Exodus 12

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa

1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron doon sa Ehipto,

2“Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo.

3Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing.

4Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao.

5Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan.

6Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ikalabing-apat na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong sambayanan ng Israel ang mga hayop.

7Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay kung saan ninyo kakainin ang mga tupa.

8Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa.

9Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob.

10Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo.

11Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga tungkod, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.[#12:11 : Sa literal, Pista ng Paglampas ng Anghel para sa . Ganito rin sa talata 48|EXO 12:48.]

12“Sa gabing iyon, dadaan ako sa Ehipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki, mapa-tao man o hayop. Parurusahan ko ang lahat ng diyos ng Ehipto. Ako ang Panginoon .

13Ngunit ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Ehipto.

14“Alalahanin ninyo ang araw na ito magpakailanman. Taon-taon, ipagdiwang ninyo ito bilang pista ng pagpaparangal sa akin, hanggang sa mga susunod na henerasyon. Ang tuntuning ito ay panghabang-panahon.

15Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel.

16Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo upang sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo.

17“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo noong araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Ehipto. Ang pagdiriwang na ito ay tuntuning panghabang-panahon; ipagdiwang ninyo ito hanggang sa mga susunod na henerasyon.

18Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ikalabing-apat na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ikadalawampuʼt isang araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.

19Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel, dayuhan man o ipinanganak na Israelita.

20Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa, saan man kayo nakatira.”

21Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng pinuno ng Israel at sinabi, “Pumili kayo ng isang batang tupa o kambing para sa pamilya ninyo at katayin ito upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.

22Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga.

23Dahil dadaan ang Panginoon sa Ehipto upang patayin ang mga panganay na lalaking mga Ehipsiyo. Ngunit kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.

24“Ang mga tuntuning ito ay panghabang-panahon; dapat ninyo itong sundin pati ng inyong mga salinlahi.

25Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo.

26Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito,

27Ito ang paghahandog sa Pista ng Paglampas ng Anghel bilang pag-alala sa ginawa ng Panginoon . Nilampasan niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Ehipto nang patayin niya ang mga Ehipsiyo.” Pagkatapos, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon .

28At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.

29Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Ehipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop.

30Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Ehipsiyo. At narinig ang matinding iyakan sa Ehipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.

Ang Pag-alis ng mga Israelita sa Ehipto

31Nang gabi ring iyon, ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron at sinabi, “Umalis na kayo! Lisanin na ninyo ang aking bansa. Umalis na kayo at sumamba sa Panginoon , gaya ng ipinapakiusap ninyo.

32Dalhin ninyo ang mga hayop ninyo, gaya rin ng pakiusap ninyo at umalis kayo. Ngunit ipanalangin ninyo rin ako.”

33Pinagmadali ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!”

34Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan.

35Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Ehipsiyo ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit.

36Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Ehipsiyo sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Ehipsiyo ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Ehipsiyo.

37Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata.

38Marami ring mga dayuhan ang sumáma sa kanila at marami silang dinalang hayop.

39Nang huminto sila upang kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Ehipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Ehipsiyo na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.

40Nanirahan ang mga Israelita sa Ehipto nang 430 taon.

41Sa huling araw ng 430 taon, umalis sa Ehipto ang buong mamamayan ng Panginoon .

42Nang gabing umalis ang mga Israelita sa Ehipto, binantayan sila ng Panginoon buong gabi. Kaya katulad ng gabing iyon taon-taon, magpupuyat ang lahat ng mga Israelita bilang pagpaparangal sa Panginoon at gagawin nila ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.

Ang mga Tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel

43Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel:

“Hindi dapat kumain ang mga dayuhan ng mga pagkaing inihanda sa pistang ito.

44Makakakain ang lahat ng aliping binili kung natuli sila,

45pero hindi maaaring kumain ang mga upahang trabahador at ang mga dayuhan.

46“Dapat itong kainin sa loob ng bahay kung saan ito inihanda; hindi dapat ilabas ang karne sa bahay, at huwag babaliin ang buto nito.

47Dapat itong ipagdiwang ng buong mamamayan ng Israel.

48“Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan niya. At maaari na siyang makasama sa pagdiriwang bilang isang katutubong Israelita. Ngunit hindi maaaring makipagdiwang ang taong hindi natuli.

49Ang tuntuning itoʼy para sa lahat – sa mga purong Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.”

50Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.

51At nang araw na iyon, inilabas ng Panginoon ang bawat lahi ng Israel mula sa Ehipto.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.