Exodus 17

Tubig mula sa Bato

(Bil. 20:1‑13)

1Sa utos ng Panginoon , umalis ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Sin at nagpatuloy sa paglalakbay. Nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nagkampo sila sa Refidim, pero walang tubig na mainom doon.

2Kaya nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”

Sumagot si Moises, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon ?”

3Ngunit uhaw na uhaw ang mga tao roon, kaya patuloy ang pagrereklamo nila kay Moises, “Bakit mo pa kami inilabas ng Ehipto? Mamamatay din lang pala kami rito sa uhaw pati ang mga anak at mga hayop namin.”

4Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon , “Ano po ba ang gagawin ko sa mga taong ito? Halos batuhin na nila ako!”

5Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang iyong baston na inihampas mo sa Ilog Nilo, at pangunahan mo ang mga tao kasama ng ilang mga pinuno ng Israel.

6Ako ay tatayo sa harap mo roon sa may bato sa Bundok Horeb. Hampasin mo ang bato at lalabas ang tubig na iinumin ng mga tao.” Kaya ginawa ito ni Moises sa harap ng mga pinuno ng Israel.

7Tinawag ni Moises ang lugar na Masa at Meriba, dahil nakipagtalo sa kanya ang mga Israelita at sinubukan nila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi, “Kasama ba natin ang Panginoon o hindi?”[#17:7 : Ang ibig sabihin, pagsubok.; #17:7 : Ang ibig sabihin, pagtatalo.]

Natalo ang mga Amalekita

8Nang naroon pa ang mga Israelita sa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita.

9Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang mga lalaki na kasama natin at labanan ninyo ang mga Amalekita. Bukas, tatayo ako sa ibabaw ng burol hawak ang baston ng Diyos.”

10Kaya nakipaglaban sina Josue sa mga Amalekita ayon sa iniutos ni Moises, habang sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa burol.

11At habang nakataas ang kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang kanyang kamay nananalo naman ang mga Amalekita.

12Nang mangalay na ang mga kamay ni Moises, kumuha sina Aaron at Hur ng isang bato. Inilagay ito sa kanyang kinatatayuan at pinaupo siya roon. Inalalayan nila ang kanyang mga kamay, isa sa bawat kamay, kaya nanatili itong nakataas hanggang lumubog ang araw.

13Kaya natalo nina Josue ang mga Amalekita.

14Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito upang hindi makalimutan at ipaalam mo ito kay Josue: Lubusan kong buburahin ang alaala ng lahi ng mga Amalekita.”

15Gumawa si Moises ng altar at tinawag niya itong, “Ang Panginoon ang aking Bandila ng Tagumpay.”

16Sinabi niya, “Dahil sa itinaas ng mga Amalekita ang mga kamao nila sa trono ng Panginoon , patuloy na makikipaglaban sa Amalekita ang Panginoon magpakailanman.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.