The chat will start when you send the first message.
1Kung paanong napapabaho
ng isang patay na langaw
ang isang boteng pabango,
ganoon din ang kaunting kamangmangan,
nakakasira ng karunungan at karangalan.
2Ang taong marunong ay gustong
gumawa ng kabutihan,
ngunit ang hangal ay gustong
gumawa ng kasamaan.
3At kahit sa paglalakad ng hangal,
nakikita ang kawalan niya ng karunungan
at ipinapakita
sa lahat ang kanyang kahangalan.
4Kung nagalit sa iyo ang iyong pinuno,
huwag kang magbitiw sa tungkulin,
sapagkat kung ikaw ay mahinahon,
maitutuwid mo ang iyong pagkakamali.
5May isa pa akong nakitang
hindi maganda rito sa mundo
at itoʼy ginagawa ng mga pinuno:
6Ang mga mangmang
ay binibigyan ng mataas na tungkulin,
pero ang mga mayayaman
ay binibigyan ng mababang tungkulin.
7Nakakita rin ako ng mga aliping
nakasakay sa kabayo
habang ang mga dakilang taoʼy
naglalakad na parang alipin.
8Kapag ikaw ang naghukay,
baka ikaw din ang mahulog doon.
Kapag lumusot ka sa butas ng pader,
baka tuklawin ka ng ahas doon.
9Kapag nagtibag ka ng bato,
baka mabagsakan ka nito.
Kapag nagsibak ka ng kahoy,
baka masugatan ka nito.
10Kapag palakol moʼy mapurol
at hindi mo hinahasa,
buong lakas ang kailangan mo
sa paggamit nito.
Mas nakakahigit ka
kung ikaʼy marunong,
dahil sa pamamagitan
nitoʼy magtatagumpay ka.
11Walang saysay ang kakayahan mong
magpaamo ng ahas,
kung tutuklawin ka lang naman nito.
12Ang sinasabi ng marunong
ay magbibigay sa kanya ng kabutihan,
pero ang sinasabi ng hangal
ay magpapahamak sa kanya.
13Sa umpisa pa lang
kamangmangan na ang sinasabi niya,
at kinalaunan
ay naging masamang-masama na,
na parang nawawala na siya sa sarili.
14At wala siyang tigil sa kasasalita.
Walang nakakaalam tungkol
sa mga mangyayari sa hinaharap,
kaya walang makapagsasabi
kung ano ang mangyayari
kapag tayoʼy patay na.
15Napapagod ang mangmang
sa kanyang trabaho,
kaya naiisip niyang huwag nang pumunta
sa bayan para magtrabaho.
16Nakakaawa ang isang bansa
na ang hari ay isip-bata
at ang mga pinunoʼy puro
handaan ang inaatupag.
17Pero mapalad ang bansa na ang hari
ay ipinanganak sa marangal na pamilya
at ang mga pinuno
ay naghahanda lamang sa tamang panahon
para sa ikalalakas at hindi sa paglalasing.
18Pinapabayaan ng taong tamad na
tumutulo ang bubong ng kanyang bahay
hanggang sa mawasak na
ang buong bahay niya.
19Makapagpapasaya sa tao
ang handaan at inuman;
at ang pera ay makapagbibigay
ng lahat niyang pangangailangan.
20Huwag mong susumpain ang hari
kahit sa isip mo lang o ang mayayaman
kahit na palihim lang,
dahil baka may magsabi sa kanila.