The chat will start when you send the first message.
1“Huwag kayong magkakalat ng hindi totoong balita. Huwag kayong maging isang bulaang saksing hindi makatarungan upang tulungan ang taong maysala.
2“Huwag kayong makipagtulungan sa masasamang tao sa pamamagitan ng pagiging bulaang saksi. Kung sasaksi kayo sa isang kaso, huwag nʼyong babaluktutin ang hustisya upang lamang kumampi sa karamihan.
3Huwag din ninyong papaburan ang kaso ng mga mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4“Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, kailangang isauli ninyo ito sa kanya.
5Kung makita ninyong natumba ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng karga nito, huwag nʼyo itong pabayaan kundi tulungan itong makatayo.
6“Siguraduhin ninyong mabibigyan ng hustisya ang mga mahihirap sa kaso nila.
7Huwag kayong magbibintang sa iba nang walang katotohanan. Huwag ninyong papatayin ang mga inosenteng tao, dahil parurusahan ko ang sinumang gagawa nito.
8“Huwag kayong tatanggap ng suhol dahil bumubulag ito sa tao sa katotohanan, at hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inosente.
9“Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan, dahil kayo mismo ang nakakaalam ng damdamin ng isang dayuhan, dahil naging mga dayuhan din kayo noon sa Ehipto.
10“Sa loob ng anim na taon, makakapagtanim kayo at makakapag-ani sa lupa ninyo.
11Ngunit sa ikapitong taon, huwag nʼyo itong tataniman. Kung may tutubong pananim sa lupa ninyo, pabayaan ninyo ang mahihirap na makakuha ng mga pananim upang kainin, at kung may matira, ipakain na lang ninyo sa mga hayop. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga ubasan at taniman ng olibo.
12“Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero huwag kayong magtatrabaho sa ikapitong araw, upang makapagpahinga kayo, ang mga baka at asno ninyo, ang mga alipin ninyo at ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.
13“Sundin ninyong mabuti lahat ng sinabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa ibang diyos o babanggit ng pangalan nila.
14“Tatlong beses sa isang taon kayong magdiriwang ng pista sa aking karangalan.
15“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Kagaya ng iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil ito ang buwan na lumabas kayo ng Ehipto. Ang bawat isa sa inyoʼy dapat magdala sa akin ng handog sa panahong iyon.
16“Ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani kapag nagdadala kayo ng mga unang ani ng inyong bukid.
“Ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng Huling Pag-ani sa katapusan ng taon kapag titipunin na ninyo ang mga ani sa mga bukid ninyo.
17“Sa tatlong pistang ito sa bawat taon, dapat dumalo ang kalalakihan ninyo sa pagsamba sa akin, na inyong Makapangyarihang Panginoon .
18“Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at ng kahit anong may pampaalsa. Huwag kayong magtitira para sa kinaumagahan ng taba ng hayop na inyong inihandog sa akin sa pista.
19“Dalhin ninyo sa bahay ng Panginoon na inyong Diyos ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing sa mismong gatas ng kanyang ina.
20“Ngayon, isinugo ko ang anghel upang bantayan at gabayan kayo papunta sa lugar na inihanda ko para sa inyo.
21Makinig kayo sa kanya at sundin ang sinasabi niya. Huwag kayong magrerebelde sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niyaʼy ginagawa niya sa aking pangalan, at hindi niya pababayaang magpatuloy kayo sa inyong mga kasalanan.[#23:21 : O hindi niya patatawarin ang inyong mga kasalanan.]
22Kung makikinig kayo nang mabuti sa sinasabi niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, magiging kaaway ko ang inyong mga kaaway, at kakalabanin ko ang kakalaban sa inyo.
23Pangungunahan kayo ng aking anghel at dadalhin kayo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Heveo at Jebuseo, at lilipulin ko sila.
24Huwag kayong yuyuko sa kanilang mga diyos-diyosan o sasambahin ang mga ito, o kayaʼy tutularan ang kanilang mga ginagawa. Sa halip, durugin ninyo ang mga ito at gibain ang kanilang mga sagradong haligi.
25Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na inyong Diyos, at bibiyayaan ko kayo ng masaganang pagkain at tubig. Pagagalingin ko ang inyong mga karamdaman,
26at walang babaeng makukunan o magiging baog sa inyong lupain, at bibigyan ko kayo ng mahaba at makabuluhang buhay.
27“Tatakutin ko at lilituhin ang mga kaaway na makakaharap ninyo, at tatakas sila.
28Magpapadala ako ng mga putakting mangunguna sa inyo, at itataboy nila ang mga Heveo, Cananeo at Heteo.
29Ngunit hindi ko sila kaagad itataboy sa loob ng isang taon dahil mapapabayaan ang lupain at dadami nang husto ang mga mababangis na hayop.
30Unti-unti ko silang itataboy hanggang sa dumami na kayo at kaya na ninyong angkinin ang lupain.
31“Itatakda ko na ang hangganan ng inyong lupain ay magsisimula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat ng Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ibibigay ko sa inyo ang mga nakatira ngayon sa lupaing iyon, at itataboy nʼyo sila.
32Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila o sa mga diyos-diyosan nila.
33Huwag nʼyo silang pabayaang manirahan sa inyong lupain dahil baka sila pa ang magtulak sa inyo na magkasala laban sa akin. Kung sasamba kayo sa mga diyos-diyosan nila, magiging bitag ito sa inyo.”