1Ginawa nina Bezalel ang Kahon gamit ang kahoy ng akasya. May 45 pulgada ang haba ng Kahon, 27 pulgada ang lapad at taas nito.
2Binalutan ito ng purong ginto sa loob at labas, at nilagyan ng hinulmang ginto ang mga palibot nito.
3Ginawaan din nila ito ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa nito.
4Gumawa sila ng tukod na akasya na binalutan ng ginto.
5Ikinabit nila ang mga argolya sa bawat gilid ng Kahon upang mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod.
6Ginawa rin niya ang takip ng kapatawaran gamit ang purong ginto, apatnapuʼt limang pulgada ang haba at dalawampuʼt pitong pulgada ang lapad.
7Gumawa rin siya ng dalawang gintong kerubin gamit ang pinanday na ginto, at inilagay sa bawat dulo ng takip.
8Inilagay niya ang isang kerubin sa isang dulo at ang isa naman sa kabilang dulo. Ginawa niya ang mga kerubin na kaisang piraso ng takip sa magkabilang dulo nito.
9Nakabukang paitaas ang mga pakpak ng mga kerubin na nakalukob sa takip. Magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip.
10Gumawa rin sila ng mesang akasya na tatlumpuʼt anim na pulgada ang haba, labingwalong pulgada ang lapad, at dalawampuʼt pitong pulgada ang taas.
11Binalutan ito ng purong ginto at nilagyan ng hinulmang ginto ang palibot nito.
12Nilagyan din nila ng sinepa ang bawat gilid. Mga apat na pulgada ang lapad at nilagyan din nila ng hinulmang ginto ang sinepa.
13Pagkatapos, gumawa sila ng apat na argolyang ginto, at ikinabit ito sa apat na paa ng mesa,
14malapit sa sinepa. Dito nila isinuksok ang mga tukod na pambuhat sa mesa.
15Gawa sa akasya ang mga tukod na ito at nababalot ng ginto.
16Gumawa rin sila ng mga kagamitang purong ginto para sa mesa: pinggan, tasa, mangkok at banga na gagamitin para sa mga handog na inumin.
17Gumawa sila ng ilawang yari sa pinanday na purong ginto ang paa, katawan, at palamuting hugis bulaklak na ang ibaʼy buko pa lang at ang iba naman ay nakabuka na. Ang palamuti ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan nito.
18Ang ilawan ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid.
19Ang bawat sanga nito ay may tatlong palamuting hugis bulaklak ng almendra, na ang iba ay buko pa at ang iba naman ay nakabuka na.
20Ang katawan ng ilawan ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendra, na ang ibaʼy buko pa at ang iba naman ay nakabuka na.
21May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng sanga na galing sa katawan nito, at lahat ay gawa sa isang piraso.
22Ang mga palamuti at ang mga sanga ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng ilawan na gawa sa pinanday na purong ginto.
23Gumawa rin sila ng pitong ilaw, mga panggupit ng mitsa nito, at mga pansahod sa upos ng mitsa ng ilaw. Purong ginto ang lahat ng ito.
24Ang nagamit sa paggawa ng ilawan at ng lahat ng kagamitan nito ay tatlumpuʼt limang kilong purong ginto.
25Gumawa rin sila ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. Kuwadrado ito, labingwalong pulgada ang haba at ang lapad, at tatlumpuʼt anim na pulgada ang taas. May parang sungay sa mga sulok nito na kaisang piraso ng altar.
26Nilagyan nila ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid at ang parang sungay sa mga sulok at hinulmang ginto sa palibot.
27Nilagyan nila ng dalawang argolyang ginto ang ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, upang pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito.
28Ang tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto.
29Gumawa rin sila ng banal na langis na pamahid at purong insenso na napakabango.