Exodus 1

Inapi ang mga Israelita sa Ehipto

2sina Ruben, Simeon, Levi, Juda,

3Isacar, Zebulun, Benjamin,

4Dan, Neftali, Gad, at Asher.

6Dumating ang panahong namatay si Jose, ang lahat ng kanyang kapatid, at ang buong henerasyon nila,

7ngunit palaanak ang mga Israelita kaya mabilis na dumami at lumakas ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, halos mapuno nila ang buong lupain ng Ehipto.

8Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose.

9Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, “Tingnan ninyo! Ang mga Israelita ay higit na marami at malakas kaysa sa atin.

10Kaya kailangang tuso ang pakikitungo natin sa kanila upang hindi na sila dumami pa. Kung magkaroon ng digmaan, baka kumampi sila sa mga kaaway natin at lalabanan tayo upang makaalis sila sa bansa natin.”

11Kaya inilagay sila sa ilalim ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses upang magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon.[#1:11 : Ang ibig sabihin, hari ng Ehipto.]

12Ngunit habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at kumakalat sa Ehipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Ehipto sa mga Israelita.

13Dahil dito, walang awa nilang pinagtrabaho ang mga ito.

14Naging mahirap ang buhay ng mga Israelita dahil sa mabibigat nilang trabaho na paggawa ng tisa at pangsemento nito, at ng ibaʼt ibang gawain sa bukid. Sa mabibigat nilang gawain ay walang awa silang pinagtrabaho ng mga Ehipsiyo.

15Pagkatapos, sinabi ng hari ng Ehipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua,

16“Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin.”

17Ngunit dahil may takot sa Diyos ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.

18Kaya ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga kumadrona at tinanong, “Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?”

19Sumagot sila, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Ehipsiyo; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila.”

20Kaya pinagpala ng Diyos ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita.

21At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Diyos, binigyan sila ng Diyos ng sarili nilang pamilya.

22Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng kanyang mamamayan, “Itapon ninyo sa Ilog Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, ngunit pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.