The chat will start when you send the first message.
1“Magpagawa ka ng altar na yari sa akasya. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas.
2Palagyan mo ito ng mga sungay sa apat na sulok, at ang mga sungay na ito ay dapat kaisang piraso ng altar. Pagkatapos, pabalutan mo ng tanso ang altar.
3Ang lahat ng kagamitan ng altar ay kailangang gawa sa tanso, ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga.
4Magpagawa ka rin ng parilyang tanso para sa altar, at lagyan ito ng argolyang tanso sa bawat sulok.
5Pagkatapos, ilagay mo ito sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa bandang gitna ng altar.
6Magpagawa ka rin ng tukod na pambuhat sa altar. Kailangang galing ito sa kahoy na akasya, at nababalutan ng tanso.
7Ipasok ang tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar upang mabuhat ang altar.
8Ang ipapagawa mong altar ay tabla at dapat bakante sa loob. Ipagawa ito ayon sa planong sinabi ko sa iyo roon sa bundok.
9“Palagyan ng bakuran ang Tabernakulo, at palibutan ito ng kurtina na gawa sa hinabing pinong lino. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan.
10Ikabit ang kurtina sa dalawampung haliging tanso na nakasuksok sa dalawampung patungang tanso. Ang pagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa baras na pilak sa mga haligi.
11Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba. Ikabit din ito sa dalawampung haliging tanso na nakasuksok sa dalawampung patungang tanso. Ang pagkakabitan ng mga kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.
12“Ang kurtina sa bandang kanluran ay may sukat na pitumpuʼt limang talampakan ang haba at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok sa sampung patungan.
13Ang kurtina sa bandang silangan ay pitumpuʼt limang talampakan ang haba.
14Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina rin ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay dalawampuʼt dalawa at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring patungan.
15Ang kurtina sa kaliwa ay dalawampuʼt dalawa at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit din ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring patungan.
16“Para sa pintuan ng bakuran, palagyan mo ng tabing na tatlumpung talampakan ang haba na gawa sa lanang asul, ube at pula at hinabing pinong lino. At binurdahan ng mambuburda. Nakasabit ito sa apat na haligi na nakasuksok sa apat na patungan.
17Kailangang may kawit at baras na pilak ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran, at kailangan ding may mga tansong patungan.
18Ang haba ng bakuran ay 150 talampakan at ang lapad ay pitumpuʼt limang talampakan. Mayroon itong tabing na gawa sa hinabing pinong lino, na pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Ang mga patungan nitoʼy gawa sa tanso.
19Kailangang purong tanso ang lahat ng kagamitan sa Tabernakulo pati na ang lahat ng tulos ng Tolda at sa bakuran nito.
20“Utusan mo ang mga Israelita na dalhan ka nila ng purong langis na mula sa pinigang olibo para sa mga ilaw upang tuloy-tuloy ang pag-ilaw nito.
21Ilagay ang lalagyan ng ilaw sa labas ng kurtina na tumatakip sa Kahon ng Kasunduan. Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ang mag-aasikaso sa mga ilaw sa Tabernakulo. Sisindihan nila ito sa aking presensya araw at gabi. Ang tuntuning itoʼy dapat sundin ng mga Israelita at ng susunod pa nilang mga henerasyon.