Exodus 15

Ang Awit ni Moises at Miriam

1Umawit si Moises at ang mga Israelita ng awit sa Panginoon :

“Aawitan ko ang Panginoon

dahil lubos siyang nagtagumpay.

Itinapon niya sa dagat

ang mga kabayo at ang mga sakay nito.

2“Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas,

at siya ang aking awit.

Siya ang nagligtas sa akin.

Siya ang aking Diyos, at pupurihin ko siya.

Siya ang Diyos ng aking ama, at siyaʼy aking itataas.

3Panginoon ang kanyang pangalan,

isa siyang mandirigma.

4Ang mga karwahe at mga sundalo ng Faraon,

itinapon niya sa dagat.

Ang mga pinakamagagaling na opisyal ng Faraon

ay nalunod sa Dagat na Pula.

5Natabunan sila ng malalim na tubig.

Lumubog sila sa kailaliman katulad ng isang bato.

6Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon ;

sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.

7“Sa inyong kapangyarihan, ibinagsak nʼyo ang mga kumakalaban sa inyo.

Ipinadama nʼyo sa kanila ang inyong galit na siyang tumupok sa kanila na parang dayami.

8Sa isang ihip nʼyo lang, nahati ang tubig.

Ang dumadaluyong na tubig ay nahati at tumayo na parang pader;

natuyo ang malalim na dagat.

9Nagyayabang na sinabi ng kaaway,

‘Hahabulin ko sila at huhulihin;

paghahati-hatiin ko ang kanilang mga kayamanan

at bubusugin ko nito ang aking sarili.

Bubunutin ko ang aking espada

at lilipulin sila.’

10Ngunit sa isang ihip nʼyo lang, nalunod sila sa dagat.

Lumubog sila sa kailaliman kagaya ng tingga.

11O Panginoon , sino po ba ang diyos na katulad nʼyo?

Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan.

Kayo lang po ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan!

12“Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.[#15:12 : Sa literal, Inunat nʼyo ang inyong kanang kamay.]

13Sa pamamagitan ng walang tigil nʼyong pagmamahal,

gagabayan nʼyo ang inyong mga iniligtas.

Sa pamamagitan ng inyong lakas,

gagabayan nʼyo sila sa banal nʼyong tahanan.

14Maririnig ito ng mga bansa at manginginig sila sa takot.

Lubhang matatakot ang mga Filisteo.

15Ang mga pinuno ng Edom at Moab ay manginginig sa takot,

at ang mga pinuno ng Canaan ay hihimatayin sa takot.

16Tunay na matatakot sila.

Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,

silaʼy magiging parang bato na hindi nakakakilos,

hanggang sa makadaan ang inyong mga mamamayan

na inyong iniligtas, O Panginoon .

17Dadalhin nʼyo silaʼt ilalagay

sa bundok na inyong ipapamana,

ang lugar na ginawa nʼyong tahanan, O Panginoon ,

ang santuwaryong inyong itinayo.

18“Maghahari kayo, O Panginoon magpakailanman.”

19Nang sumugod sa dagat ang mga kabayo, mga karwahe at mga mangangabayo ng Faraon, pinabalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila. Ngunit ang mga Israelita ay naglakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

20Kumuha ng tamburin si Miriam na propeta at kapatid ni Aaron, at pinangunahan niya ang mga babae sa pagtugtog ng tamburin at pagsayaw.

21Inawit ni Miriam ang awit na ito sa kanila:

“Umawit kayo sa Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.

Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.”

Ang mga Tubig ng Mara at Elim

22At dinala ni Moises ang mga Israelita mula sa Dagat na Pula papunta sa ilang ng Shur. Sa loob ng tatlong araw, naglakbay sila sa ilang at wala silang nakitang tubig.

23Nang makarating sila sa Mara, hindi nila mainom ang tubig doon dahil itoʼy mapait. (Ito ang dahilan kung bakit Mara ang pangalan ng lugar.)[#15:23 : Ang ibig sabihin, mapait.]

24Kaya, nagreklamo ang mga Israelita kay Moises, “Ano ang iinumin natin?”

25Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon , at ipinakita ng Panginoon sa kanya ang isang putol ng kahoy. Inihagis ito ni Moises sa tubig at nawala ang pait ng tubig.

Doon sa Mara ibinigay ng Panginoon ang tuntunin at kautusang ito upang subukin ang katapatan nila sa kanya:

26“Kung susundin ninyo ako nang buong puso, ang Panginoon na inyong Diyos, at gagawa ng mabuti sa aking paningin, at susundin ang aking mga kautusan at tuntunin, hindi ko kayo padadalhan ng mga karamdaman gaya ng ipinadala ko sa mga Ehipsiyo, dahil ako ang Panginoon , ang nagpapagaling sa inyo.”

27Dumating sila sa Elim, kung saan may labindalawang bukal at pitumpung puno ng palma, at nagkampo sila malapit sa tubig.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.