalaki niya ang kanyang sarili, at maraming tao ang kanyang papatayin nang walang anumang babala. Lalabanan niya pati ang Pinuno ng mga pinuno. Ngunit lilipulin siya hindi sa kapangyarihan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

26“Ang pangitaing nakita mo tungkol sa pagpapatigil ng pang-umaga at panghapon na paghahandog ay totoo. Ngunit huwag mo munang ihayag ito dahil matatagalan pa bago ito maganap.”[#8:26 : Nang palubog na ang araw.]

27Pagkatapos noon, akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Nang gumaling ako, bumalik ako sa trabaho na ibinigay sa akin ng hari. Ngunit patuloy akong nabalisa ng pangitaing iyon; hindi ko ito lubos na maunawaan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.