The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin at isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa akin sa malayo.
2Ikaw lang, Moises, ang makakalapit sa akin; ang ibaʼy hindi puwedeng lumapit. At ang taong-bayan ay hindi aakyat kasama mo.”
3Kaya pinuntahan ni Moises ang taong-bayan at inulit sa kanila ang sinabi ng Panginoon at ang mga tuntunin niya. Nagkaisa silang sumagot, “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay susundin namin.”
4At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ng Panginoon .
Kinaumagahan, maaga siyang bumangon at nagpatayo siya ng altar sa may paanan ng bundok. Nagpatayo rin siya ng labindalawang haliging bato na kumakatawan sa labindalawang lahi ng Israel.
5Pagkatapos, sinugo niya ang ilang mga kabataang lalaking Israelita na mag-alay sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at ng mga toro bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon .
6Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay ito sa mga mangkok at isinaboy sa altar ang natirang kalahati.
7Kinuha rin niya ang Aklat ng Kasunduan at binasa ito sa mga tao. At sumagot sila, “Susundin namin ang Panginoon , at gagawin ang lahat ng sinabi niya.”
8Pagkatapos, kinuha niya ang dugo sa mga mangkok at iwinisik ito sa mga tao, at sinabi, “Ito ang dugo na nagpapatibay sa kasunduan na ginawa ng Panginoon sa inyo nang ibigay niya ang mga utos na ito.”
9Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel,
10at nakita nila doon ang Diyos ng Israel. Sa paanan niya ay may parang daang gawa sa batong safiro na kasinlinaw ng langit.
11Kahit nakita na ng mga pinuno ang Diyos, hindi sila pinatay ng Diyos. Kumain pa sila at uminom doon sa kanyang presensya.
12Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka rito sa akin sa itaas ng bundok at maghintay, dahil ibibigay ko sa iyo ang malalapad na batong sinulatan ko ng mga kautusan at tuntunin ko upang ituro sa mga tao.”
13Kaya umakyat si Moises sa bundok ng Diyos kasama ang lingkod niyang si Josue.
14Sinabi ni Moises sa mga tagapamahala, “Hintayin nʼyo kami rito hanggang sa makabalik kami. Maiiwan dito sina Aaron at Hur, at kung may mga usapin kayo, sumangguni lang kayo sa kanila.”
15Pagdating ni Moises sa itaas ng bundok, natakpan ang bundok ng ulap.
16At bumaba ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. At sa loob ng anim na araw, natakpan ng ulap ang bundok. Sa ikapitong araw, tinawag ng Panginoon si Moises mula sa ulap.
17Para sa mga Israelitang nasa paanan ng bundok, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay parang naglalagablab na apoy sa tuktok ng bundok.
18Si Moises naman ay pumasok sa ulap habang papaakyat pa siya sa bundok. Nanatili siya roon ng apatnapung araw at apatnapung gabi.