The chat will start when you send the first message.
1Nang mawala na ang galit ni Haring Asuero, naalala niya si Vasti at ang ginawa nito, at ang kautusan na nilagdaan niya laban dito.
2Sinabi ng mga pinunong naglilingkod sa kanya, “Mahal na Hari, bakit po hindi kayo magpahanap ng magagandang dalagang birhen?
3Pumili po kayo ng mga pinuno sa bawat lalawigang nasasakupan ng kaharian ninyo para maghanap ng magagandang dalagang birhen at dalhin dito sa lungsod ng Susa, sa tahanan ng mga kababaihan. Ipaasikaso ninyo sila kay Hegai na isa sa mga pinuno ninyong mataas ang katungkulan, na nangangalaga sa tahanan ng mga kababaihan. Siya na po ang bahalang magbigay sa mga dalaga ng mga pangangailangan nila para sa pagpapaganda.
4At ang dalaga pong magugustuhan ninyo ang siyang ipapalit ninyo kay Vasti bilang reyna.” Nagustuhan ng hari ang payong ito kaya sinunod niya.
5Nang panahong iyon, may isang Hudyong nakatira sa lungsod ng Susa. Ang pangalan niyaʼy Mordecai na anak ni Jair, na apo ni Simei, na anak ni Kis, na kabilang sa lahi ni Benjamin.
6Isa siya sa mga bihag ni Haring Nebucadnezar na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda.[#2:6 : O Jehoiakin.]
7Si Mordecai ay may pinsang dalaga. Nang itoʼy maulila, inalagaan niya ito, pinalaki at itinuring na parang sarili niyang anak. Ang pangalan niya ay Hadasa na tinatawag ding Ester. Maganda si Ester at maganda rin ang hubog ng katawan nito.
8Nang maihayag ang utos ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng hari roon sa Susa. Ang isa sa kanila ay si Ester. Ipinaasikaso sila kay Hegai dahil ito nga ang nangangasiwa sa mga babaeng dinadala roon.
9Tuwang-tuwa si Hegai kay Ester, kaya mabuti ang pakikitungo niya sa kanya. Agad niyang binigyan si Ester ng mga pampaganda at ng espesyal na pagkain. Binigyan niya rin siya ng pitong piling katulong na babae na galing sa palasyo, at inilipat sa pinakamagandang kuwarto kasama sila.
10Hindi sinabi ni Ester kung anong lahi o sambahayan siya kabilang dahil pinagbilinan siya ni Mordecai na huwag itong sasabihin.
11Araw-araw namang dumaraan si Mordecai malapit sa bakuran ng bahay na tinitirhan ng mga dalaga para malaman ang kalagayan ni Ester at kung ano na ang mga nangyayari sa kanya.
12Bago humarap ang isang babae kay Haring Asuero, kinakailangang matapos niya ang isang taon ng pagpapaganda. Sa unang anim na buwan, magpapahid siya ng langis ng mira sa katawan, at sa susunod na anim na buwan, magpapahid naman ng mga pabango at iba pang pampaganda.
13At bago siya pumunta sa hari, bibigyan siya ng anumang damit at alahas na gusto niyang isuot para sa pagharap sa hari.
14Pupunta siya sa hari pagsapit ng gabi at kinabukasan, dadalhin siya sa tirahan ng mga asawa ng hari na pinamamahalaan ni Saasgaz na isa sa mga pinunong mataas ang katungkulan. Siya ang namamahala sa mga asawa ng hari. Walang sinuman sa kanila ang makakabalik sa hari maliban lang kung magustuhan siya at ipatawag ng hari.
15Nang dumating ang araw na si Ester (anak ni Abihail na tiyuhin ni Mordecai, na umampon sa kanya) ang haharap sa hari, wala siyang hiniling na iba maliban sa ipinayo ni Hegai, ang eunukong nangangasiwa sa mga babae. Ganoon na lang ang paghanga at pagpuri ng mga nakakita sa kanya.
16Dinala siya kay Haring Asuero sa palasyo nito sa ikasampung buwan, na buwan ng Tibet, at sa ikapitong taon ng kanyang paghahari.
17Nagustuhan ng hari si Ester nang higit kaysa sa ibang mga dalaga. Tuwang-tuwa siya kay Ester, at mabuti ang trato niya sa kanya. Kinoronahan niya ito at ginawang reyna bilang kapalit ni Vasti.
18Nagdaos ang hari ng malaking piging para parangalan si Ester. Inanyayahan niya ang lahat ng pinuno niya at ang iba pang naglilingkod sa kanya. Nang araw na iyon, ipinag-utos niya sa lahat at sa buong kaharian na magdiwang ng isang pista opisyal, at nagbigay siya ng maraming regalo sa mga tao.
19Sa pangalawang pagtitipon ng mga dalaga, si Mordecai ay nakapuwesto na sa pintuan ng palasyo bilang isang opisyal.
20Hindi pa rin sinasabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya kabilang tulad ng bilin ni Mordecai. Sinusunod pa rin ni Ester si Mordecai katulad noon, nang siyaʼy nasa pangangalaga pa nito.
21Sa panahong si Mordecai ay nakapuwesto sa pintuan ng palasyo, may dalawang eunuko ng hari na nagngangalang Bigtan at Teres. Sila ang mga guwardiya ng pintuan ng kuwarto niya. Nagalit sila kay Haring Asuero, at nagplano silang patayin ito.
22Pero nalaman ni Mordecai ang planong ito, kaya sinabi niya ito kay Reyna Ester. Sinabi naman ito ni Ester sa hari at ipinaalam din niya sa kanya na si Mordecai ang nakatuklas sa planong pagpatay.
23Ipinasiyasat ito ng hari. At nang mapatunayang totoo ito, ipinatuhog niya sina Bigtan at Teres sa nakatayong matulis na kahoy. At ang pangyayaring itoʼy ipinasulat ng hari sa Aklat ng Kasaysayan ng kaharian.